2016
Pinagpala sa Aking Paglilingkod
September 2016


Paglilingkod sa Simbahan

Pinagpala sa Aking Paglilingkod

Ang awtor ay naninirahan sa Western Australia.

Nalulugod ang Panginoon na pagpalain tayo, at nalaman ko na gaano man ang gawin kong paglilingkod, may pagkakautang pa rin ako sa Kanya.

Larawan
men shaking hands

Nang ipakilala ako bilang tagapagsalita kamakailan, magalang na binanggit ng taong nangangasiwa ang ilan sa nakaraang mas matataas kong katungkulan sa Simbahan, tulad ng bishop, mission president, at miyembro ng stake presidency. Maginoo ang lalaking ito, pero naisip ko, bakit hindi niya ako ipakilala bilang ward mission leader (ang kasalukuyan kong tungkulin) o sa ilang di-gaanong kapansin-pansing mga tungkulin ko?

Tapat kong masasabi na iisa ang nadama kong paggabay ng Espiritu sa bawat tungkuling iyon, at bawat isa ay naging kasiya-siya. Lagi kong hinahangad ang patnubay ng Panginoon sa aking mga tungkulin, at hindi Niya ako binigo kailanman. Naisip ko na nalulugod ang Panginoon na pagpalain tayo—saanman tayo naglilingkod.

Naniniwala ako na tatanggap tayo ng “putong ng kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan” (D at T 81:6) hindi dahil sa matataas na tungkulin kundi dahil mapagpakumbaba tayong naglingkod sa anumang tungkuling natanggap natin. Sinabi ng Tagapagligtas:

“Huwag sabihin ng ulo sa mga paa na hindi nito kailangan ang mga paa; sapagkat kung wala ang mga paa ay paano makatatayo ang katawan?

“Gayon din ang katawan ay kailangan ang bawat bahagi, upang ang lahat ay mapabanal na magkakasama, upang ang katawan ay mapanatiling ganap” (D at T 84:109–10).

Kinatakutan ko ang ilang tungkulin sa Simbahan sa buhay ko. Tuwing maiisip ko noon ang isang potensyal na tungkulin, tiyak na di-magtatagal at agad akong tatawagin sa tungkuling iyon. Ang pagtanggap sa gayong mga tungkulin ay nangangailangan ng pananampalataya at pananalig sa mga pangakong matatagpuan sa mga banal na kasulatan.

Sabi ni Nephi, “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7). Sabi ni Pablo, “Sapagka’t hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pagibig at ng kahusayan” (II Kay Timoteo 1:7).

Paminsan-minsan maaari nating madama na karapatan nating tanggihan ang isang tungkulin kung natatakot tayo rito. Ngunit kailangan nating alalahanin na ipinagdarasal ng mga lider ng Simbahan ang mga tungkulin at mga taong pagbibigyan nito.

Kapag tinanggihan natin ang isang tungkulin, ibibigay sa iba ang tungkuling iyon, na siyang magkakaroon ng pagkakataong lumago at mapagpala sa paglilingkod (tingnan sa D at T 58:32).

Nalulugod ang Panginoon na pagpalain tayo, at nalaman ko na gaano man ang gawin kong paglilingkod, may pagkakautang pa rin ako sa Kanya. Tunay ngang pinagpala Niya kami ng aking pamilya nang higit pa sa pinapangarap ko dahil sa aming paglilingkod sa Kanyang kaharian.