“Paghahanap sa mga Banal na Kasulatan at sa Gospel Library,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)
Paghahanap sa mga Banal na Kasulatan at sa Gospel Library
Ipaliwanag
Ipaliwanag na upang mapalalim ang pag-aaral natin ng isang scripture passage, maaari nating hanapin ang kaugnay na mga scripture passage, mga turo ng mga lider ng Simbahan, media, at iba pang nilalaman. Ang sumusunod na resources at tools ay makatutulong sa atin na mahanap ang mga kaugnay na scripture passage at nilalaman nang mas madali at mabilis: mga footnote, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, mga mapa, larawan, at ang search function sa Gospel Library. (Sa mga LDS English edition ng Biblia, ang Topical Guide at Bible Dictionary ay makukuha rin.)
Ipakita
Upang maipakita ang kasanayan na ito, maaari mong gamitin ang ilan sa mga sumusunod na ideya o ang ilan sa sarili mong mga ideya.
-
Basahin ang 3 Nephi 9:20, at ituro ang pariralang “mag-aalay kayo bilang hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu.” Ituro ang 3 Nephi 9:20, footnote a bilang source para makahanap ng kaugnay na mga scripture passage tungkol sa paksang ito. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na tingnan ang entry na “Bagbag na Puso” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.
-
Maaari mong ipakita o ng ilan sa iyong mga estudyante kung paano gamitin ang mga search feature sa Gospel Library. Maaari mo ring i-highlight ang sumusunod na mas advanced search features.
I-filter ang mga Resulta ng Paghahanap
I-klik ang search icon
at i-type ang isang salita o parirala tulad ng “pagtitipon ng Israel.” Ipakita kung paano i-filter ang mga resulta. Halimbawa, para makahanap ng mga scripture passage tungkol sa pagtitipon ng Israel, i-tap ang filter na Mga Koleksyon na malapit sa itaas ng pahina at piliin ang Mga Banal na Kasulatan. Para mahanap ang mga turo ng mga lider ng Simbahan tungkol sa pagtitipon, i-tap ang filter na Mga Koleksyon at piliin ang Pangkalahatang Kumperensya.
Maghanap Gamit ang Isang Salita o Parirala sa loob ng mga Scripture Passage
Maghanap gamit ang isang parirala mula sa isang scripture passage. Halimbawa, sa Gospel Library app, magpunta sa Doktrina at mga Tipan 18:10. I-highlight ang pariralang “ang kahalagahan ng mga kaluluwa.” Kapag lumitaw ang toolbar, i-press ang feature na Hanapin. Maaari mong ipakita kung paano gamitin ang mga filter sa paghahanap ng mga mensahe sa kumperensya, mga artikulo sa Simbahan, at iba pang kaugnay na nilalaman na mga reperensya at nagbibigay ng mga karagdagang turo tungkol sa pariralang ito.
Paalala: Makakakita ka ng karagdagang resources, mga tip, at video sa bahaging “Tulong” ng Gospel Library app, kabilang na ang “Gospel Library User Guide (iOS)” at ang “Gospel Library User Guide (Android).”
Magpraktis
Pumili ng isang passage mula sa pag-aaral ng banal na kasulatan para sa linggong ito o gamitin ang isa sa mga halimbawang ibinigay sa ibaba upang anyayahan ang mga estudyante na praktisin ang kasanayang ito. Maaaring maghanap ang mga estudyante ng mga karagdagang kaalaman at turo na nauugnay sa passage sa pamamagitan ng paggamit ng mga tulong sa pag-aaral sa kanilang mga banal na kasulatan o sa search feature sa Gospel Library. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa klase ang nahanap nila.
Mga karagdagang passage para sa pagpapraktis:
-
1 Samuel 16:7. Maaaring hanapin ng mga estudyante ang “Pagkilala, Kaloob na” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Kung gagamitin ang Gospel Library app, maaari silang maghanap ayon sa scripture reference o hanapin ang pariralang “the Lord looketh on the heart [ang Panginoon ay tumitingin sa puso].”
-
2 Peter 1:4 [2 Pedro 1:4]. Kung gagamitin ang Gospel Library app, maaari nilang hanapin ang pariralang “partakers of the divine nature [kabahagi kayo sa likas ng Diyos].”
-
2 Nephi 9:6–7. Maaaring hanapin ng mga estudyante ang “Bayad-sala, Pagbabayad-sala” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o “Jesus Christ, Atonement through” sa indeks sa triple combination. Kung gagamitin ang Gospel Library app, maaari silang maghanap ayon sa scripture reference o hanapin ang pariralang “walang hanggang Pagbabayad-sala.”
-
Doktrina at mga Tipan 93:36. Maaaring maghanap ang mga estudyante sa mga footnote at sa “Katalinuhan, Mga Katalinuhan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan. Kung gagamitin ang Gospel Library app, maaari silang maghanap ayon sa scripture reference o sa paggamit ng pariralang “ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan.”
Mag-anyaya at Mag-Follow Up
Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang kasanayang ito na paghahanap sa mga banal na kasulatan at sa Gospel Library sa kanilang personal na pag-aaral at sa mga talakayan sa klase. Sabihin sa kanila na pumasok sa klase na handang magbahagi ng natutuhan nila tungkol sa isang talata sa banal na kasulatan sa pamamagitan ng paghahanap sa mga footnote, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, indeks ng triple combination, o sa Gospel Library para sa karagdagang mga turo at ideya na may kaugnayan sa passage na iyon. Mag-isip ng mga paraan na patuloy mong magamit ang kasanayang ito sa klase.