2015
Matitibay na Sagwan, Matitibay na Patotoo sa French Polynesia
Pebrero 2015


Mga Young Adult Profile

Matitibay na Sagwan, Matitibay na Patotoo sa French Polynesia

Natuklasan ng isang bata pang mag-asawa sa French Polynesia na ang ebanghelyo at ang paborito nilang isport ay magkatulad sa ilang bagay.

Larawan
Tahitian family.

Sa kalagitnaan ng Pacific Ocean naroroon ang 118 pulo na nalikha mula sa mga bulkan sa ilalim ng lupa o mga coral atoll. Tigib ng mga puno ng palma, itim na perlas, at bulaklak ng Tiaré, ang mga pulong ito ay tahanan ng mga 275,000 Tahitian (na karaniwang tawag sa mga naninirahan sa French Polynesia).

Si Gerry Huuti, 29-na-taong-gulang na miyembro, ay isa sa mga taong iyon. Gustung-gusto niya ang pambansang isport na va’a, o outrigger canoeing, na naging mahalagang bahagi ng kanyang buhay mula pa noong 16 anyos siya. Limang taon matapos siyang magsimulang mangarera, nakilala niya si Laydreane—isang kampeon sa pagsagwan at miyembro ng Simbahan. Salamat sa kanyang halimbawa, nabinyagan at nagmisyon si Gerry sa New Caledonia samantalang naglingkod naman si Laydreane sa Tahiti. Ikinasal sila anim na linggo pagkauwi ni Gerry.

Ngayon, makalipas ang ilang taon at may isa nang anak, sumasali pa rin si Gerry sa mga va‘a tournament—ngunit sinusuportahan niya ang kanyang pamilya sa paggawa ng mga sagwan para sa mga va’a outrigger. “Ang negosyo ko ay katabi lang ng bahay ko,” sabi niya. “Lumalabas ako at naghahanap ng mga kahoy na mapuputol at mapagdidikit para magawang mga sagwan.” Parang simple, pero limang araw ang kailangan para magawa ang bawat isa sa magagandang sagwan na yari sa kahoy. At dahil may mga 20,000 mananagwan sa pulo ng Huutis’ sa Tahiti, laging kailangan ang mga sagwan.

Bagama’t kapwa abala sina Gerry at Laydreane sa mga tungkulin sa Simbahan, may oras pa rin silang magpunta sa templo. “Dahil sa pagdalo namin sa templo, mas tumibay ang pagsasama namin,” sabi ni Gerry. “Pinagpapala rin ang negosyo namin. Ang pagbebenta ng mga sagwan nang mag-isa ay maaaring sapat, pero kung gagawin ninyo ito na kasama ang Panginoon, mas mainam.” Ang banal na tulong ay mahalaga sa mga Huuti. Malakas din ang patotoo ni Gerry at ng kanyang asawa sa ikapu. “Hindi kami nag-alala kailanman na hindi kami pagpapalain ng Ama sa Langit,” sabi ni Gerry. “Kung nagbabayad kayo ng ikapu, higit pa riyan ang matatanggap ninyo.”

Larawan
Gerry Huuti of Tahiti paddling a canoe.

Para sa mga Huuti, ang va‘a ay higit pa sa isang isport. Ang mga alituntunin ng dedikasyon at katapatan na kailangan para maging mahuhusay na mananagwan ay nakatulong kina Gerry at Laydreane na maging mas tapat sa ebanghelyo. “Sa va‘a, lakas ng katawan ang mahalaga para sa marami,” sabi ni Gerry, “pero hindi iyon ang pinakamahalaga. Mas mahalaga ang isipan—ang maging determinadong tapusin ang inyong laban. Kapag kailangan ninyong sumagwan nang apat-at-kalahating oras, masasabi ng katawan ninyo na hindi ninyo kaya iyon, pero sasabihin ng inyong isipan na kaya ninyo. Sa ebanghelyo, napakahalaga ng determinasyon. Kung minsa’y pinanghihinaan kayo ng loob, pero matutulungan kayo ng pananampalataya na magtagumpay sa pamamagitan ng pagsunod sa plano ng Diyos para sa inyong buhay. Lagi kayong may matututuhan mula sa va‘a na angkop sa ebanghelyo.”