“Pagtatanong ng mga Bagay na Naghihikayat ng Masigasig na Pag-aaral,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)
Pagtatanong ng mga Bagay na Naghihikayat ng Masigasig na Pag-aaral
Ipaliwanag
Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring:
Ang magtanong at sumagot ng mga tanong ang pinakamahalaga sa lahat ng pag-aaral. (Henry B. Eyring, “The Lord Will Multiply the Harvest” [mensahe sa Church Educational System religious educators, Peb. 6, 1998], ChurchofJesusChrist.org)
Ipaliwanag na ang pagtatanong habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan ay humahantong sa mas malalim na pang-unawa sa salita ng Diyos at nag-aanyaya ng personal na inspirasyon. Isipin ang mga banal na kasulatan na nag-aanyaya sa iyo na makipag-usap sa mga ito. Ano ang mga itatanong mo para mas maunawaan ang mga ito? Ano ang mga itatanong nila na makatutulong sa iyo na maging mas mabuti? Ang mga sumusunod na uri ng tanong ay makatutulong sa pag-aanyaya ng masigasig na pag-aaral:
-
Mga tanong na naghihikayat sa atin na maghanap ng impormasyon sa mga banal na kasulatan tungkol sa konteksto o nilalaman
-
Mga tanong na naghihikayat sa atin na suriin ang mga banal na kasulatan para makaunawa
-
Mga tanong na nag-aanyaya sa atin na pag-isipan at isabuhay ang natututuhan natin sa mga banal na kasulatan
Ipakita
Para maipakita ang kasanayang ito, maaari mong gamitin ang sumusunod na ideya o ang sarili mong ideya.
Bilang isang klase, basahin ang Mateo 7:1–5. Maaari kang magdispley ng mga tanong na maaari mong itanong sa iyong sarili habang pinag-aaralan mo ang passage na ito. Halimbawa:
-
Mga Tanong na Naghihikayat na Maghanap ng Impormasyon: Sino ang nagsasalita, kanino nagsasalita, at bakit? Ano ang puwing at troso o tahilan? Ano ang mapagkunwari?
-
Mga Tanong na Nagpapalalim ng Pang-unawa: Ano ang itinuturo ng Panginoon tungkol sa paghatol sa pamamagitan ng paggamit ng imahe ng mga puwing at troso o tahilan? Ano ang pagkakaiba ng di-makatarungan at makatarungan na paghatol? (Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 7:1–2.)
-
Mga Tanong na Naghihikayat ng Pag-iisip at Pagsasabuhay: May troso o tahilan ba sa sarili kong mata na nakakaapekto sa pagtingin ko sa aking kapwa? Ano ang maaari kong gawain para maiwasan ang di-makatarungang paghatol?
Maaari mong ibahagi kung paano makatutulong sa iyo ang pagsagot sa ilan sa mga tanong na ito para mas maunawaan mo ang mga turo ng Tagapagligtas at makapag-anyaya ng personal na inspirasyon at pagsasabuhay.
Magpraktis
Pumili ng isang passage mula sa mga banal na kasulatan na babasahin para sa linggong ito, o pumili ng isa mula sa mga halimbawa na nakalista sa ibaba. Idispley o isulat sa pisara ang mga sumusunod na heading:
-
Mga Tanong na Naghihikayat na Maghanap ng Impormasyon
-
Mga Tanong na Mas Nagpapalalim ng Pang-unawa
-
Mga Tanong na Naghihikayat ng Pag-iisip at Pagsasabuhay
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang scripture passage at magsulat ng kahit isang tanong para sa bawat heading. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang sumusunod na impormasyon sa isang kapartner: (1) ang mga tanong na isinulat nila at (2) paano napalalim ng pagsagot o pag-iisip sa mga tanong na iyon ang pang-unawa nila at paano nag-aanyaya ang mga ito ng personal na inspirasyon at pagsasabuhay.
Mga karagdagang passage para mapraktis ang kasanayang ito:
-
Isaias 53:4–5
-
1 Corinto 13:1–3
Mag-anyaya at Mag-Follow Up
Anyayahan ang mga estudyante na gamitin ang kasanayang ito na pagtatanong ng mga bagay na naghihikayat ng masigasig na pag-aaral upang mapagbuti ang kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Alalahaning mag-follow up at bigyan ng oras ang mga estudyante sa susunod na pagkikita ng klase na magbahagi ng mga itinanong nila habang pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan. Maaari mo ring anyayahan sila na ibahagi kung paano napag-iibayo ng pagtatanong ang kanilang kakayahang makaunawa at masiyahan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.