2015
Ang mga Katangian ni Jesucristo: Walang Kasalanan
Pebrero 2015


Mensahe sa Visiting Teaching

Ang mga Katangian ni Jesucristo: Walang Kasalanan

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa buhay at mga papel na ginagampanan ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa karagdagang impormasyon, pumunta sa reliefsociety.lds.org.

Larawan
Relief Society Seal

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

Larawan

Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang tanging may kakayahang magbayad-sala para sa sangkatauhan. “Si Jesucristo, ang Korderong walang kapintasan, ay kusang inialay ang kanyang Sarili at nagbayad para sa ating mga kasalanan,” sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan.1 Ang pag-unawa na si Jesucristo ay walang kasalanan ay makakatulong sa atin na pag-ibayuhin ang ating pananampalataya sa Kanya at sikaping sundin ang Kanyang mga utos, magsisi, at maging dalisay.

“Si Jesus ay … isang nilalang na may laman at espiritu, ngunit hindi Siya nagpadaig sa tukso (tingnan sa Mosias 15:5),” sabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Maaari tayong lumapit sa Kanya … dahil nauunawaan Niya. Nauunawaan niya ang hirap, at nauunawaan din Niya kung paano malalampasan ang paghihirap. …

“… Maaaring burahin ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala ang mga epekto ng kasalanan sa atin. Kapag nagsisi tayo, ang biyaya ng Kanyang pagbabayad-sala ang nagbibigay-katwiran at lumilinis sa atin (tingnan sa 3 Nephi 27:16–20). Magiging parang hindi tayo nagpadaig, parang hindi tayo nagpatangay sa tukso.

“Habang sinisikap natin araw-araw at linggu-linggo na sundan ang yapak ni Cristo, lumalakas ang ating espiritu, ang pagtatalo ng kalooban ay nababawasan, at di na tayo ginagambala ng mga tukso.”2

Karagdagang mga Banal na Kasulatan

Mateo 5:48; Juan 8:7; Sa mga Hebreo 4:15; 2 Nephi 2:5–6

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Binayaran ng Tagapagligtas ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagiging Anak ng Diyos, Kanyang buhay na walang kasalanan, Kanyang pagdurusa at sa pagbuhos ng Kanyang dugo sa Halamanan ng Getsemani, Kanyang kamatayan sa krus at Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli mula sa libingan. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong maging malinis na muli kapag pinagsisihan natin ang ating mga kasalanan.

Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagkatapos ay nagtanong kung sila ay naniwala sa kanyang mga salita. “Silang lahat ay sumigaw sa iisang tinig, sinasabing: … [ang] Espiritu … [ay] gumawa ng malaking pagbabago sa amin, o sa aming mga puso, kaya nga kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti. …

“At kami ay nahahandang makipagtipan sa aming Diyos na gawin ang kanyang kalooban, at maging masunurin sa kanyang mga kautusan sa lahat ng bagay” (Mosias 5:1–2, 5).

Tayo man ay maaaring magkaroon ng “malaking pagbabago” tulad ng mga tao ni Haring Benjamin, na “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2).

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Magagawa Na Ninyo Iyan Ngayon!” Liahona, Nob. 2013, 56.

  2. D. Todd Christofferson, “Upang Sila ay Maging Isa sa Atin,” Liahona, Nob. 2002, 71.