2015
Isang Panalong Desisyon
Oktubre 2015


Isang Panalong Desisyon

Ito ang pagkakataon niyang maglaro sa panalong koponan—paano siya makakatanggi?

“Alalahanin ang araw ng sabbath upang panatilihing banal ito” (Mosias 13:16).

Larawan
Product Shot from October 2015 Liahona

Nagmadaling pumasok si Miranda sa pintuan sa harapan, nagpasasalamat na mas malamig sa bahay niya kaysa sa mainit na panahon ng tag-init sa labas. Puno siya ng pawis mula sa huling laro niya ng football at nainis dahil natalo ang Teal Turbos. Na naman.

Pumasok si Inay sa silid na may dalang bote ng tubig at isang bag ng tirang mga hiwa ng kahel mula sa laro. “Ang galing ng laro ninyo. Mahirap maging goalie.”

Buong husay ngang naglaro si Miranda—-maraming beses niyang naharang ang bola ng kalaban at mas malakas siyang sumipa kaysa rati. Ngunit karamihan sa mga babae sa kanyang team ay hindi pa nakapaglaro ng football, at napatunayan iyan ngayon: natalo sila sa lahat ng laro sa season na ito.

“Sana naman makapasok ako sa team na nanalo na paminsan-minsan, ’di ba?” Pumatak ang ilang luha mula sa sulok ng mga mata ni Miranda at tumulo sa blue-green niyang jersey. Nang pumikit siya nang mariin, tumunog ang telepono.

Dinampot ni Inay ang telepono at pagkaraan ng isang sandali ay sinabing, “Para sa iyo.”

“Hi, Miranda? Si Tom ito, coach ng Chili Kickers. Pinanood ko ang laro ninyo ngayon. Ang husay mong maglaro.”

Bumilis ang tibok ng puso ni Miranda. Ang Chili Kickers ang pinakamagaling na football team sa liga!

“Lalaban ang team namin sa regional championship games sa susunod na buwan. Ang galing ng laro mo kanina kaya gusto kong sumali ka sa amin bilang back-up goalie.”

Halos lumundag sa tuwa ang puso ni Miranda. Ito na ang pagkakataon niyang maglaro sa isang panalong team!

“Sige po!” sabi ni Miranda. Nag-usap sila nang ilang minuto tungkol sa mga detalye bago niya ibinaba ang telepono at tumakbo sa kabilang kuwarto para sabihin kay Inay. Magkasama nilang sinimulang isulat ang mga petsa ng praktis at laro sa kalendaryo ng pamilya.

Biglang tumigil si Inay sa pagsusulat, habang iniikut-ikot ang kanyang bolpen sa ibabaw ng isa sa mga kuwadrado sa kalendaryo.

“Teka lang. Miranda, araw ng Linggo ang mga larong ito. Heto, tingnan mo.” Itinuro niya ang iskedyul ng laro at bumaling kay Miranda na nakakunot ang noo. “Ano sa palagay mo ang dapat nating gawin?”

Nadismaya si Miranda, at napakagat-labi habang iniiisip ang kanyang mga opsiyon. Baka payagan siya ni Inay na maglaro kung makiusap siya, pero nang maisip niya ang paglalaro sa araw ng Linggo—lalo na’t hindi siya makakasimba—sumama ang pakiramdam niya. Alam niya na ang Linggo ay para sa pagsisimba at pagsamba sa Ama sa Langit, at hindi niya talaga magagawa ang mga bagay na iyon habang naglalaro siya ng football.

“Palagay ko po dapat ko siyang tawagan at sabihan na hindi ako makapaglalaro,” sabi ni Miranda. Pinigilan niya ang pag-iyak. Kahit alam niyang tama ang desisyong ito, mahirap talikuran ang isang bagay na gustung-gusto niya.

“At alam mo ba ang palagay ko?” Sabi ni Inay na mahigpit siyang niyakap. “Palagay ko napakabuti mong bata.”

Nang Linggong iyon, habang nakaupo si Miranda sa Primary, naisip niya ang mabuting desisyong ginawa niya. Nagulat ang coach nang tumawag si Miranda at sinabing hindi siya makapaglalaro ng football tuwing Linggo. Sinubukan nitong baguhin ang kanyang isip, pero nakapagdesisyon na siya. Ngayon, habang nakikinig sa mga awitin at aralin sa Primary, napangiti si Miranda. Ipinahiwatig sa kanya ng payapang damdamin sa puso niya na siya ay nasa tamang lugar. Nakagawa siya ng panalong desisyon matapos ang lahat.

Paglalarawan ni Brad Teare