2015
Nakilala Ko ang Tagapagligtas
Pebrero 2015


Nakilala Ko ang Tagapagligtas

Brian Knox, Arizona, USA

Larawan
Young man reading the scriptures.

Mga paglalarawan ni Bradley H. Clark

Sa unang taon ko sa hayskul, nangako akong basahin ang Bagong Tipan mula simula hanggang wakas. Pagkatapos ng klase at tuwing Sabado’t Linggo, umaakyat ako sa itaas na palapag ng bahay namin at nagbabasa ng mga salita ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga himala at buhay.

Kahit kadalasan ay hindi naunawaan ng murang isipan ko ang mga salita sa Biblia, nakilala ko si Jesucristo. Nalaman ko na Siya ang Anak ng Diyos at isinugo Siya upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan. Nalaman ko na Siya ay nakihalubilo, nakipag-usap sa mga tao, at binasbasan Niya ang mga karaniwan at mahihinang tao—mga taong katulad ko.

Kung minsan ay nalilito ako noon habang nagbabasa ng kumplikadong mga talata sa mga sulat ni Pablo at ni Juan sa aklat ng Apocalipsis, pero lagi kong nadarama ang katotohanan ng kanilang mga turo. Natulungan ako ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan sa mga panahong nahirapan ako sa paaralan at ginabayan ako sa paggawa ng mahahalagang desisyon.

Ilang taon kalaunan, habang naghahanda ako para sa misyon, tinanong ko ang sarili ko kung bakit ako talaga magmimisyon. Pakiramdam ko ay wala naman talagang kakaiba sa patotoo ko o tungkol sa akin. Inisip ko kung naghahanda lang ba akong magmisyon dahil obligasyon ko ito sa mga magulang at lider ko, na nagsumikap na ituro sa akin ang ebanghelyo. Inisip ko pa nga na baka mas makakabuti sa Panginoon kung hindi ako magmimisyon.

Isang araw habang binabasa ko ang Aklat ni Mormon, naantig ang puso ko sa mga sinabi ni Abinadi:

“Siya ay dadalhin, ipapako sa krus, at papatayin. …

“At sa gayon nalagot ng Diyos ang mga gapos ng kamatayan, nakamtan ang tagumpay sa kamatayan. …

“At ngayon sinasabi ko sa inyo, sino ang magpapahayag ng kanyang salinlahi?” (Mosias 15:7–8, 10; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Paulit-ulit kong binasa ang huling taludtod na iyon, na iniisip kung dati na ba iyong naroon. Sa pagbabasa ng Bagong Tipan, nalaman ko ang buhay ng Tagapagligtas at ang henerasyon ng mga taong kasama Niyang nabuhay noon. Ngunit ang mga tao sa henerasyon ng Tagapagligtas ay hindi mapupuntahan ang mga tao ngayon para magturo tungkol sa Kanyang pagmamahal, Kanyang Pagbabayad-Sala, at Kanyang Simbahan. Kaya paano ko pangangatwiranan ang hindi ko pagbabahagi ng aking patotoo tungkol sa Kanya?

Gusto ng Panginoon na ibahagi ko ang mabuting balita ng ebanghelyo na natanggap ko. Alam kong totoo ang ebanghelyo, at nais kong ibahagi ang mga katotohanang natutuhan ko sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan.

Hindi nagtagal matapos maranasan ito, umalis na ako para magmisyon. Ngayon ay masasabi ko na nagkaroon ako ng hangaring maglingkod dahil sa natutuhan ko tungkol sa Tagapagligtas noong bata pa akong estudyante na nagbabasa ng mga banal na kasulatan.