2015
Ang Daan Tungo sa Kaligtasan
Oktubre 2015


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Ang Daan Tungo sa Kaligtasan

Mula sa “Finding Safety in Counsel,” Liahona, Hulyo 1997, 23–25.

Ang isa sa mga paraan para malaman natin na mula sa Panginoon ang isang babala ay kapag ginamit ang batas ng mga saksi, ng awtorisadong mga saksi.

Larawan
Images from the April 2013 general conference.

Tila walang katapusan ang hangarin ng Tagapagligtas na akayin tayo tungo sa kaligtasan. At iyon pa rin ang paraan ng pagpapakita Niya sa atin ng landas. Hindi lamang isang paraan ang gamit Niya para makarating ito sa mga handang tumanggap nito. At ang mga paraang iyon ay laging may kasamang paghahatid ng mensahe sa pamamagitan ng bibig ng Kanyang mga propeta tuwing ang mga tao ay karapat-dapat magkaroon ng mga propeta ng Diyos sa kanilang kalipunan. Ang mga awtorisadong lingkod na iyon ay laging inuutusang magbabala sa mga tao, na nagsasabi sa kanila ng landas tungo sa kaligtasan.

Nang tumindi ang tensiyon sa hilagang Missouri, USA, noong taglagas ng 1838, nanawagan si Propetang Joseph Smith sa lahat ng Banal na magtipon sa Far West para maprotektahan sila. Marami ang nangasa mga liblib na bukirin o sa kalat-kalat na mga pamayanan. Partikular niyang pinayuhan si Jacob Haun, na nagtatag ng isang munting pamayanan na tinatawag na Haun’s Mill. Kabilang ito sa isang talaan tungkol sa panahong iyon: “Si Brother Joseph ay nagpahatid ng mensahe sa pamamagitan ni Haun, na may-ari ng gilingan, na ipaalam sa mga kapatid na nakatira doon na umalis at magpunta sa Far West, pero hindi ipinarating ni Mr. Haun ang mensahe” (Philo Dibble, sa “Early Scenes in Church History,” sa Four Faith Promoting Classics [1968], 90). Kalaunan, itinala ni Propetang Joseph sa kanyang kasaysayan: “Hanggang sa araw na ito binigyan ako ng Diyos ng karunungang iligtas ang mga taong nakinig sa payo. Walang napatay sa mga [sumunod] sa aking payo” (History of the Church, 5:137). Pagkatapos ay itinala ng Propeta ang malungkot na katotohanan na nailigtas sana ang mga inosenteng buhay sa Haun’s Mill kung natanggap at nasunod lamang ang kanyang payo.

Sa ating panahon, nabalaan na tayo sa pamamagitan ng payo kung saan tayo makatatagpo ng kaligtasan mula sa kasalanan at kalungkutan. Ang isa sa mga susi para makilala ang mga babalang ito ay ulit-ulitin ang mga ito. Halimbawa, hindi lamang minsan sa mga pangkalahatang kumperensyang ito, narinig na ninyong sinabi ng ating propeta na babanggitin niya ang sinabi ng isang naunang propeta at dahil dito ay magiging pangalawang saksi siya at kung minsan ay pangatlong saksi pa. … Isinulat ni Apostol Pablo na “sa bibig ng dalawang saksi o ng tatlo ay papagtibayin ang bawa’t salita” (II Mga Taga Corinto 13:1). Ang isa sa mga paraan para malaman natin na nagmula sa Panginoon ang babala ay kapag ginamit ang batas ng mga saksi, awtorisadong mga saksi. Kapag tila paulit-ulit ang mga salita ng mga propeta, dapat matuon doon ang ating pansin at puspusin ng pasasalamat ang ating puso na nabubuhay tayo sa isang pinagpalang panahon. …

Mahal tayo ng ating Ama sa Langit. Isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak para maging ating Tagapagligtas. Alam Niya na sa buhay na ito ay malalagay tayo sa malaking panganib, ang pinakamalala dito ay mula sa mga tukso ng isang kakila-kilabot na kaaway. Iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit inilaan ng Tagapagligtas ang mga susi ng priesthood upang ang mga may taingang makikinig at may pananampalatayang sumunod ay makapunta sa mga ligtas na lugar.