2015
Matapos na May Sindi Pa ang Iyong Sulo
Oktubre 2015


Mensahe ng Unang Panguluhan

Matapos na May Sindi Pa ang Iyong Sulo

Larawan
Runners passing a torch.

Larawang kuha ng Comstock/Stockbyte/Thinkstock

Sa sinaunang Greece, nagpapaligsahan ang mga runner sa isang relay race na tinatawag na lampadedromia.1 Sa paligsahan, may hawak na sulo ang mga runner at ipinapasa nila ito sa susunod na runner hanggang sa makatawid sa finish line ang huling miyembro ng team.

Ang gantimpala ay hindi ipinagkakaloob sa team na pinakamabilis tumakbo—ipinagkakaloob ito sa unang team na nakarating sa finish line na may sindi pa ang sulo.

May malaking aral dito, na itinuro ng mga propeta noon at ngayon: bagama’t mahalagang simulan ang paligsahan, mas mahalagang matapos tayo na may sindi pa ang ating sulo.

Nagsimula si Salomon nang May Determinasyon

Ang dakilang si Haring Salomon ay halimbawa ng isang taong nagsimula nang may determinasyon. Noong bata pa siya, “inibig [niya] ang Panginoon, na lumalakad sa mga palatuntunan ni David na kaniyang ama” (I Mga Hari 3:3). Nalugod ang Diyos sa kanya at nagsabing, “Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo” (I Mga Hari 3:5).

Sa halip na humingi ng kayamanan o mahabang buhay, humiling si Salomon ng “matalinong puso upang humatol sa iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama” (I Mga Hari 3:9).

Labis na nalugod dito ang Panginoon kaya biniyayaan Niya si Salomon hindi lamang ng karunungan kundi maging ng kayamanang hindi masukat at ng mahabang buhay.

Kahit na talagang napakatalino ni Salomon at gumawa siya ng maraming dakilang bagay, hindi siya natapos nang may determinasyon. Ang malungkot, kalaunan sa kanyang buhay, “gumawa si Salomon ng masama sa paningin ng Panginoon, at hindi sumunod nang lubos sa Panginoon” (I Mga Hari 11:6).

Pagtapos ng Ating Sariling Paligsahan

Ilang beses natin sinimulan ang isang bagay at hindi natin tinapos? Pagdidiyeta? Pag-eehersisyo? Mga pangakong magbasa ng mga banal na kasulatan araw-araw? Mga desisyon na maging mas mabubuting disipulo ni Jesucristo?

Gaano kadalas tayo gumagawa ng mga resolusyon tuwing Enero at determinadong tinutupad ang mga ito nang ilang araw, ilang linggo, o maging nang ilang buwan para lamang matuklasan na pagsapit ng Oktubre, naglaho na ang determinasyon nating tuparin ang ating pangako?

Isang araw may nakita akong nakakatawang larawan ng isang aso na nakahiga sa tabi ng isang papel na ginutay-gutay nito. Nakasaad doon, “Certificate of Dog-Obedience Training.”

Ganoon tayo kung minsan.

May mabubuting intensyon tayo; nagsisimula tayo nang may determinasyon; gusto nating maging napakahusay. Ngunit sa huli’y tinatalikuran natin ang ating mga resolusyon na gutay-gutay, nakasantabi, at nalimutan.

Likas sa tao ang magkamali, mabigo, at kung minsan ay gustuhing umayaw na sa paligsahan. Ngunit bilang mga disipulo ni Jesucristo, nangako tayo na hindi lamang simulan ang paligsahan kundi tapusin din ito—at tapusin ito na nagniningas pa ang ating sulo. Nangako ang Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo, “Ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas” (Mateo 24:13).

Sasabihin ko sa ibang pananalita ang ipinangako ng Tagapagligtas sa ating panahon: Kung susundin natin ang Kanyang mga utos at tatapusin ito na may sindi pa ang ating sulo, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan, na pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos (tingnan sa D at T 14:7; tingnan din sa 2 Nephi 31: 20).

Ang Liwanag na Hindi Naglalaho Kailanman

Kung minsan matapos magkamali, mabigo, o sumuko pa, pinanghihinaan tayo ng loob at naniniwala tayo na naglaho na ang ating liwanag at talo na tayo sa paligsahan. Ngunit pinatototohanan ko na ang Liwanag ni Cristo ay hindi mapaglalaho. Ito ay nagliliwanag sa pinakamatindi nating paghihirap at tutulungan tayong ibalik ang ating determinasyon at pangako kung ibabaling lang natin ang ating puso sa Kanya (tingnan sa I Mga Hari 8:58).

Gaano man kadalas o kalaki ang ating pagkakamali, laging nagniningas ang Liwanag ni Cristo. At kahit sa pinakamabigat na problema, kung hahakbang lang tayo palapit sa Kanya, daraigin ng Kanyang liwanag ang problema at bibigyan ng lakas ang ating kaluluwa na magpatuloy.

Ang pagiging disipulo ay hindi pabugsu-bugso; ito ay tuluy-tuloy na pagsisikap. At hindi mahalaga kung gaano tayo kabilis lumago. Katunayan, matatalo lang tayo sa paligsahan kapag tumigil o sumuko tayo sa bandang huli.

Basta’t patuloy tayong nagsisikap at sumusunod sa ating Tagapagligtas, mananalo tayo sa paligsahan na nagniningas pa ang ating sulo.

Sapagkat ang sulo ay hindi tungkol sa atin o sa ginagawa natin.

Tungkol ito sa Tagapagligtas ng mundo.

At iyan ay isang Liwanag na hinding-hindi mapapalabo. Ito ay isang Liwanag na lumululon sa kadiliman, nagpapagaling sa ating mga sugat, at nag-aalab kahit sa gitna ng pinakamatinding pighati at problema.

Ito ay isang Liwanag na mahirap unawain.

Nawa’y matapos ng bawat isa sa atin ang landas na ating nasimulan. At sa tulong ng ating Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo, matatapos tayo na masaya at may sindi pa ang ating sulo.

Tala

  1. Harpers Dictionary of Classical Antiquities (1898), “Lampadedromia,” www.perseus.tufts.edu/hopper. Inilalarawan ni Pausanias ang ibang paligsahan sa takbuhan na may hawak na sulo kung saan ang mga tagahawak ng sulo, na posibleng isa mula sa bawat lipi, ay hindi iniabot sa kasunod ang kanilang sulo. Ngunit tulad sa lampadedromia, ang panalo ay ang unang nakarating sa finish line na may sindi pa ang sulo.

Larawan
Product Shot from October 2015 Liahona