2015
Mga Kalabasa o mga Milon?
Oktubre 2015


Pagmumuni-muni

Mga Kalabasa o mga Milon?

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Kung minsan ay walang maling pagpili. Iisa lang ang mapipili.

Larawan
illustration of a pumpkin on a vine

Paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Medyo nagulat ang tatay ko nang matuklasan niya na ang mga binhi ng kalabasang itinanim niya noong isang taon ay nagkusang tumubo sa gitna ng tanim na mga milon nitong tag-init. Medyo tumutubo ang mga milon—at gayundin naman ang mga kalabasa. Napakaganda, sa totoo lang, kaya natukso ang tatay ko na hayaang lumago ang mga tanim na kalabasa. Pero alam niya na kapag hinayaan niya ito, mapipigil ng mga kalabasa ang paglago ng mga milon.

Kinailangan niyang magpasiya. Maaari niyang bunutin ang mga kalabasa para mas lumago ang mga milon o hahayaan niyang lumago ang mga tanim na kalabasa at masdan itong sikilin ang mga tanim na milon, at malamang na di-gaanong malalaki ang kanilang aanihin. Mga kalabasa o mga milon? Ang desisyong ito ay sa pagitan ng dalawang opsiyon na parehong maganda.

Sa pagtitimbang kung ano ang mas mabuting gawin, nagpasiya ang tatay ko na bunutin ang malalagong tanim na kalabasa. Hindi lamang huling tumubo ang mga ito, kundi nagpasiya siya na mas gusto niya ang nakaplanong mga milon kaysa sa biglang sumulpot na mga kalabasa.

Ang karanasang ito ay nakahikayat sa akin na pag-isipan ang mga pasiyang ginagawa natin, lalo na sa mga pakikipag-ugnayan natin sa iba. Sa atin mang pamilya, mga kaibigan, amo sa trabaho, o mga kadeyt o pakakasalan, kapag ang desisyon ay sa pagitan ng dalawang bagay na parehong maganda, kung minsan ay mahirap kilalanin ang tama o pinakamagandang gawin, lalo na kapag ayaw nating magkamali sa pagpili. Ang takot na makagawa ng maling pasiya ay pumipigil sa atin kung minsan, at ang takot na iyon ay maaaring pumigil sa atin sa pagsulong nang may pananampalataya. Ngunit ang totoo, kung minsan ay walang maling pagpili. Iisa lang ang mapipili mo. Sa sitwasyon ng tatay ko, ibinatay niya ang kanyang desisyon sa kung ano ang mas mahalaga sa kanya. Ayaw niyang makitang mamatay ang kalabasa, pero alam niya na pagsisisihan niya ang pinsalang gagawin nito sa mga milon kalaunan.

Sa buhay, ang ilang pagpapasiyang nakakaharap natin ay kadalasang hindi mahalaga, tulad ng, ano ang dapat kong kainin sa almusal? Anong kulay ng damit ang dapat kong isuot ngayon? Kapag naharap sa isang pagpapasiya sa pagitan ng dalawang bagay na parehong maganda, maaari nating gawin ang ginawa ng tatay ko at itanong lang na, “Ano ang mas mahalaga sa akin?” Pagkatapos ay magdesisyon at sumulong nang may pananampalataya, na nagtitiwalang itatama tayo ng Panginoon kung nagkakamali man tayo.

Pero ang ilang pagpapasiya ay talagang lubhang mahalaga. Sinabing minsan ni Pangulong Thomas S. Monson: “Lagi tayong nahaharap sa mga desisyon. Para magawa ito nang buong talino, lakas-ng-loob ang kailangan—lakas-ng-loob na magsabi ng hindi, lakas-ng-loob na magsabi ng oo. Mga desisyon talaga ang nagpapasiya ng tadhana” (“Ang Tatlong Prinsipyo ng Pagpili,” Liahona, Nob. 2010, 68). Kapag naharap ka sa ganitong klase ng mga pagpapasiya, ang mas mabuting itanong ay, “Ano ang mas mahalaga sa Panginoon?” Kung alam natin ang sagot sa tanong na iyan, ang kailangan lang nating gawin ay iayon ang ating mga pinahahalagahan sa Kanya at pagkatapos ay kumilos ayon sa pasiyang iyon. Iyon palagi ang tamang gawin.