2016
Nagbuntis ng Kambal, Nagkaroon ng mga Himala
September 2016


Ating Tahanan, Ating Pamilya

Nagbuntis ng Kambal, Nagkaroon ng mga Himala

Ang awtor ay naninirahan sa Pilipinas.

Inakala namin na lahat ng bagay sa aming buhay ay magiging maayos, ngunit hindi nagtagal ay naging kumplikado ang mga bagay-bagay at natakot ako sa iba pang maaaring mangyaring mali.

Larawan
husband and wife

Isang gabi habang nanonood ako ng balita, may napansin ako. Nakita ko na kaklase ko sa kolehiyo ang reporter. Nakamit niya ang pangarap niyang maging newscaster!

“Paano naman ako?” tanong ko sa sarili. “Ano na ang nagawa ko?” Tiningnan ko ang sanggol na natutulog sa aking mga bisig at naisip ko ang mga pangyayari ng nakaraang tatlong taon.

Balak ko noon pa man na magkaroon ng isang career, pero nang ipanganak ko ang panganay namin na si Chevy ng asawa kong si Charles, nagbago ang mga prayoridad ko. Nagbitiw ako sa trabaho para alagaan siya. Sumampalataya kami kay Jesucristo na basta’t nagbabayad kami ng ikapu at sinusunod namin ang mga kautusan, magiging maayos ang lahat.

Maayos ang takbo ng mga bagay-bagay hanggang sa, isang araw, natanggal sa trabaho si Charles. Sumampalataya kami na magiging maayos ang lahat, pero alam namin na kailangan naming kumilos. Nagpasiya kami na dapat din akong magtrabaho, kaya nagsimula kaming maghanap ng trabaho ni Charles. Pagkaraan ng ilang linggo, natanggap ako sa isang call center. Ayaw kong iwan ang aking siyam-na-buwang anak sa isang babysitter araw-araw, pero iyon ang pinakamaganda naming solusyon.

Isang buwan pa lang ako sa trabaho, nalaman kong buntis ako. Mabuti na lang, hindi nagtagal ay nakakita ng trabaho si Charles. Mababa ang suweldo, pero makakatulong na iyon. Sandali kaming nakahinga nang maluwag.

Naging napakahirap ng pagbubuntis ko, at kinailangan kong magbitiw sa trabaho. Sa buwanang pagpapatingin ko, nagulat kaming matuklasan na kambal ang ipinagbubuntis ko. Natakot kami ni Charles, pero nagtiwala kami sa Ama sa Langit.

Mga tatlo’t kalahating buwan ng pagbubuntis ko, nagising ako na dinurugo ako. Akala ko makukunan ako, kaya nagpunta ako sa ospital. OK naman ang mga sanggol, pero pinagpahinga ako ng doktor sa anumang gawain sa natitirang mga buwan ng pagbubuntis ko.

Naging masyadong kumplikado ang mga bagay-bagay. Ubos ang pera namin sa bangko dahil sa mga bayarin sa ospital, at hindi sapat ang napakaliit na suweldo ni Charles para tustusan ang aming mga pangangailangan. Nadama kong parang nawalan ako ng silbi. Hindi ako makatulong na kumita o alagaan si Chevy. Nalilimutan ko kung minsan na dalawang espesyal na espiritung anak ang dinadala ko. Nagsumamo ako bawat araw at gabi sa aking Ama sa Langit na paginhawahin ako. Natakot ako sa iba pang maaaring mangyaring masama. Pero may isang ideyang palaging bumabalik sa aking isipan: Ang Ama sa Langit ay buhay at alam Niya ang aming mga pangangailangan.

Nahihirapan din si Charles, pero nanatili siyang matatag. Tinulungan niya ako at inalagaan niya si Chevy bukod pa sa kanyang trabaho. Napanatag ako sa kanyang mga pagbabasbas ng priesthood, at napalakas ako ng kanyang pagmamahal. Takot kami, pero magkasama naming hinarap ang bagong pagsubok na ito.

Ginawa ko ang lahat para tanggapin ang sitwasyon. Sa halip na magmukmok, nagbasa ako ng mga banal na kasulatan, mga magasin ng Simbahan, at magagandang aklat. Kumanta rin ako ng mga himno—ang “Saligang Kaytibay” (Mga Himno, blg. 47) ang nakagawa ng malaking kaibhan. Mas napalapit ako sa aking Tagapagligtas. Nalaman ko kung gaano karami pa ang dapat kong ipagpasalamat sa kabila ng aming sitwasyon.

Sa paglipas ng mga araw, nadama namin ang tulong ng Diyos sa aming buhay. Nangyari ang malalaki at maliliit na himala sa lahat ng dako. Binayaran ng aming mga pamilya at kaibigan ang ilan sa aming mga gastusin. Nadama ko ang kanilang pagmamahal at malasakit sa aming pamilya. Inatasan ng Relief Society presidency ang isa o dalawang sister na bisitahin ako araw-araw. Nagdala sila ng mga groseri, nagluto sila at naglinis, inalagaan nila si Chevy, nagbahagi sila ng mga espirituwal na kaisipan, at pinasaya nila ako. Ipinagdasal nila na lumakas na ako at patuloy na maging ligtas ang kambal. Hindi kami nagutom kahit kailan. Hindi alam ng mga sister na ito kung gaano nila ako natulungang dalhin ang aking pasanin sa kanilang paglilingkod. Nang dumating ang oras, pinadali nang husto ng Ama sa Langit ang panganganak ko, at malulusog ang dalawang sanggol na babae.

Maraming taon na ang nakalipas mula nang dumating ang malaking hamong iyon sa aming buhay, ngunit walang araw na hindi namin nadama ang pagmamahal ng Diyos. Mas maluwag na ang kabuhayan namin ngayon, at lumalaki ang aming mga anak na matatalino at mahuhusay. Mas matatag at mas handa kami para sa darating na mga hamon dahil alam namin na pinagpapala ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak sa Kanyang sariling panahon at hinding-hindi sila iiwang kaawa-awa o hindi panatag. Ang buhay ay hindi isang madaling paglalakbay, ngunit lagi tayong sasamahan at gagabayan ng Diyos.