2015
Umasa sa Diyos sa Bawat Araw
Pebrero 2015


Umasa sa Diyos sa Bawat Araw

Mula sa isang Church Educational System fireside na idinaos noong Enero 9, 2011.

Sa paglalaan ng kakainin sa bawat araw, sinisikap ng Diyos na turuan tayong sumampalataya.

Kasama sa Panalangin ng Panginoon ang pagsamong “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw” (Mateo 6:11) o “Ibigay mo sa amin araw-araw ang aming pang araw-araw na kakanin” (Lucas 11:3). Naniniwala ako na agad nating kikilalaning lahat na may mga pangangailangan tayo bawat araw na gusto nating ihingi ng tulong sa Ama sa Langit para matugunan. Para sa ilan, sa ilang pagkakataon, ito ay literal na pagkain—ibig sabihin, ang pagkaing kailangan para mabuhay sa araw na iyon. Maaari din itong maging espirituwal at pisikal na lakas para makayanan ang isa pang araw ng malubhang karamdaman o masakit at mabagal na paggaling. Sa ibang mga sitwasyon maaaring ito ay hindi mga pisikal na pangangailangan, tulad ng mga bagay na nauugnay sa mga obligasyon o aktibidad ng isang tao sa araw na iyon—pagtuturo ng isang aralin o isang pagsusulit, halimbawa.

Itinuro ni Jesus sa atin, na Kanyang mga disipulo, na dapat tayong umasa sa Diyos bawat araw para sa ating kakainin—sa tulong at ikabubuhay—na kailangan natin sa araw na iyon.

Ang paanyaya ng Panginoon na humingi sa ating Ama sa Langit ng ating kakainin sa araw-araw ay nagpapakita ng isang mapagmahal na Diyos, na nakakaalam maging sa kaliit-liitang pangangailangan ng Kanyang mga anak sa araw-araw at nasasabik na isa-isa silang tulungan. Sinabi Niya na makakahingi tayo nang may pananampalataya sa Nilalang na iyon “na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya” (Santiago 1:5). Iyan, mangyari pa, ay nagbibigay ng malaking kapanatagan, ngunit may isang bagay na mas mahalaga kaysa pagtulong na makaraos sa araw-araw. Sa paghahangad at pagtanggap natin ng espirituwal na pagkain sa araw-araw, lumalago ang ating pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang Anak.

Ang Pag-asa sa Diyos Araw-araw para sa Ating mga Pangangailangan ay Nagpapalakas ng Pananampalataya

Maaalala ninyo ang mahirap na paglalakbay ng mga lipi ni Israel mula Egipto at ang 40 taon sa ilang bago sila nakapasok sa kanilang lupang pangako. Kinailangang pakainin ang mahigit isang milyong taong ito. Tiyak na ang dami ng mga taong iyan sa isang lugar ay hindi mabubuhay nang matagal sa pangangaso, at ang paglipat-lipat nila ng tirahan ay hindi akma sa pagtatanim o pag-aalaga ng mga hayop na sapat ang dami. Nilutas ni Jehova ang problema sa pamamagitan ng mahimalang paglalaan ng kanilang kakainin sa araw-araw mula sa langit—ang manna. Sa pamamagitan ni Moises, inutusan ng Panginoon ang mga tao na mamulot ng sapat na manna sa bawat araw, maliban sa araw bago mag-Sabbath, kung kailan pupulot sila ng sasapat sa loob ng dalawang araw (tingnan sa Exodo 16:19–29).

Sa paglalaan ng kakainin sa bawat araw, sinikap ni Jehova na turuang sumampalataya ang isang bansa na sa nagdaang 400 taon ay naiwaglit ang pananampalataya ng kanilang mga ninuno. Itinuro Niya sa kanila na magtiwala sa Kanya, na “isaalang-alang [Siya] sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (D at T 6:36). Naglaan Siya ng sapat para sa bawat araw. Maliban sa ikaanim na araw, hindi sila maaaring mag-imbak ng manna para gamitin sa susunod na araw o mga araw. Ibig sabihin, ang mga anak ni Israel ay kinailangang umasa sa Kanya ngayon at magtiwala na magkakaloob Siya ng sapat na pagkain para bukas sa kinabukasan, at sa susunod pang mga araw. Sa gayong paraan hindi Siya malalayo nang husto sa kanilang puso’t isipan kailanman.

Magtiwala sa Panginoon—Ang mga Solusyon ay Maaaring Dumating sa Paglipas ng Panahon

Ilang panahon bago ako tinawag bilang General Authority, nagkaroon ako ng problema sa kabuhayan na tumagal nang ilang taon. May mga pagkakataon na naging banta ang hamong ito sa kapakanan ko at ng aking pamilya, at akala ko noon ay mauubos ang kabuhayan namin. Ipinagdasal kong magkaroon ng himala para makaraos kami. Bagaman maraming beses kong ipinagdasal iyon nang taos-puso at buong katapatan, ang sagot sa huli ay “Hindi.” Sa huli ay natuto akong manalanging tulad ng Tagapagligtas: “Gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” (Lucas 22:42). Humingi ako ng tulong sa Panginoon sa bawat munting hakbang hanggang sa huling desisyon.

May mga pagkakataon na wala na akong mapagkunan, na wala na akong malapitan o mahingan ng tulong noon. Ilang beses akong lumuhod sa aking Ama sa Langit, at lumuluhang humingi ng tulong sa Kanya. At tinulungan nga Niya ako. Kung minsan ito ay panatag na pakiramdam lang, isang katiyakan na maaayos ang lahat. Maaaring hindi ko makita kung paano o ano ang landas na tatahakin, ngunit ipinaalam Niya sa akin, nang tuwiran o di-tuwiran, na gagawa Siya ng paraan. Maaaring magbago ang mga sitwasyon, makaisip ng bagong ideya na makakatulong, biglang magkaroon ng dagdag na kita o iba pang mapagkukunan sa tamang panahon. Kahit paano ay nagkaroon ng resolusyon.

Bagaman nahirapan ako noon, nagpapasalamat ako ngayon na walang agarang solusyon sa aking problema noon. Ang katotohanan na halos araw-araw akong napilitang humingi ng tulong sa Diyos sa napakatagal na panahon ay talagang nagturo sa akin kung paano manalangin at masagot ang mga dalangin at naturuan ako sa napakapraktikal na paraan na manampalataya sa Diyos. Nakilala ko ang aking Tagapagligtas at aking Ama sa Langit sa paraan at sa antas na hindi sana nangyari sa ibang paraan o mas matagal ko sanang nakamit. Nalaman ko na ang kakainin sa araw-araw ay napakahalaga. Natutuhan ko na ang manna ngayon ay maaaring magkatotoo na katulad ng manna sa kasaysayan sa Biblia. Natuto akong magtiwala sa Panginoon nang buong-puso. Natuto akong sumunod sa Kanya sa araw-araw.

Lutasin ang mga Problema nang Paunti-unti sa Araw-araw

Ang paghingi ng ating kakainin sa araw-araw sa halip na lingguhan, buwanan, o taunan, ay isang paraan din para magtuon tayo sa mas maliliit at mas madaling lutasing problema. Upang malutas ang isang napakalaking problema, maaari nating kailanganing lutasin ito nang paunti-unti sa araw-araw. Kung minsan isang araw lang ang kaya natin (o bahagi lamang ng isang araw) sa isang pagkakataon. Narito ang isang halimbawang hindi nagmula sa banal na kasulatan.

Noong 1950s nakaraos ang aking ina sa operasyon sa kanser, na sinundan ng napakaraming masasakit na radiation treatment na halos maituturing na ngayon na makalumang panggagamot. Naalala niya na tinuruan siya ng kanyang ina ng isang bagay noong panahong iyon na nakatulong sa kanya simula noon: “Ang sama talaga ng pakiramdam ko at hinang-hina ako, at sinabi ko sa kanya isang araw, ‘Hay, Inay, hindi ko na po kaya ang 16 pang radiation treatment.’ Sabi niya, ‘Kaya mo bang magpunta ngayon?’ ‘Opo.’ ‘Anak, iyan lang ang kailangan mong gawin ngayon.’ Maraming beses itong nakatulong sa akin kapag naaalala ko na harapin ang bawat araw o bagay nang paisa-isa.”

Sa paghiling ninyo sa panalangin ng kakainin sa araw-araw, pag-isipang mabuti ang inyong mga pangangailangan—kapwa ang wala sa inyo at ang kailangan ninyong protektahan. Sa paghiga ninyo, isipin ang mga tagumpay at kabiguan sa araw na iyon at kung ano ang mas makakapagpaganda ng bukas. At pasalamatan ang inyong Ama sa Langit para sa manna na inilagay Niya sa inyong daraanan na nagpalakas sa inyo sa maghapon. Ang mga pagninilay ay magpapaibayo ng inyong pananampalataya sa Kanya habang nakikita ninyo na tinutulungan Niya kayong tiisin ang ilang bagay at baguhin ang iba. Magagalak kayo sa isa pang araw, sa isa pang hakbang tungo sa buhay na walang hanggan.

Si Jesucristo ang Tinapay ng Kabuhayan

Higit sa lahat, alalahanin na kasama natin Siya na isinagisag at isinisimbolo ng manna, ang mismong Tinapay ng Kabuhayan, ang Manunubos.

“[At] sa kanila’y sinabi ni Jesus, Ako ang tinapay ng kabuhayan: ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin kailan ma’y hindi mauuhaw. …

“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.

“Ako ang tinapay ng kabuhayan” (Juan 6:35, 47–48).

Pinatototohanan ko na tunay na buhay ang Tinapay ng Kabuhayan na si Jesucristo, at na walang hanggan ang kapangyarihan at saklaw ng Kanyang Pagbabayad-sala. Sa huli, ang Kanyang Pagbabayad-sala at Kanyang biyaya ang ating pagkain sa araw-araw. Dapat natin Siyang hanapin araw-araw, gawin ang Kanyang kalooban bawat araw, upang tayo ay maging kaisa sa Kanya na tulad Niya sa Ama (tingnan sa Juan 17:20–23). Binabasbasan ko kayo upang kapag hinangad ninyo ito mula sa Kanya, ay ipagkaloob sa inyo ng inyong Ama sa Langit ang inyong kakainin sa araw-araw.