Adiksyon
Alituntunin 8


“Maging Matibay at Matatag,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling. (2014).

“Maging Matibay at Matatag,” Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.

Larawan
babaeng nakatingin sa kalangitan

Alituntunin 8

Maging Matibay at Matatag

“Samakatwid, kasindami ng sumapit sa ganito, nalalaman ninyo sa inyong sarili, ay matibay at matatag sa pananampalataya, at sa bagay kung saan sila ay ginawang malaya” (Helaman 15:8).

Pagtatakda ng mga Hangganan upang Protektahan ang Sarili Natin at ang Ating Pamilya

Madalas tayong mag-alangan kung alin ang uunahin sa pagitan ng pagsuporta sa mga mahal natin sa buhay at pagsisikap na matugunan ang sarili nating mga pangangailangan para sa kabutihan at kaligtasan, lalo na kung patuloy na nakikibaka ang mga mahal natin sa buhay sa mga mapaminsalang pag-uugali. Gusto nating ipakita ang ating pagmamahal sa kanila habang pinoprotektahan natin ang ating sarili at ang iba. Ang matutuhan kung paano mahalin at protektahan ang ating sarili ay hindi lamang mahalaga sa pangangalaga sa pag-unawa sa sarili nating kahalagahan kundi magiging isa ring pagpapala sa ating mga mahal sa buhay.

Ang pagtatakda ng mga hangganan ay nangangahulugan na naglalagay tayo ng hangganan o limitasyon sa ilang partikular na pagkilos o indibiduwal kaya hindi natin pinahihintulutang lumagpas dito ang iba. Ang pag-unawa sa konseptong ito at pagkakaroon ng kakayahang magtakda ng mga hangganan ay tumutulong na maiwasan nating madama na parang mga biktima tayo.

Tutulungan tayo ng mga hangganang itinakda natin na matugunan ang ating mga pangangailangang espirituwal, emosyonal, at pisikal at madama sa dakong huli na tayo’y ligtas at payapa. Kailangan nating madama na ligtas at maayos tayo para lubos nating mahalin at mapaglingkuran ang iba. Gayunman, kapag hindi sapat na natutugunan ang ating mga pangangailangan, tayo ay may responsibilidad na kausapin ang mga mahal natin sa buhay sa paraang binibigyan natin sila ng kalayaang magpasiya kung tutulungan ba nila tayo o hindi.

  • Paano ipinadarama sa iyo ng mga hangganang itinakda mo na ligtas at maayos ka? Paano nakakatulong ang mga ito sa iyo na magpakita ng pagmamahal sa iyong sarili at sa iba?

Pagiging Bukas at Tapat

May kahirapan ang maging bukas at tapat sa ating mga mahal sa buhay tungkol sa ating pasakit at kung gaano natin kailangan ang tulong nila. Gayunpaman, ang ating kahinaan ang tumutulong sa atin na maging mas kapani-paniwala at tumutulong sa ating mga mahal sa buhay na mas makaugnay sa atin. Kung patuloy na lumalagpas sa ating mga hangganan ang ating mga mahal sa buhay sa pagiging salbahe o hindi mapagmahal dahil sa kanilang mga pagpili, ang pagpapatupad ng mga bunga nito ang susunod na pinakamagandang hakbang na magagawa natin. Itinuro ng Pangulong Russell M. Nelson na “ang tunay na pagmamahal sa makasalanan ay maaaring mangailangan ng matapang na pakikipagharap—hindi ng pagsasawalang-kibo! Ang tunay na pagmamahal ay hindi sumusuporta sa pag-uugaling nakapipinsala sa sarili” (“Teach Us Tolerance and Love,” Ensign, Mayo 1994, 71).

May responsibilidad tayong magtakda at malinaw na magpabatid ng mga hangganan, gumawa ng mga patakaran, at papanagutin ang mga miyembro ng pamilya sa kanilang mga pagpili. Ito ay hindi ginagawa para kontrolin ang iba kundi para mabawasan ang negatibong epekto nito at tulungan ang ating pamilya na manatiling ligtas at maayos. Ang pagtatakda ng mga hangganan ay tumutulong din sa atin na maalala ang ating halaga bilang mga anak ng Diyos at malaman na tayo ay karapat-dapat sa pagmamahal at kabaitan sa ating buhay. Natuklasan ng maraming asawa at miyembro ng pamilya na kapag bukas ang kanilang pag-uusap tungkol sa kanilang mga damdamin at karanasan at pagkatapos ay nagtakda sila ng mga hangganan at mga bunga ng paglagpas dito, mas lubos na nauunawaan ng kanilang mga mahal sa buhay ang nakasisirang epekto ng kanilang mga pagpili at pagkilos. Ang pagdanas ng mga bungang ito ay maaaring magbigay sa mga mahal natin sa buhay ng motibasyong kailangan nila upang maghangad na gumaling at makarekober. Ang pagtatakda ng mga limitasyon ay maaari ding mag-anyaya sa Espiritu sa ating tahanan at sa buhay ng mga miyembro ng ating pamilya dahil tutulungan tayo nitong maging bukas, tapat, mapagpakumbaba, at tiwala at tutulutan nito ang ating mga mahal sa buhay na magamit nang mas mabuti ang kanilang sariling kalayaang pumili.

  • Paano napagpala ang buhay mo ng pagiging tapat at bukas sa iyong relasyon sa mahal mo sa buhay?

  • Kung sa palagay mo ay hindi mo kayang maging bukas o tapat sa iyong mahal sa buhay na tulad ng gusto mo, ano ang magagawa mo para magkausap kayo nang mas tapatan?

Pagpapatupad ng mga Bunga ng Paglagpas sa Isang Hangganan

Kung patuloy na hindi igagalang ng mga mahal natin sa buhay ang mga hangganan natin, kailangan nating itakda ang mga ibubunga nito. Kapag ginawa natin ito, dapat nating hingin ang patnubay ng Panginoon. Matutulungan tayo ng Espiritu na malaman kung ano ang pinakamainam para sa mga mahal natin sa buhay at sa atin. Walang iisang paraan na tama para sa lahat.

Gayunpaman, may ilang alituntunin na makagagabay sa atin sa pagtatakda ng mga hangganan at mga bunga ng paglagpas dito para sa mga miyembro ng ating pamilya. Halimbawa, dapat ay nakabatay ang ating mga hangganan at mga bunga ng paglagpas dito sa alituntunin ng kalayaang pumili—dapat ay nakasentro ang mga ito sa magagawa at gagawin natin sa halip na sa gusto o inaasahan nating gawin ng iba. Ang mga hangganan at ang mga bunga ng paglagpas dito ay dapat maging malinaw at kongkreto. Dapat ay inspirado ang mga ito at ipinapaalam nang may pagmamahal, hindi nang may galit o bilang parusa. Maaaring kapalooban ang mga ito ng natural na resulta ng ginawang mga pagkilos. Maaari tayong magsimula sa simple at partikular na mga limitasyong maipatutupad natin. Halimbawa, ang isang angkop na hangganan na maaaring simulan ay igiit na maging malaya ang ating tahanan sa pornograpiya, mga pagkaing may mga sangkap na nakapipinsala, o kaugnay na mga negatibong impluwensya. Kung lumagpas ang ating mga mahal sa buhay sa isa sa mga hangganang ito, ipatutupad natin ang kaugnay na mga bunga nito. Sa pamamagitan nito ipinapaalam natin sa ating mga mahal sa buhay na may mga limitasyon tayo at na hindi natin papayagan ang maling pag-uugali.

Itinuturo ng ebanghelyo sa atin ang huwaran ng ating Ama sa pagbibigay ng mga kautusan at pagkatapos ay pagpapahintulot sa mga bunga ng pagsuway. Halimbawa, itinuturo sa atin sa mga banal na kasulatan na kung susuwayin natin ang mga kautusan, hindi natin makakasama ang Espiritu sa tuwina (tingnan sa Mosias 2:36). Sa ating buhay, ang pagtatakda ng mga limitasyon sa masamang pag-uugali ng ating mga mahal sa buhay ay nagpapaalala sa atin na tayo ay karapat-dapat na mahalin at igalang. Kailangang maunawaan ng ating mga mahal sa buhay na ang ating mga hangganan ay tungkol sa ating obligasyon na sundin ang ikalawang dakilang utos na mahalin ang ating sarili pati na ang ating kapwa (tingnan sa Mateo 22:39).

Dapat nating asahan na mahahamon ang ating mga hangganan at kakailanganing ipatupad ang mga bunga ng paglagpas dito. Ngunit maaari din nating isaisip na ang mga pagkakamali ay mga oportunidad para matuto. Kapag naglatag tayo ng ibubunga ng isang pagkilos, kailangan ay isang bagay ito na handa at may kakayahan tayong isagawa sa diwa ng pagmamahal at pagkatuto. Ang mga hangganan at ang mga bunga ng paglagpas dito na inilalatag natin ay dapat itakda nang may katalinuhan, naaayon sa ebanghelyo, at sa patnubay ng Banal na Espiritu. Maaari din tayong humingi ng tulong sa pamamagitan ng pagkonsulta sa isang pinagkakatiwalaang support person, na lider ng Simbahan, o professional counselor. Ito ay tumutulong sa atin na suriin ang ating pag-iisip at maging alisto sa anumang hangganan o bunga ng paglagpas dito na hindi naganyak ng tunay at mapagmahal na mga alituntunin.

Tutulungan at susuportahan tayo ng Panginoon kapag nagtakda tayo ng mga limitasyon at nagpatupad ng mga bunga ng paglagpas dito para sa kaligtasan at kapakanan ng ating pamilya. Kapag ginawa natin ito, ang Kanyang impluwensya ay maghahatid ng ibayong kapayapaan sa buhay natin at ng ating mga mahal sa buhay.

  • Paano nakakatulong sa iyo at sa iyong mahal sa buhay ang mga hangganan at ang mga bunga ng paglagpas dito para makarekober at lubos na gumaling?

  • Ano ang ilang bungang maaaring ipatupad kung lumagpas sa hangganan ang iyong mahal sa buhay?

  • Paano ka angkop na makatutugon sa isang mahal sa buhay na paulit-ulit na hindi iginagalang ang mga hangganang itinakda mo?

Paggawa ng Lahat ng Magagawa Natin upang Mapangalagaan ang Ating mga Relasyon

Ang pasakit na nadarama natin dahil sa mga pagpili ng ating mga mahal sa buhay ay tila mahirap kayanin. Maaari nating isiping, “Hanggang kailan ko pagtitiisan ito?” Kung minsan, tila ang tanging magagawa para guminhawa ay lumayo tayo sa ating mga mahal sa buhay o kaya’y tapusin ang relasyon natin sa kanila. Sa kabilang banda, dapat nating gawin ang lahat ng makatwirang gawin upang mapangalagaan ang relasyon natin sa pamilya.

Ang kasagraduhan ng kasal at mga pamilya ay paulit-ulit nang naituro ng sinauna at makabagong mga propeta at apostol. Itinuro ni Elder M. Russell Ballard:

“Nananawagan ako sa mga miyembro ng Simbahang ito at sa matatapat na magulang, lolo’t lola, at mga kamag-anakan saanman na mahigpit na manangan sa dakilang pagpapahayag [tungkol sa mag-anak], na iwagayway itong tila “bandila ng kalayaan” ni Heneral Moroni, at tapat na ipamuhay ang mga tuntunin nito. …

“Sa mundo ngayon, kung saan laganap ang pag-atake ni Satanas sa pamilya, dapat gawin ng mga magulang ang lahat ng makakaya nila upang patibayin at ipagtanggol ang kanilang pamilya” (“Ang Pinakamahalaga ay Kung Ano ang Mananatili Hanggang sa Kabilang-Buhay,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 42, 43).

Dapat nating hangarin ang patnubay at lakas ng Panginoon upang tulungan tayo habang sinisikap nating alamin ang Kanyang kalooban hinggil sa mga relasyon natin sa pamilya.

  • Ano ang magagawa mo upang ipakita ang katapatan sa relasyon ninyo sa pamamagitan ng pagpapanatili ng malilinaw na limitasyon?

  • Paano napapangalagaan ng pagpapanatili ng mga hangganan ang iyong pagpapahalaga sa sarili?

Pagkilala na Hindi Natin Kailangang Tiisin ang Mapang-abusong Pag-uugali ng Ating mga Mahal sa Buhay

Anumang pang-aabusong nararanasan natin sa mga kamay ng mga mahal natin sa buhay ay hindi katanggap-tanggap. “Ang pang-aabuso ay pisikal, emosyonal, seksuwal, o espirituwal na pagmamalupit sa ibang mga tao. Hindi lamang ito makapipinsala sa katawan, kundi malalim itong makaaapekto sa isipan at espiritu, na sumisira sa pananampalataya at nagsasanhi ng pagkalito, pagdududa, pagkawala ng tiwala, pag-uusig ng budhi, at takot” (Responding to Abuse: Helps for Ecclesiastical Leaders [1995], 1). Ang mga taong may mga mapaminsalang pag-uugali kung minsan ay mapang-abuso ang pag-uugali. Samantalang nananalangin tayo na nawa’y mapuspos ang ating puso ng “pagpapatawad at pagmamahal” (“Aba Naming Kahilingan,” Mga Himno, blg. 102), alam natin na hindi inaasahan o hindi gusto ng Panginoon na tiisin natin ang pang-aabuso. Mahalaga para sa atin ang gumawa ng kinakailangang mga hakbang para mapangalagaan ang ating kapakanan, manatiling ligtas, at itigil ang pang-aabuso. Maaaring kailangan nating humingi ng tulong sa Ama sa Langit, sa mga lider ng Simbahan, o sa iba pang pinagkakatiwalaang mga tao kung paano poprotektahan ang ating sarili.

Sa ilang pagkakataon ang paghihiwalay o diborsyo ay maaaring makatwiran. Sinabi na ni Elder Dallin H. Oaks:

“Alam namin na marami sa inyo ang mga inosenteng biktima—mga miyembrong ang dating asawa ay paulit-ulit na sumira sa mga sagradong tipan o iniwan o ayaw gampanan ang mga responsibilidad ng isang asawa sa mahabang panahon. Ang mga miyembrong dumanas ng gayong pang-aabuso ay alam mismo ang mga sitwasyong mas malala pa kaysa diborsyo.

“Kung lumamig ang pagsasama ng mag-asawa at wala nang pag-asang magkabalikan pa sila, kailangang may paraan para wakasan ito” (“Diborsyo,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 70–71).

Kapag nag-iisip kayong maghiwalay o magdiborsyo, kadalasa’y makakatulong na humingi ng payo sa mga lider ng Simbahan at sa iba. Gayunman, ito ay personal na desisyon na ginagawa natin sa patnubay ng Panginoon.

  • Paano ka angkop na makatutugon sa isang mahal sa buhay na abusado?

Larawan
mag-asawang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Kapag naglatag tayo ng bunga ng isang pagkilos, kailangan ay isang bagay ito na handa at may kakayahan tayong isagawa sa diwa ng pagmamahal at pagkatuto. Ang mga hangganan at ang mga bunga ng paglagpas dito na inilatag natin ay dapat itakda nang may katalinuhan, naaayon sa ebanghelyo, at sa patnubay ng Banal na Espiritu.