2016
Pananampalataya, Kalayaan, at Kalayaang Pangrelihiyon
September 2016


Pananampalataya, Katarungan, at Kalayaang Pangrelihiyon

Mula sa isang mensahe sa debosyonal, “Religious Freedom and Fairness for All,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Setyembre 15, 2015. Para sa buong teksto sa Ingles, magpunta sa speeches.byu.edu.

Kapag sinunod ninyo ang paanyayang tulungan ang iba nang may katarungan, madarama ninyo na nag-iibayo ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa inyo at sa lahat ng anak ng Ama sa Langit.

Larawan
faith and fairness

Mga paglalarawan ni David Stoker, BATAY SA Thinkstock MGA RETRATONG MULA SA DigitalVision, iStock, Monkey Business, Photos.com, Stockbyte, AT RETRATO NG GRUPO SA ITAAS

May palagay ako na para sa ilan sa inyo ang katagang “kalayaang pangrelihiyon” ay mas parang “kalayaang magkaroon ng diskriminasyon.” Gusto kong kausapin kayo tungkol sa pananaw na ito at ipaunawa sa inyo ang ibig sabihin ng Simbahan kapag binabanggit nito ang kalayaang pangrelihiyon at kung bakit napakahalaga nito para sa kinabukasan ninyo at ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Plano ko ring magsalita tungkol sa ilang isyu at di-pagkakaunawaan ng ilan sa inyo pagdating sa kalayaang pangrelihiyon.

Ang ilan sa inyo ay maaaring mahirapang maunawaan ang papel ng relihiyon sa lipunan, pulitika, at sa mga isyu sa komunidad. Ang ilan sa inyo ay maaaring magtaka unang-una kung bakit sumasali ang mga simbahan sa pulitika, at madalas ay maaaring nag-aalinlangan kayo sa mga motibo ng mga taong relihiyoso kapag sumasali sila. Nitong mga nakaraang taon lumakas ang sama-samang tinig ng mga grupong nag-aakala na hindi dapat makihalo ang relihiyon sa talakayang pampulitika.

Ang pagkakataong makihalo sa prosesong pampulitika ay isang pribilehiyong ibinigay sa mga tao sa halos lahat ng bansa. Ang mga batas at pagpapasa ng mga batas ay may mahalagang papel sa paghuhubog ng kultura ng lipunan at moralidad. Kailangan natin ang bawat tao sa lipunan na aktibong makibahagi sa usapang pampubliko na tumutulong sa pagbubuo at pagpapasa ng mga batas na makatarungan para sa lahat.

Kalayaan para sa Lahat

Ano ang tinutukoy natin kapag binabanggit natin ang kalayaang pangrelihiyon? Isasalaysay ko sa inyo ang mga kuwento ng dalawang tao. Habang nagkukuwento ako, gusto kong isipin ninyo kung ano ang magiging pakiramdam ninyo kung isa kayo sa kanila.

Ang unang kuwento ay tungkol sa isang taong tatawagin kong Ethan. Kamakailan ay nagsimula siyang magtrabaho sa isang propesyon na matagal na niyang inaasam, at gusto niyang magpakitang-gilas. Maaga siyang pumapasok sa trabaho at nagpapahuli sa pag-uwi. Tumanggap siya ng iba pang mga proyekto at mahusay ang trabaho niya. Gustung-gusto siya ng marami sa kanyang mga kasamahan at masaya siya sa trabaho niya. Isang araw habang nanananghali sila ng ilang kasamahan niya sa trabaho, nakampante siyang sabihin sa kanila na bakla siya. Nakakailang ang sumunod na katahimikan dahil walang may alam kung paano tutugon. Nanlumo si Ethan sa malamig na tugon ng kanyang mga kasamahan, at nasaktan siya at nadama niya na hindi siya tanggap.

Matapos silang mananghali, naging mas asiwa si Ethan sa trabaho. Naging maramdamin siya at nadama niya na nabawasan ang pagpapahalaga sa kanya. Hindi na siya isinali sa malalaking proyekto at aktibidad pagkatapos ng trabaho, at naapektuhan ang kanyang pagtatrabaho dahil nadama niya na hindi siya kabilang at ayaw sa kanya ng grupo. Makalipas ang ilang buwan tinanggal siya sa trabaho dahil nadama ng boss niya na hindi niya magampanan ang kanyang trabaho. Sa kabila ng pagsasabi na hindi totoo iyon, alam ni Ethan na tinanggal siya sa trabaho dahil bakla siya.

Ngayon gusto kong ikuwento sa inyo si Samantha. Kasisimula pa lang magtrabaho ni Samantha sa administrative offices ng isang lokal na unibersidad. Tuwang-tuwa siyang magtrabaho sa isang kapaligirang puno ng iba’t ibang kaisipan, ideya, at karanasan. Isang araw sa trabaho nilapitan si Samantha ng isang katrabaho, at sinabi nito na narinig niya na si Samantha ay isang Mormon, at tinanong siya kung totoo iyon. Masayang sumagot si Samantha na totoo nga iyon, ngunit nagulat siya sa sumunod na tanong.

“Bakit galit kayo sa mga bakla?” tanong ng katrabaho niya. Nagulat si Samantha sa tanong ngunit sinikap niyang ipaliwanag ang kanyang paniniwala sa Diyos at sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak, na ayon sa kanya ay kinabibilangan ng mga panuntunan sa moralidad at seksuwal na pag-uugali. Nakipagtalo sa kanya ang kanyang katrabaho sa pagsasabi na iba na ang paniniwala ng ibang mga tao sa lipunan. “At bukod pa rito,” sabi niya, “ang kasaysayan ay puno ng mga taong gumagamit ng mga turo ng simbahan upang makipagdigmaan at ituring na hamak o balewala ang mahihinang grupo.”

Muling sinabi ni Samantha ang kanyang matitibay na paniniwala at pagkaunawa sa pagmamahal ng Diyos para sa lahat ng tao at saka niya hiniling sa kanyang katrabaho na igalang ang karapatan niyang maniwala. Naisipan ng katrabahong ito na ikuwento sa iba pang mga empleyado ang kanilang napag-usapan, at nang sumunod na ilang linggo, lalong nailang si Samantha nang dumami nang dumami ang mga katrabaho niyang nagtatanong.

Binalaan ng boss niya si Samantha, nang makita nitong dumalas ang mga usapang pangrelihiyon sa opisina, na baka matanggal siya sa trabaho dahil sa pangangaral niya ng ebanghelyo sa kanilang opisina. Naapektuhan ang kanyang trabaho, kagaya ni Ethan. Kaysa matanggal sa trabaho, minabuti ni Samantha na maghanap na ng ibang trabaho.

Ngayon, gawa-gawa lang ang mga kuwentong ito, at hindi pa ito nangyayari. Maraming kapareho ang sitwasyon nina Samantha at Ethan. Paano man natin piliing mamuhay at anuman ang piliin nating gawin, iisa ang ating pagkatao at pagnanais sa katarungan at kabaitan. Hindi sana natanggal sa trabaho si Ethan kung hindi siya bakla, at hindi sana natakot si Samantha sa pagiging relihiyosa. Pareho silang pinintasan, hinatulan, at ginantihan sa maling paraan.

Sa lipunan ngayon, tama ayon sa pananaw ng pulitika na maawa ang mga tao sa sitwasyon ni Ethan ngunit hindi gaano sa sitwasyon ni Samantha. Maaaring ituring ng isang advocacy group ang sitwasyon ni Ethan na isa pang halimbawa ng diskriminasyon sa mga bakla. At, talaga namang nararapat siyang protektahan.

Pero paano na si Samantha? Sino ang magtatanggol sa karapatan niyang maniwala sa kanyang relihiyon? Paano na ang karapatan niyang totoong mabuhay bilang isang taong may pananampalataya, tapat sa pagmamahal at paglilingkod sa lahat ng tao ngunit may karapatan ding piliin ang tama at mali at mamuhay ayon dito?

Katarungan para sa Lahat

Larawan
sitting together at a table

Ang ating lipunan ay lubha nang nakatuon sa hangarin nitong ituwid ang maling diskriminasyon laban sa isang grupo ng mga tao kaya nanganganib na ito ngayong lumikha ng isa pang klase ng biktima: mga taong nananampalataya, na kagaya natin.

Mayroon nang ilang paaralan na pag-aari ng mga simbahan na pinagdududahan dahil pinasusunod nito ang mga estudyante at guro sa isang honor code na humihiling ng katapatan at kalinisang-puri. Nababalewala o napipilitan ang mga CEO ng malalaking kumpanya na magbitiw sa trabaho dahil hindi na katanggap-tanggap sa mga tao ang personal na pananaw nila tungkol sa relihiyon. At napilitang magsara ang ilang negosyo dahil sinabi ng mga may-ari nito ang kanilang mga paniniwala.

Anuman ang narinig o nabasa ninyo sa pagdaan ng mga taon, patuloy na naninindigan Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kalayaang pumili at pagiging tapat sa inyong paniniwala. Maraming taon na ang nakararaan isinulat ni Propetang Joseph Smith (1805–44), “Pinaniniwalaan namin [na] … lahat ng tao ay nilikhang pantay-pantay, at na lahat ay may pribilehiyong mag-isip para sa kanilang sarili tungkol sa lahat ng bagay na may kinalaman sa budhi.”1

Kalaunan ay sinabi niya: “Kung … handa akong mamatay para sa isang ‘Mormon,’ … handa rin akong mamatay sa pagtatanggol sa mga karapatan ng isang Presbyterian, Baptist, o isang mabuting tao ng ibang relihiyon; sapagkat ang mga alituntuning yuyurak sa mga karapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay yuyurak sa mga karapatan ng … iba pang relihiyon na maaaring hindi popular at napakahina para ipagtanggol ang kanilang sarili.”2

Kaya ano ang paniniwala ng Simbahan tungkol sa kalayaang pangrelihiyon? Tinitiyak ko sa inyo na napag-aralan na nang husto ng mga apostol at propeta, sa ilalim ng inspirasyon ng langit, ang isyung ito. Naniniwala tayo sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, na nilayon upang masiguro ang ating walang-hanggang kaligayahan. Gayunman, “hindi pipilitin ng Diyos ang sinuman na magpunta sa langit.”3 Naniniwala kami sa pagbibigay-puwang sa lahat na mamuhay ayon sa kanilang budhi nang hindi nanghihimasok sa karapatan at kaligtasan ng iba. Kapag nagbanggaan ang mga karapatan ng isang grupo sa mga karapatan ng iba, kailangan nating sundin ang alituntunin ng pagiging makatarungan at sensitibo sa maraming tao hangga’t maaari. Pinaniniwalaan at itinuturo ng Simbahan ang “katarungan para sa lahat.”4

Ang pagprotekta sa budhi ay tungkol sa pangangalaga sa iniisip at nadarama ng isang tao at pangangalaga sa mga karapatan ng taong iyon na kumilos ayon sa mga paniniwalang iyon. Ang tinutukoy ko ay ang taong nagsasabi sa inyo na ang mga kaisipan, damdamin, at paniniwala ninyo ay hindi pinahihintulutan, pinahahalagahan, o katanggap-tanggap dahil hindi popular ang inyong mga pananaw. Nagkaroon ng digmaan sa langit para sa kalayaan, at malaking paglabag sa kalayaang iyon ang pilitin kayong suwayin ang sinasabi ng inyong budhi dahil hindi popular sa mga tao ang inyong pananaw.

Unawain sana ninyo. Nang sabihin ko na maging totoo, hindi ko ibig sabihin na binibigyan tayo ng Panginoon ng kalayaang mamuhay sa anumang paraang gusto natin nang walang kahihinatnan. Mananagot pa rin tayo sa Kanya sa ating mga pagpili. Sabi niya, “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal” (Mateo 5:48). Ang utos na hangaring maging sakdal ay nagpapahiwatig na magsimula tayo kung saan tayo naroroon at humingi ng tulong sa Panginoon na iangat tayo sa lugar na nais Niyang patunguhan natin. Ang pagiging tapat sa ating totoong sarili ay nangangailangan ng patuloy na pagsisikap na dagdagan ang ating liwanag, kaalaman, at pang-unawa.

Ang nakababatang henerasyon ang pinaka-“konektado sa teknolohiya” sa kasaysayan. Lagi silang konektado sa teknolohiya. At alam ninyo na lahat ng nasa Internet ay laging 100 porsiyentong tama, di ba? Siyempre hindi. Kaya huwag maniwala sa lahat ng nakikita ninyo sa Internet tungkol sa Simbahan at sa paniniwala nito tungkol sa mga karapatan ng mga homoseksuwal.

Kamakailan ay isang halimbawa ng “katarungan para sa lahat” ng Simbahan ang nangyari noong Enero 2015, nang magdaos ng press conference ang Simbahan na naroon ang tatlong Apostol at isang miyembro ng Young Women general presidency upang ipaalala sa ating mga miyembro, sa komunidad, at sa Utah state legislature na pabor ang Simbahan sa balanseng paraan na sumisiguro sa mga karapatan ng lahat ng tao.

Ipinahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod sa press conference na iyon: “Nananawagan kami sa pamahalaang lokal, estado, at pederal na paglingkuran ang lahat ng tao nila sa pamamagitan ng pagpapasa ng batas na nagpoprotekta sa mahalagang kalayaang pangrelihiyon para sa mga tao, pamilya, simbahan at iba pang relihiyon samantalang pinoprotektahan din ang mga karapatan ng mga mamamayan nating LGBT [lesbian gay, bisexual at transgender] sa mga lugar na tulad ng tirahan, trabaho at pampublikong matutuluyan sa mga hotel, restawran at transportasyon—mga proteksyong hindi makukuha sa maraming bahagi ng bansa.”5

Nang maipasa ang mga batas tungkol sa proteksyon kapwa para sa LGBT at sa mga taong relihiyoso pagkaraan ng anim na linggo, binati ng mga pinuno ng Simbahan at ng iba pa ang LGBT community. Nakasisiglang makita na protektado sila laban sa pagpapalayas, diskriminasyon sa tirahan, o pagtatanggal sa trabaho dahil sa seksuwalidad o kasarian. Binati rin namin ang mga kaibigan natin sa ibang mga sekta ng relihiyon, na tinitiyak na protektado rin sila sa kanilang trabaho at sa publiko.

Ang Utah—at ang Simbahan—ay naibalita sa buong bansa at pinuri para sa makasaysayang pagkakasunduang iyon. Ngayon, tandaan na walang mga alituntunin ng doktrina o relihiyon na isinakripisyo. Walang mga pagbabagong ginawa sa batas ng Diyos tungkol sa moralidad o sa ating paniniwala na ang mga seksuwal na relasyon ay dapat lamang gawin sa loob ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Ang resulta ay makatarungan para sa lahat at makikita sa di-nagbabagong mga pamantayan at turo tungkol sa moralidad at ng paggalang sa kapwa.

Isang Mensahe Tungkol sa Pagiging Makatarungan

Ilan lang sa atin ang gaganap ng mahalagang tungkulin sa pamahalaan at sa pagpapasa ng mga batas, kaya maaaring iniisip ninyo kung ano ang kinalaman ng paksang ito sa inyong pang-araw-araw na buhay. Gusto kong magsalita tungkol sa tatlong bagay na magagawa ninyo para suportahan at itaguyod ang isang mensahe tungkol sa pagiging makatarungan.

Larawan
magnified handshake

Una, sikaping tingnan ang iba nang may katarungan. Para magawa ito kailangan muna ninyong kilalanin na pantay-pantay ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang anak. Sabi niya, “Kayo’y mangagibigan sa isa‘t isa; na kung paanong iniibig ko kayo” (Juan 13:34). Walang pasiya, kasalanan, o pagkakamali kayong magagawa o ang sinuman na magpapabago sa Kanyang pagmamahal sa inyo o sa kanila. Hindi iyan nangangahulugan na pinatatawad o pinalalampas Niya ang makasalanang pag-uugali; ni hindi natin ginagawa iyon—sa ating sarili o sa iba. Kundi nangangahulugan iyan na tumutulong tayo nang may pagmamahal na manghikayat, tumulong, at magligtas.

Kapag nadama ninyo na kayo ay lubos na minamahal, mas madaling mahalin ang iba at tingnan sila ayon sa pagtingin ng Tagapagligtas. Bumaling sana tayo sa ating Tagapagligtas sa panalangin at hilinging matanggap natin ang Kanyang dalisay na pagmamahal para sa inyong sarili at para sa iba. Nangako siya na madarama ninyo ang Kanyang pagmamahal kung mananalangin kayo nang may pananampalataya (tingnan sa Moroni 7:48).

Ang mapuspos ng dalisay na pagmamahal na ito ay gagabay sa inyong mga iniisip at ikinikilos, lalo na sa pulitika na kung minsan ay maraming pagtatalo. Maaaring madaling uminit ang ating ulo kapag tinalakay natin ang pulitika, lalo na kapag tinalakay natin ang kalayaang pangrelihiyon. Kung tutulutan nating uminit ang ating ulo sa mga sandaling ito, lalabas na hindi tayo Kristiyano sa ating pamilya, mga kaibigan, mga kapitbahay, at mga kakilala.

Alalahanin kung paano nilutas ng Tagapagligtas ang mahihirap na tanong at nakadududang mga ideya. Nanatili Siyang mahinahon, nagpakita Siya ng paggalang, at itinuro Niya ang katotohanan, ngunit hindi Niya pinilit ang sinuman kailanman na ipamuhay ang Kanyang itinuro.

Ikalawa, hayaang gabayan kayo ng katarungan sa pagtrato ninyo sa iba. Hindi inalintana ni Jesucristo ang lahi, antas, at sitwasyon ng mga tao para maturuan sila ng simpleng katotohanan. Alalahanin ang Samaritana sa may tabi ng balon (tingnan sa Juan 4:5–30), ang Romanong senturion (tingnan sa Mateo 8:5–13; Lucas 7:1–10), at ang di-kilalang publikano (tingnan sa Lucas 18:9–14). Inutusan tayo ng Panginoon na tularan ang Kanyang halimbawa, sa pagsasabing, “Sumunod sa akin, at gawin ang mga bagay na nakita ninyong ginawa ko” (2 Nephi 31:12). Huwag husgahan o pakitunguhan ang mga tao nang hindi makatarungan dahil iba ang kasalanan nila kaysa inyo, o sa atin.

Marahil ang pinakamalaking hamon sa makatarungang pagtrato sa iba ay nasa pagkakapantay-pantay na kailangan sa pagsuporta sa kalayaang pangrelihiyon kapag may mga kaibigan o kapamilya kayo na naaakit sa katulad niya ang kasarian o matatag na sumusuporta sa mga karapatan ng LGBT. Nag-aalala ang ilan sa inyo na baka sabihin ng iba na hindi kayo mapagparaya o sumusuporta kung naghahangad kayo ng proteksyon na manampalataya nang hayagan at malaya.

Muli, pag-aralan ang buhay ng ating Tagapagligtas at hangarin ang Kanyang patnubay. Lubos na ipinakita ng Tagapagligtas kung paano tumulong nang may pagmamahal at panghihikayat habang matatag na naninindigan sa alam nating totoo. Tandaan na nang mahuling nangangalunya ang babae, hiniling ng Panginoon na lumapit ang sinumang walang kasalanan at siya ang unang humatol dito. Nang walang lumapit, sinabi ng ating Tagapagligtas, na walang ginawang kasalanan, “Ako man ay hindi rin hahatol sa iyo: humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:11). Ang pagpapatawad at kabaitang ipinakita Niya sa babae ay hindi salungat sa Kanyang mga turo na ang seksuwal na pakikipagtalik ay para lamang sa lalaki at babaeng ikinasal nang legal at naaayon sa batas. Maaari din kayong magmatigas sa pagiging tama at makatotohanan subalit tumulong pa rin nang may kabaitan.

Nang wakasan ng mga kaibigan at alagad ni Cristo ang kaugnayan nila sa Kanya, nalungkot Siya at nasaktan. Gayunman, nang magwakas ang isang kaugnayan, iyon ay dahil hindi panatag ang iba sa Kanyang mga turo, hindi dahil sa hindi Siya panatag sa iba.

Kapag hinangad nating pakitunguhan ang iba nang may katarungan, kailangan nating tandaan ang alituntunin ng kalayaan. Kailangan nating laging igalang ang kakayahan ng iba na magpasiya at hilingin na igalang din nila tayo sa gayong paraan. Sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa kalayaang pangrelihiyon, lagi nating tandaan na maaari tayong hindi sumang-ayon nang hindi nakikipagtalo. Huwag sana kayong umiwas sa pakikipag-usap tungkol sa mahahalagang bagay na ito dahil lamang sa nag-alala kayo na baka kayo mahirapan o hindi mapanatag. Maaari tayong humingi ng tulong sa panalangin, at maaasahan natin na tutulungan tayo ng Tagapagligtas na magsalita at kumilos sa paraang nakalulugod sa Kanya.

Ikatlo, ipagtanggol ang katarungan kung makita ninyo na nahahadlangan ang mga karapatan ng iba. Si Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ay isang magandang halimbawa ng isang taong matibay ang paniniwala sa pagpapakasal ng isang lalaki at isang babae, at magkagayunma’y handa siyang ipagtanggol ang mga karapatan ng iba. Nag-iwan siya ng halimbawa ng pagtiyak na protektado ang mga karapatan ng iba nang masaksihan niya na hindi makatarungan o hindi pantay-pantay ang pagtrato ng batas sa lahat.

Mula noong panahon ni Joseph Smith hanggang sa ating panahon, ang ating pamana ay nasa pagtulong na paghilumin ang damdaming nasaktan nang hindi ikinokompromiso ang doktrina na hindi natin dapat baguhin.

Aktibong Makibahagi

Larawan
sitting around a table

Iyan ang huling punto ko, at kailangang aktibong makibahagi ang inyong henerasyon sa isyung ito. Kaisa ako ng mga pinuno ng Simbahan ng ating Panginoon nang sabihin ko na kailangan namin ang likas na pang-unawa ng inyong henerasyon sa pagkahabag, paggalang, at katarungan. Kailangan namin ang inyong positibong pananaw at determinasyong lutasin ang mga kumplikadong isyung ito sa lipunan.

Nananalig kami na babaling kayo sa Tagapagligtas upang maunawaan kung paano mamuhay na katulad ni Cristo habang nagpapakita rin kayo ng katarungan at pagmamahal sa iba na hindi nakikiisa sa inyong mga paniniwala. Alam namin na nais ninyong maging bahagi ng isang bagay na makabuluhan, at alam namin na kayo ay matatag at nakikipagtulungan.

Ang pinakamahalaga, kailangan namin kayong makibahagi sa pag-uusap tungkol sa mga kaguluhan ng isyung ito at makahanap ng solusyon kung paano higit na magiging makatarungan sa lahat, pati na sa mga taong may pananampalataya. Ang mga pag-uusap na ito ay kailangang mangyari sa ating mga paaralan, tahanan, at pakikipag-ugnayan sa mga kaibigan at katrabaho.

Kapag nagkaroon kayo ng ganitong mga pag-uusap, tandaan sana ang mga alituntuning ito: tingnan ang iba nang may katarungan, pakitunguhan sila nang may paggalang at kabaitan, at asahang pakitunguhan kayo sa gayon ding paraan.

Dagdag na Pagmamahal

Sa huli, gusto kong ibahagi sa inyo ang aking patotoo at pagsaksi na kapag sinunod ninyo ang paanyayang tulungan ang iba nang may katarungan, madarama ninyo na nag-iibayo ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa inyo at sa lahat ng anak ng Ama sa Langit. Ang inyong halimbawa ng paggalang at pagiging makatarungan ay magbibigay ng mga pagkakataon at magbubuo ng mga makabuluhang pagkakaibigan na itatangi ninyo habambuhay.

Pinatototohanan ko sa inyo na ang ating Ama sa Langit ay buhay, na kilala Niya kayo, at na mahal Niya kayo mismo. Handa Siyang tulungan kayo. Inihayag niya sa atin ang Kanyang plano hindi lamang para makabalik tayo at makapiling natin Siya magpakailanman kundi upang mapagpala at maging masaya tayo sa buhay na ito. Kapag sinunod ninyo ang Kanyang mga turo at kapag tumulong kayo nang may pagmamahal at pagsasaalang-alang sa iba, higit ninyong madarama ang Kanyang kapangyarihan at pagmamahal.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 403–4.

  2. Mga Turo: Joseph Smith, 404.

  3. “Know This, That Every Soul Is Free,” Hymns, blg. 240.

  4. “Transcript of News Conference on Religious Freedom and Nondiscrimination,” Ene. 27, 2015, mormonnewsroom.org.

  5. Dallin H. Oaks, sa “Transcript of News Conference on Religious Freedom and Nondiscrimination.”