2015
Ikaw Naman
Pebrero 2015


Ikaw Naman

Mula sa “Ang Inyong Apat na Minuto,” Liahona, Mayo 2014, 84–86.

“Ang buhay na ito ang panahon para … maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32).

Noong nakaraang taon, pinanood ng mga tao sa buong mundo ang mga atleta mula sa 89 na bansa na nakipagpaligsahan sa 2014 Olympic Winter Games sa Sochi, Russia. Sampu sa mga atletang ito ay mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tatlo sa kanila ang nagkamit ng mga medalya!

Magsikap nang Husto

Ikukuwento ko sa inyo si Noelle Pikus-Pace, isa sa Banal sa mga Huling Araw na mga atletang iyon. Ang sinalihan niya ay ang skeleton. Isipin na naglalakbay ka na una ang ulo at nakaangat ang mukha nang ilang pulgada sa lupa pababa sa isang liku-liko at mayelong daan sa bilis na 90 milya (145 km) bawat oras, na sakay lamang ng isang maliit na sled! Sa Olympics, si Noelle ay may apat na minuto lang—apat na 60-segundong pagbulusok—para mapanalunan ang kanyang medalya.

Hindi ito ang unang pagkakataon na sumubok si Noelle sa Olympics. Noong 2006 nabali ang buto niya sa binti at hindi makasali sa paligsahan sa Olympics. Noong 2010 hindi niya napanalunan ang medalya dahil nahuli siya nang wala pang isang segundo. Ngunit hindi siya sumuko. Maraming oras, araw, linggo, at buwan ang ginugol niya sa pagsasanay. Sa 2014 Olympics, wala na siyang mali! Siya ang nanalo ng medalyang pilak!

Patuloy na Magsikap

Si Christopher Fogt ay miyembro ng team na nanalo ng medalyang tanso sa four-man bobsled race. Puwede na sana siyang sumuko o tumigil pagkatapos ng matinding pagsalpok sa 2010 Olympics. Ngunit tulad ni Noelle, patuloy siyang nagsikap. At nanalo rin siya ng medalya!

Tulungan ang Iba

Ginulat ng snowboarder na Banal sa mga Huling Araw na taga-Australia, si Torah Bright, ang mundo nang mapansin niya na ang American snowboarder na si Kelly Clark ay kabado matapos ang unang hindi magandang pagtakbo. Sa halip na magtuon sa sarili niyang pagtatanghal, niyakap ni Torah si Kelly hanggang sa mapanatag si Kelly. Dahil sa simpleng kabaitang ito na ipinakita ni Torah, nakatayo silang dalawa sa plataporma ng mga nanalo. Nanalo ng medalyang pilak si Torah at si Kelly naman ang nanalo ng medalyang tanso. Kung mayroon kang kaibigan o kapamilya na nangangailangan ng panghihikayat, tulungan din sila.

Ikaw Naman!

Ang iyong buhay na walang hanggan ay katulad ng karanasan ng mga atletang ito. Bilang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos, nabuhay ka sa piling Niya. Naghanda kang pumarito sa mundong ito para sa loob lang ng maikling panahon. Ang iyong buhay sa lupa ay tulad ng apat na minuto ni Noelle. Ang mga ginagawa mo rito ang magpapasiya kung mapapanalunan mo ang gantimpala ng buhay na walang hanggan.

Mga Checkpoint para sa Iyo

Sina Noelle, Christopher, at Torah ay kinailangang gumawa ng ilang hakbang upang maging mga atleta sa Olympics. May ilang checkpoint na makatutulong sa iyo na makabalik sa Ama sa Langit. Ang mga ito ay ang mga bagay na tulad ng binyag, pagtanggap sa kaloob na Espiritu Santo, mga ordinasyon sa priesthood, mga ordenansa sa templo, at pakikibahagi ng sakramento bawat linggo.

Upang matulungan kang marating ang iyong mga checkpoint, kailangan mong manalangin at mag-aral ng banal na kasulatan araw-araw at magsimba. Sundin ang mga utos, sundin ang mga tipang ginawa mo, at sundin ang mga pamantayan ng Panginoon. Kung kailangan mong magsisi, alalahanin ang himala ng Pagbabayad-sala. Hindi ka iiwanang mag-isa ng Ama sa Langit.

Tandaan, naghanda ka para sa panahon mo sa lupa. Ito ang pagkakataon mong kumilos. Ito na ang panahon mo!