2016
Paghahanap kay Etiene
September 2016


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Paghahanap kay Etiene

Ilang linggo bago ako umalis para magmisyon, bumisita ako sa tahanan ng isang dating kaibigan na hindi miyembro ng Simbahan. Balak kong sumaglit lang, pero dahil sa malakas na ulan, napatagal ako kaysa inaasahan. Kaya naupo na lang kami ng kaibigan ko at ng nanay niya at nagsimulang pag-usapan ang tungkol sa Simbahan at pagmimisyon ko.

Ipinaliwanag ko na baka ma-assign ako sa mga lungsod tulad ng Rio de Janeiro, Belo Horizonte, o Brasília.

Sa kung anong dahilan, ibinigay ng nanay ng kaibigan ko ang address ng kanyang kapatid na babae na nakatira sa isang bayan malapit sa Rio de Janeiro. Sinabi niya na puntahan ko raw ito at bisitahin ito sakaling ma-assign ako roon.

Umalis ako para sa aking misyon noong Hulyo 7, 1982. Naglingkod ako sa maraming iba’t ibang lungsod, kabilang na ang isang lugar kung saan malapit ang tirahan ng tiyahin ng kaibigan ko. Naisip kong bisitahin siya, pero hindi sakop ng area ko ang tirahan niya. Hindi ko sinabi sa mga missionary na naka-assign doon ang tungkol sa kanya dahil gusto kong ako mismo ang pupunta roon.

Noong panahong iyon, naglilingkod ang mga missionary nang 18 buwan. Lumipas ang panahon nang hindi ko nabisita ang tiyahin at pamilya ng kaibigan ko.

Ilang taon kalaunan, habang nasa isang ward social, nagkita kami ng kaibigan kong hindi miyembro. Nalaman ko na naimbitahan siya ng isa sa kanyang mga kamag-anak, isang tiyahin na nagngangalang Etiene na kabibinyag pa lang sa Simbahan. Pagkatapos ay nalaman ko na si Tiya Etiene ay kalilipat lang sa aming ward mula sa estado ng Rio de Janeiro. Mabilis kaming nagkalapit ng kanyang Tiya Etiene, at masaya naming pinag-usapan ang mga alaala sa Rio de Janeiro. Nahiya ako nang malaman ko na siya pala ang babaeng gusto kong bisitahin sa misyon ko. Kabibinyag pa lang sa kanya, matapos ang di-inaasahang pagkamatay ng kanyang asawa.

Mabuti na lang, pinatawad niya ako sa hindi ko paghikayat sa ibang missonary na bisitahin siya. Gayunpaman, nalungkot siya sa mga nasayang na panahon na dapat sana ay natamasa na niya ang mga pagpapala ng ebanghelyo.

Ang mga panghihinayang na tulad nito ay hindi lang nararamdaman ng mga missionary kundi ng lahat sa atin kapag kinakaligtaan nating sundin ang pahiwatig ng Espiritu, maging iyon man ay pag-imbita sa mga kaibigan na dumalo sa isang aktibidad sa Simbahan o pagbibigay ng mga referral sa mga missionary. Dumulog tayo sa Panginoon at humingi ng inspirasyon. Mangungusap Siya sa atin sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu. Ibibigay Niya sa atin ang kailangan nating tulong para gawin ang gawaing misyonero nang may dedikasyon at pagmamahal.