2015
Tunay na Pagmamahal
Pebrero 2015


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Tunay na Pagmamahal

Mula sa “Ang Dakilang Utos,” Liahona, Nob. 2007, 28–29.

Inaakay tayo ng pagmamahal sa kaluwalhatian at kadakilaan ng buhay na walang hanggan.

Ang pagmamahal ay simula, gitna, at katapusan ng daan sa pagiging disipulo. Ito ay umaaliw, nagpapayo, nagpapagaling, at nakikidalamhati. Ginagabayan tayo nito sa libis ng lilim at sa lambong ng kamatayan. Sa huli, inaakay tayo ng pagmamahal sa kaluwalhatian at kadakilaan ng buhay na walang hanggan.

Para sa akin, ipinakita sa tuwina ni Propetang Joseph Smith ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Marami ang nagtanong kung bakit nagkaroon siya ng maraming tagasunod at napanatili ang mga ito. Ang sagot niya: “Iyon ay dahil nasa prinsipyo ko ang magmahal.”1

May kuwento tungkol sa isang 14-na-taong-gulang na lalaki na nagpunta sa Nauvoo para hanapin ang kapatid niya na nakatira malapit doon. Dumating ang batang ito sa panahon ng taglamig na walang pera at kaibigan. Nang ipagtanong niya ang kapatid, dinala siya sa malaking bahay na mukhang hotel. Doon, nakilala niya ang isang lalaki na nagsabi, “Halika, iho, kami ang bahala sa iyo.”

Pumayag ang bata, at pinapasok siya sa bahay kung saan siya ay pinakain, binigyan ng panlaban sa lamig, at kamang tutulugan.

Kinabukasan, nanunuot ang lamig, pero, sa kabila niyon, naghanda ang bata sa paglakad nang walong [milya] papunta sa pinaglalagian ng kanyang kapatid.

Nang malaman ito ng may-ari ng bahay, sinabi niya sa bata na huwag munang umalis. Sinabi niyang may paparating na bagon at puwede siyang makisakay doon pabalik.

Nang tumanggi ang bata at sinabing wala siyang pera, sinabi ng may-ari na huwag alalahanin iyon at sila na ang bahala sa kanya.

Kalaunan, nalaman ng bata na ang may-ari ng bahay ay walang iba kundi si Joseph Smith, ang propetang Mormon. Natandaan ng batang ito ang pagkakawanggawang ito sa kanya sa buong buhay niya.2

Sa mensahe kamakailan lamang sa Music and the Spoken Word ng Mormon Tabernacle Choir, may isinalaysay tungkol sa isang matandang lalaki at babae na matagal nang mag-asawa. Dahil unti-unti nang nawawalan ng paningin ang babae, hindi na niya kayang alagaan ang sarili tulad ng dati niyang ginagawa sa loob ng maraming taon. Kahit hindi hinilingan, sinimulan ng lalaki na lagyan ng kyutiks ang kuko ng asawa.

Larawan
Holding Hands

Larawang kuha ng Jupiterimages/liquidlibrary/Thinkstock

“Alam ng lalaki na kapag inilapit ng babae sa kanyang mga mata ang mga kuko nito, makikita niyang maayos itong nilagyan ng kyutiks, at matutuwa ito. Gusto niyang makitang masaya ang asawa, kaya patuloy niyang nilagyan ng kyutiks ang mga kuko nito nang mahigit sa limang taon bago ito pumanaw.”3

Iyan ang halimbawa ng dalisay na pag-ibig ni Cristo. Kung minsan, hindi makikita ang pinakadakilang pag-ibig sa madudulang tagpong kinakatha ng mga makata at manunulat. Kadalasan, ang pinakamatinding pagpapahiwatig ng pagmamahal ay nasa simpleng kabaitan at pagmamalasakit na ibinibigay natin sa mga nakikilala natin sa buhay.

Ang tunay na pagmamahal ay tumatagal nang walang hanggan. Ito ay matiyaga at mapagpatawad magpakailanman. Ito ay nagtitiwala, umaasa, at nakapagtitiis sa lahat ng bagay. Ganyan ang pagmamahal sa atin ng ating Ama sa Langit.

Mga Tala

  1. Joseph Smith, sa History of the Church, 5:498.

  2. Mark L. McConkie, Remembering Joseph: Personal Recollections of Those Who Knew the Prophet Joseph Smith (2003), 57.

  3. “Selflessness,” Set. 23, 2007, brodkast ng Music and the Spoken Word; makukuha sa musicandthespokenword.com/spoken-messages.