2010
Yakap ng Isang Ama
Abril 2010


Paano Ko Nalaman

Yakap ng Isang Ama

Namatay ang tatay ko noong pitong taong gulang lang ako. Dahil sa mga pag-aalinlangang ibinunga nito ay muntik nang mawala ang tiwala ko sa aking Ama sa Langit.

Paalis na ang aking pamilya sa party, pero gusto ko pang mag-Rollerblading. Niyakap ako ng aking ama at nagtanong kung gusto kong magpaiwan para masamahan niya ako sa Rollerblading.

“Hindi!” pagalit na sagot ko.

“Mapagkakatiwalaan mo ako,” sabi niya.

Gusto nang umalis ng iba, kaya’t sumakay na kami sa kotse. Makaraan ang sampung minuto naaksidente kami. Himalang nabuhay ako, ngunit namatay ang aking ama. Ang salitang iyon na “hindi!” ang huling nasabi ko sa kanya, at siya ang huling taong mayayakap ko sa maraming taon.

Nang sumunod na 11 taon, lalong naging malala ang sitwasyon ko sa buhay. Nawalan ako ng tiwala sa sarili at nagsimulang mawalan ng tiwala sa lahat ng tao. Napakalungkot ng buhay ko kung kaya’t isang araw noong 18 ako, hirap na hirap akong labanan ang kawalan ng pag-asa, at sumamo sa Diyos na ituro sa akin ang daan tungo sa maligayang buhay.

Makaraan ang isang linggo may lumapit sa aking dalawang misyonero. Ipinakita nila sa akin ang isang aklat at sinabing dapat akong magdasal para malaman ang katotohanan nito. Parang napakaliit ng hinihiling nila, ngunit napakalalim ng sugat na naiwan ng pagkamatay ng aking ama, at itinuring kong nagkataon lamang ang pagkikita namin ng mga misyonero at hindi kasagutan mula sa isang Diyos na nagmamahal sa akin.

Gayunman, binasa ko pa rin ang Aklat ni Mormon at nanalangin na makatanggap ng sagot—bagamat hindi tunay ang aking layunin. Tutal, mangangahulugan iyon na dapat akong magtiwala sa Diyos, tanggapin Siya at ang Kanyang sagot. Mas madaling tanggapin ang mga pambabatikos sa Simbahan. At natuklasan ko rin na may kapintasan ang marami sa mga dakilang tauhan sa kasaysayan na ipinakilala sa akin sa paaralan. Paano kung si Joseph Smith ay katulad din nila?

Gayunman, sa huli ako ay nabinyagan at nakumpirma. Alam kong kailangan ko ng kaunting patnubay sa aking buhay, at gusto ko ang Simbahan at ang mga miyembro. Ngunit napag-isip-isip ko ngayon na sumapi ako nang walang tunay na patotoo, isang patotoong nag-aalab sa puso. Ang pagkakaroon ko ng paniniwala ay bunga ng pagkatanto ko na mabababaw ang argumento ng mga nambabatikos sa Simbahan. At kahit hindi pa rin nagtitiwala, dumating ako sa puntong nagulumihanan na ako sa mababaw na paniniwalang iyon. Ang pagkilala ko sa Simbahan ay nagsimula dahil sa kakulangan ko ng tiwala at kalungkutan, at nasa gayon na naman akong kalagayan.

Kaya’t gumawa ako ng mahalagang desisyon: Magdarasal ako, pero sa pagkakataong ito gagawin ko ang sinabi ni Moroni, nang may “pananampalataya kay Cristo,” “tunay na layunin,” at “tapat na puso” (Moroni 10:4). Sa araw na napili ko, nag-ayuno at nanalangin ako na mapatnubayan. Maghapon kong pinag-isipang mabuti ang lahat ng nangyari.

Nang gabing iyon ay lumuhod ako sa tabi ng aking higaan. Yuko ang ulo na nagtanong ako sa Ama sa Langit tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Nagsimula kong maalaala ang lahat ng aking pag-aalinlangan. Ipinikit ko ang aking mga mata, hinigpitan ang pagkuyom sa aking mga kamay, at muling nagtanong—nang taos-puso, may layunin, at pananampalataya sa ating Tagapagligtas.

Parang tumigil sa pag-ikot ang mundo. Nakadama ako ng init at nalukuban ng liwanag. Sa loob ng 11 taon ay inasam ko ito, at muli akong niyakap ng isang ama—ang Ama sa Langit. Sa wakas nakatagpo ako ng mapagkakatiwalaan. “Opo,” sabi ko, habang tumutulo ang mga luha ko, “Nagtitiwala ako sa Inyo.”

Paglalarawan ni Doug Fakkel