2016
Si Sister Mabel, Kumakanta
September 2016


Mga Pagninilay

Si Sister Mabel, Kumakanta

Mahirap pigilan ang hilig ni Sister Mabel na kumanta.

Larawan
Sister Mabel

Siniko ng matalik kong kaibigan ang tagiliran ko para pigilan akong tumawa. Dahil nasa sacrament meeting kami, at kinakanta namin ang himno sa sacrament.

Ngunit mahirap pigilan ang pagtawa, at hindi rin napigilan ni Pat ang pagtawa tulad ko.

Edad 15 kami noon, at alam namin ang lahat ng bagay. Alam namin na dapat maging perpekto ang lahat ng miyembro sa ward namin—pero hindi. Alam namin na dapat nagbibigay-inspirasyon ang mga mensahe sa sacrament meeting—pero halos lahat ay nakaiinip. At alam namin na ang pinakapangit kumanta sa mundo ay kasama namin, at sinisira ang mga himnong dapat sana’y maghatid sa amin ng mga espirituwal na kaisipan—ngunit karaniwan ay iba ang inihahatid nito.

Nagtakip na lang kami ng mga tainga at ngumiwi. Mukhang nakatulong ang panaka-nakang pagtawa.

Hindi namin sigurado kung alam ni Sister Mabel (unang pangalan niya, at ang tanging pangalang naaalala ko na tawag sa kanya) na masakit sa tainga ang boses niya at wala siyang pakialam o hindi niya alintana ang epekto ng pagkanta niya sa iba. Posible na walang kumausap sa kanya tungkol dito. Kahit matanda na, mahirap siyang kataluhin. Hindi sa laki, kundi sa lakas. Lahat ng ginawa niya ay masigla at malakas. Lalo na ang kanyang pagkanta.

Naipapakita niya ang hilig niyang kumanta hindi lamang sa pag-awit sa aming kongregasyon kundi maging sa ward choir namin. Hindi mapigilan ang kasigasigan niya roon. Bagama’t hindi ko matandaan kung may pumigil sa pagkanta niya sa kongregasyon kahit kailan, malaya siyang nakakakanta sa koro, kahit sa pinakamataas na nota na palagay ko’y hindi kayang abutin ng isang diva. O gustong maabot.

Ah, napakatagal na niyon. Sa mga nakalipas na taon mula noon, pumanaw na si Sister Mabel. Nagkahiwalay na kami ng landas ni Pat. At natuklasan ko, kahit paano, na hindi gayon karami ang alam ko noong edad 15 ako na tulad ng inakala ko. Naniniwala ako na may nalaman akong ilang bagay tungkol sa buhay—at sa pagkanta—sa nakalipas na 50 taon.

Nalaman ko na kailangan tayong mabuhay nang may kasigasigan at sigla. Bawat minuto ay mahalaga, at sa sandaling lumipas ito, hindi na ito maibabalik kailanman, at babahagya na lamang itong naaalaala. Nalaman ko na kung maglilingkod ka sa iba o sasamba sa Panginoon, pinakamasaya at pinaka-epektibo ka kapag ginawa mo ito nang buong kagalakan at lakas.

Nalaman ko na walang sinuman sa buhay na ito ang perpekto. Ang tanging hinihingi sa atin ng Panginoon ay ang ating puso, kakayahan, isipan, at lakas—hangga’t kaya nating ibigay ang mga ito. Tinatanggap Niya ang ating di-mapigil na mga alay, hamak man ang mga ito, bilang sukatan ng ating katapatan.

Kabalintunaan, palagay ko, na natuklasan ko rin na hindi ako mas magaling kumanta kaysa kay Sister Mabel. Sana’y mas mahalin ako ng aking kapwa mga miyembro sa ward kaysa ipinakita ko sa kanya. Kung narito lang siya, aanyayahan ko siyang kumanta para sa akin. Nangungulila ako sa boses niyang parang anghel.