2015
Ang Alam Natin tungkol sa Buhay Bago Tayo Isinilang
Pebrero 2015


Ang Alam Natin tungkol sa Buhay Bago Tayo Isinilang

Ang mahahalagang katotohanan tungkol sa buhay bago tayo pumarito sa lupa ay nagbibigay sa atin ng napakagagandang kaalaman.

Larawan
illustration of the earth from space

Larawan © Junez Volmager/Dollar Photo Club

Isang binata na nagpasiyang mag-asawa sa halip na magmisyon ang nahikayat na kumuha muna ng kanyang patriarchal blessing. “Nang binabasbasan siya, naunawaan niya kahit paano kung sino siya sa premortal na daigdig. Nakinita niya kung gaano siya katapang at kalakas sa paghihikayat sa iba na sundin si Cristo. Dahil alam niya kung sino talaga siya, paanong hindi siya magmimisyon?”1 Isang halimbawa lamang ito kung paano makakagawa ng kaibhan para sa atin ang kaalaman tungkol sa buhay bago tayo isinilang.

Madaling sagutin ang tanong na “Ilang taon ka na?” Mga kaarawan ang sumusukat sa edad ng ating pisikal na katawan. Ngunit ang totoo, mas matanda pa tayo kaysa riyan. Bawat isa sa atin “ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit” na may “katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”2 Bago nalikha ang ating espiritu, bawat isa sa atin ay nabuhay na bilang “katalinuhan,” na “walang simula, ni katapusan.”3

Sa buhay bago tayo isinilang, tinuruan tayo ng mga aral na naghanda sa atin na tulungan ang Ama sa Langit na maisakatuparan ang kaligtasan ng Kanyang mga anak (tingnan sa D at T 138:56). May kalayaan din tayong tularan at sundin ang Diyos. Namukod-tangi ang ilan sa mga anak ng Ama dahil sa kanilang “labis na pananampalataya at mabubuting gawa” at inorden sila noon pa man, o binigyan ng mga gawain, upang maglingkod sa partikular na mga paraan sa lupa (Alma 13:3). Ang pinakadakila sa mga sumunod sa Ama sa Langit noon ay ang Kanyang panganay na espiritung anak, si Jesucristo—o si Jehova, ayon sa pagkakakilala sa Kanya roon.

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na noong tayo ay nasa daigdig bago tayo isinilang, naroon tayong lahat nang ipaliwanag ng Diyos Ama ang Kanyang plano para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak. Nalaman natin na kakailanganin ang isang Tagapagligtas upang makayanan ang mga problemang dulot ng mga sitwasyon sa mortal na buhay na ito.4

Itinanong ng ating Ama sa Langit, “Sino ang isusugo ko [na maging Tagapagligtas]?” Sinabi ni Jesus, “Narito ako, isugo ako” (Abraham 3:27). Siya ang “Minamahal at Pinili [ng Ama] mula pa sa simula” (Moises 4:2) at nilayon Niya talagang gampanan ang tungkuling ito noon pa man. Ngunit sumabad si Lucifer at ibinoluntaryo ang kanyang sarili lakip ang mungkahing wawasak sana sa kalayaan ng tao at magtataas kay Lucifer nang higit pa sa trono ng Diyos (tingnan sa Moises 4:1–4). Sinabi ng Ama sa Langit, “Aking isusugo ang una” (Abraham 3:27). Naghimagsik si Lucifer at nakilala bilang si Satanas.

Ang pagtatalu-talo sa kalipunan ng mga espiritu ay nagsanhi ng digmaan sa langit. Ang ikatlong bahagi ng mga anak ng Diyos ay tumalikod sa Kanya at sumunod kay Satanas (tingnan sa D at T 29:36–37). Ang mga mapanghimagsik na espiritung ito ay pinagkaitan ng pisikal na katawan, ibinagsak sa lupa, at patuloy na nakikidigma sa mga Banal ng Diyos (tingnan sa D at T 76:25–29). Ang iba pang mga anak ng Diyos ay naghiyawan sa galak dahil makakaparito sila sa lupa at dahil si Jesucristo ang piniling dumaig sa kasalanan at kamatayan (tingnan sa Job 38:7).

Sa buhay bago tayo isinilang, nagtamo tayo ng kaalaman sa ebanghelyo, patotoo, at pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang mga bagay na ito ay naging mahalagang proteksyon at lakas sa digmaan sa langit. Nadaig ng mga sumunod sa Diyos si Satanas at ang kanyang mga anghel “dahil sa dugo ng Cordero, at dahil sa salita ng kanilang patotoo” (Apocalipsis 12:11). Kapag pinag-aralan natin ang ebanghelyo at nagkaroon tayo ng patotoo dito sa lupa, muli lamang nating nalalaman ang dati na nating alam at nadama sa buhay bago tayo isinilang.

Tulad ng hindi natin maalala ang unang ilang taon ng ating buhay sa lupa, ang ating alaala tungkol sa buhay bago tayo isinilang ay hindi ibinigay sa atin. Kinailangan ito upang tulungan tayong matutong mamuhay sa pamamagitan ng pananampalataya at ihanda tayong maging katulad Niya. Ngunit makatitiyak tayo na kilala at minahal natin ang ating Ama sa Langit. Nangako si Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na, “walang higit na makakagulat sa atin kapag dumaan tayo sa tabing patungo sa kabilang-buhay kaysa sa malaman kung gaano natin kakilala ang ating Ama at kung gaano kapamilyar sa atin ang Kanyang mukha.”6

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Walang kabuluhan ang buhay kapag hindi natin alam ang doktrina ng buhay bago tayo isinilang. … Kapag naunawaan natin ang doktrina ng buhay bago tayo isinilang, ang mga bagay-bagay ay magtutugma at magkakaroon ng kabuluhan.”7

Mga Tala

  1. Randall L. Ridd, “Ang Piling Henerasyon,” Liahona, Mayo 2014, 57.

  2. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 243; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 93:29.

  4. Tingnan sa Mga Turo: Joseph Smith, 242.

  5. Richard G. Scott, “Kayo’y Binigyan Ko ng Halimbawa,” Liahona, Mayo 2014, 34.

  6. Ezra Taft Benson, “Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 6.

  7. Boyd K. Packer, “The Mystery of Life,” Ensign, Nob. 1983, 18.

Print