Adiksyon
Alituntunin 11


“Tiisin Mo ang Lahat ng Bagay na Ito nang May Pagtitiyaga,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling (2014).

“Tiisin Mo ang Lahat ng Bagay na Ito nang May Pagtitiyaga,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.

Larawan
ina na may hawak na maliit na bata

Alituntunin 11

Tiisin Mo ang Lahat ng Bagay na Ito nang May Pagtitiyaga

“Sapagkat nalalaman kong ikaw ay iginapos; oo … tiniis mo ang lahat ng bagay na ito nang may pagtitiyaga dahil sa kasama mo ang Panginoon; at ngayon nalalaman mong iniligtas ka ng Panginoon” (Alma 38:4).

Pagkilala na ang Paggaling ay Isang Proseso

Itinuro ni Elder David A. Bednar na ang espirituwal na pagbabago “ay karaniwang hindi nagaganap nang agaran o minsanan; ito ay patuloy na proseso—hindi lang minsanang nangyayari. Taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin, unti-unti at halos hindi halata, magiging tugma ang ating mga hangarin, iniisip, mga salita, at ating mga gawa sa kalooban ng Diyos. Ang yugtong ito ng proseso ng pagbabago ay nangangailangan ng panahon, pagsisikap, at pagtitiyaga” (“Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 21). Gayundin, lahat ng pagbabago ay kailangan ng lakas at patuloy na pagsisikap. Kailangang dumaan ang mga mahal natin sa buhay sa proseso ng emosyonal, espirituwal, at pisikal na pagbabago, at ang prosesong ito ay nangangailangan ng panahon at tiyaga.

Ito ang itinuturo sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo (2004) tungkol sa proseso ng paggaling:

“Maaaring kasama sa pagsisisi ang emosyonal at pisikal na proseso. Dapat itigil ng mga tao ang mga maling nakaugalian. Ang di-magandang ugali ay dapat palitan ng maganda at tamang asal.

“Kaya nga maaaring tumagal ang pagsisisi at pagpapagaling. Kung minsan, kahit maganda ang intensyon, nadadala sa tukso [ang mga tao] habang sinisikap nilang disiplinahin ang sarili. …

“Sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon ay natatanggap ng mga tao ang kaloob na Espiritu Santo. Ito ang magpapalakas sa kakayahan nilang pagtagumpayan ang mga hamong ito. Pero hindi sapat ang binyag at kumpirmasyon para maiwaksi ang mga pagnanasang ito ng damdamin at katawan na kaugnay ng pag-uugaling ito. Kahit nagtatagumpay ang isang tao sa simula, kailangan pa rin ng karagdagang pagpapagaling sa damdamin para ganap na magsisi at gumaling. (187–88).

  • Paano maiimpluwensyahan ng mga katotohanang ito tungkol sa pagsisisi at pagpapagaling ang mga pagsisikap mong suportahan ang pagpagaling ng iyong mahal sa buhay?

Angkop na Pagtugon sa Pagbalik sa Dating Adiksyon

Nangyayari ang pagbalik sa dating adiksyon kapag muling gumawa ang isang tao ng mga maling pagpili matapos gumaling nang bahagya. Ang pagbalik sa dating adiksyon ay lubhang karaniwan at maaaring isang solong pangyayari o kaya’y lubos na pagbalik sa dating gawi. Dahil lubhang karaniwan ang pagbalik sa dating adiksyon, maaaring idahilan ng ilan na ito ay bahagi ng pagpapagaling basta’t ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya. Gayunpaman, mahalagang tandaan na ang pagbalik sa dating adiksyon ay hindi bahagi ng proseso ng pagpapagaling. Dapat tayong maging maingat na hindi kunsintihin ang mga pagdadahilan o pangangatwiran ng ating mga mahal sa buhay sa mga maling pagpili nila. Ang pabalik-balik na adiksyon ay nagpapahiwatig na hindi pa lubos na gumaling ang mga mahal natin sa buhay. Maaaring mangahulugan ito na kailangan ng mas matinding pagsisikap at tumanggap ng mas masidhing pagpapagamot ang ating mga mahal sa buhay. Maaaring kailanganin nating magtakda ng mga karagdagang hangganan o limitasyon sa kanila. Kung sinusubukang maliitin ng mga mahal natin sa buhay ang bigat ng pagbalik sa dating adiksyon, ang malinaw at tapat na pananaw natin ay makakatulong na maunawaan nila na nililinlang nila ang kanilang sarili at kailangan pa ng dagdag na tulong.

Kapag bumabalik sa dating adiksyon ang ating mga mahal sa buhay, maaari tayong dumanas ng kawalan ng pag-asa, pagdududa, mababang pagpapahalaga sa sarili, at galit. Ang mga damdaming ito ay maaaring matindi at kung minsa’y napakahirap. Kahit luma na sa atin ang isyung ito, maaaring sariwa at matindi pa rin ang sakit na dulot nito. At kung minsan, kung nagbalik sa dating adiksyon ang mga mahal natin sa buhay matapos ang napakahabang panahon ng pagpapagaling, maaaring mas tumindi pa ang kawalang-pag-asa at sakit. Bahagi ng ating pagpapagaling ang matutong harapin at daigin ang masasakit na damdaming umuusbong dahil sa mga maling pagpili ng ating mga mahal sa buhay. Magagamit natin ang magagandang kasanayang natutuhan natin para kayanin ito at ang mga hangganang naitakda natin hanggang sa ngayon sa ating pagpapagaling at tumatatag sa pundasyong iyan. Maaari din nating lapitan ang mga taong nagmamahal at sumusuporta sa atin. Maaari nating idulog ang nilalaman ng ating puso sa Panginoon at umasa na aalisin Niya ang ating mga pasanin at bibigyan tayo ng kapayapaan. Ang mga pagbalik sa dating adiksyon ng ating mga mahal sa buhay ay hindi kailangang maging dahilan para mawalan tayo ng pag-asa, dahil sa ating kaugnayan sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Mahalagang tumugon nang angkop sa mga pagbalik sa dating adiksyon ng ating mga mahal sa buhay, hindi lamang para tulungan tayong magpagaling kundi para tulungan din sila sa kanilang paggaling. Ang pagkunsinti o pagbabalewala sa kanilang pag-uugali ay maaaring magpanatili sa kanilang pag-uugali at magpasidhi sa ating pagdurusa. Kailangan nilang maunawaan na mahal natin sila ngunit hindi natin maaaring kunsintihin ang patuloy na paggawa nila ng mga maling pagpili at pangangatwiran sa kanilang mga desisyon. Maaari tayong tumugon nang may pagmamahal at katapatan sa kanilang pagbalik sa dating adiksyon at mga pangangatwiran para maipaunawa sa kanila kung paano tayo naaapektuhan, pati na sila, ng kanilang mga ikinikilos. Masusuportahan natin ang iba nang may “hindi pakunwaring pag-ibig” (D at T 121:41) habang malinaw ring ipinararating na tutol tayo sa kanilang pag-uugali “kapag pinakikilos ng Espiritu Santo; at pagkatapos ay magpakita ng ibayong pagmamahal” (D at T 121:43).

  • Paano ka natulungan ng Diyos na kayanin ang mga pagbalik sa dating adiksyon ng iyong mahal sa buhay?

  • Paano ka angkop na makakatugon sa pagbalik sa dating adiksyon?

Pagtulong sa Ating mga Mahal sa Buhay na Bumalik sa Dati Nilang Adiksyon

Samantalang sinusubukang pangatwiranan ng ilan ang kanilang pagbalik sa dating adiksyon, ang iba nama’y masyadong pinanghihinaan ng loob at sumusuko kapag bumalik sila sa dating adiksyon, na may maling paniniwala na nasira na nila ang lahat ng progreso nila tungo sa pagpapagaling. Ngunit hindi nababalewala ng pagbalik sa dating adiksyon ang lahat ng pagsisikap nila na gumaling. Maaari pa ring magkaroon ng progreso sa ibang mga paraan, tulad ng kanilang katapatan tungkol sa kanilang mga hamon o sa dalas o tindi ng mga pagbalik nila sa dating adiksyon. Kailangang matuto sila sa kanilang mga kamalian, itama nila ang mga ito, at patuloy silang magbago. Ang ating panghihikayat at suporta ay mahalaga sa prosesong ito. Kailangan ng mga mahal natin sa buhay na kilalanin natin ang progreso nila at tulungan silang patuloy na magpagaling. Bagama’t hindi natin mahihiwatigan kung lubos na silang nagsisi o hindi pa, mapapatotohanan natin na nais ng Panginoon na patawarin sila at na may pag-asa pa, at mahihikayat natin silang makipagtulungan sa kanilang mga lider sa simbahan, support people, at iba pa na higit na makakatulong sa kanila. Posible ang matagumpay na pagpapagaling para sa mga taong mapagpakumbaba at sumasampalataya kay Jesucristo habang patuloy nilang nilulutas ang kanilang mga hamon at gumagawa sila ng pangmatagalang mga pagbabago sa kanilang buhay.

  • Paano mo masusuportahan ang iyong mahal sa buhay kapag nagbalik siya sa dating adiksyon?

Larawan
mag-asawang nakangiti

Ang ating panghihikayat at suporta ay mahalaga. … Kailangan [nila] na kilalanin natin ang progreso nila at tulungan silang patuloy na gumaling.