2015
Doktor o Elder?
Pebrero 2015


Doktor o Elder?

Mukandila Danny Kalala, Liberia

Larawan
illustration of a stethoscope with dr. photo

Mga paglalarawan ni Bradley H. Clark

Nang makatapos ako ng hayskul, alam kong kailangan kong maghintay ng di-kukulangin sa dalawang taon bago ako makapagmisyon. Nagpasiya akong simulan ang pag-aaral sa kolehiyo, at kinalkula ko na makakatapos ako sa pag-aaral ng medisina sa loob ng anim na taon kung seseryosohin ko ito. Ipinlano kong maglingkod sa full-time mission pagkatapos.

Nang makatapos ako ng medisina sa edad na 24, nagsimula ako ng clinical apprenticeship, na nagbigay ng dagdag na mga oportunidad sa propesyon ko. Sa panahong ito nahirapan akong magdesisyon: talaga bang dapat akong magmisyon, o dapat kong ituloy ang pagtatrabaho? Ang mga magulang ko, ang kuya ko (na kauuwi lang mula sa kanyang misyon), bishop ko, at isang tagapayo sa mission presidency sa aming lugar ay naghikayat sa aking lahat na magmisyon.

Naniwala ako na tama sila, ngunit mahirap ipagpaliban ang magandang oportunidad ko bilang doktor. Nagdasal ako at nag-ayuno para sa inspirasyon. Binasa ko rin ang aking patriarchal blessing, na nagrekomendang maglingkod ako sa full-time mission at tamuhin ko ang ipinangakong mga pagpapala bunga nito.

Isang araw, habang nakasakay ako ng bus pauwi mula sa aking apprenticeship, nakasabay ko ang stake patriarch. Sabay kaming bumaba at, ang nakakatuwa, nagsimula kaming maglakad sa iisang direksyon. Nakilala niya na miyembro ako ng Simbahan.

Habang sabay kaming naglalakad, tinanong niya ako kung ano ang balak kong gawin sa buhay. Ipinaliwanag ko na ako ay isang doktor at naguguluhan ako kung pipiliin kong magpatuloy sa trabaho o magmisyon. Sinabi niya sa akin sa matatag na tinig na maglingkod ako sa Panginoon sa pagpunta sa misyon, at idinagdag na pagpapalain ako bunga nito. Para sa akin, tila nagmula sa Panginoon ang sagot niya.

Agad pumasok sa isip ko ang sumusunod na talata, “Hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos, at ang kanyang kabutihan; at ang lahat ng bagay na ito ay idaragdag sa inyo” (3 Nephi 13:33).

Natiyak ko na sinagot ako ng Panginoon. Wala nang anupamang pag-aatubili, nagpasiya akong isantabi muna ang aking propesyon at maglingkod sa full-time mission. Inisip ng mga kapwa ko doktor na malilimutan ko ang panggagamot matapos akong mapalayo nang dalawang taon. Pilit nila akong pinigilan, pero nanindigan ako sa aking desisyon.

Iniwan ko ang titulong “Dr.” at naglingkod ako nang dalawang taon sa Democratic Republic of Congo Kinshasa Mission.

Pagkaraan ng limang taon, inilista ko ang malalaking pagpapalang kasunod ng aking paglilingkod. Higit sa lahat, nakilala ko ang asawa ko—isang tapat na miyembro ng Simbahan at pinakamalaki kong kagalakan. Dalawa na ang anak namin sa ngayon. Ibinuklod ang aming pamilya para sa kawalang-hanggan. Sa loob ng templo nag-proxy kami sa pagsasagawa ng mga ordenansa para sa aming yumaong mga ninuno. May matatag akong trabaho, kaya ang aking pamilya ay nakakatayo sa sarili naming paa. Ilan lamang ito sa mga pagpapalang natanggap namin mula sa Panginoon.

Alam ko na kailanman ay hindi nagsisinungaling ang Ama sa Langit at tinutupad Niya ang lahat ng pangako Niya sa atin kalaunan kapag nagtiwala tayo sa Kanya at sinunod natin ang Kanyang mga kautusan.