2010
Ang mga may Suskrisyon ay Tatanggap ng Updated na Buklet ng Templo
Abril 2010


Ang mga may Suskrisyon ay Tatanggap ng Updated na Buklet ng Templo

Ang mga may suskrisyon sa mga magasing Liahona at Ensign ay tatanggap ng updated na buklet ng Mga Templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kapalit ng kanilang regular na mga isyu ng magasin ng Oktubre 2010.

Ang buklet na ito ay updated na bersyon ng isang lathalain na mahigit 50 taon nang inililimbag. Nagsimula ito bilang isang isyu ng magasin ng Simbahan na Improvement Era noong 1955. Kalaunan ay naging hiwalay itong buklet na makawalong beses nang binago mula noon. Ang huling bersyon ay kapapalooban ng mga bagong artikulo at retrato at ilalathala sa 45 wika.

Patuloy na hinihikayat ng mga propeta sa mga Huling Araw, kabilang si Pangulong Thomas S. Monson, ang mga miyembro na tanggapin ang mga ordenansa sa templo para sa kanilang sarili at bumalik sa templo para magsagawa ng mga ordenansa para sa kanilang mga ninuno.

Layon ng buklet na ito na ituro ang mga doktrina at alituntunin ng pagsamba sa templo. Ang mga miyembro ng Simbahan ay hinihikayat na magkaroon ng kahit isa man lang kopya sa kanilang tahanan para magamit ng mga magulang ang mga buklet sa family home evening o sa iba pang pagkakataon sa pagtuturo sa kanilang pamilya tungkol sa templo.

Ang mga tao sa lahat ng edad ay makakakita ng mga bagay sa buklet na maipamumuhay nila. Kabilang sa mga bagong artikulo sa edisyong ito ng buklet ang “Blessings of the Temple,” ni Pangulong Thomas S. Monson, at “Prepare for the Blessings of the Temple,” ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang buklet ay naglalaman din ng isang artikulo para sa kabataan na pinamagatang “Making the Temple a Part of Your Life,” at matututo ang mga bata tungkol sa mga templo mula sa artikulong “Your Path to the Temple.” Matutuwa ang lahat ng mambabasa sa pagtingin sa retrato ng mga templo sa iba’t ibang dako ng mundo. Ang buklet ay naglalaman din ng mga sagot sa karaniwang mga tanong para tulungan ang mga miyembrong naghahandang pumasok sa templo sa kauna-unahang pagkakataon.

Hinihikayat ang mga miyembro na ibahagi ang buklet na ito sa kanilang pamilya at mga kaibigang hindi miyembro. Makukuha ang mga karagdagang kopya ng buklet sa mga distribution center ng Simbahan at sa LDScatalog.com.

Maaaring piliin ng mga stake president, bishop, at guro ng temple preparation class na gamitin ang mga ito bilang suplementong materyal sa manwal ng guro na Pinagkalooban mula sa Itaas at ng buklet na, Paghahanda sa Pagpasok sa Banal na Templo.

Kung angkop, maaaring bigyan ng mga lider ng priesthood ang mga miyembrong tumanggap na ng kanilang endowment para tulungan silang maalala ang sarili nilang mga karanasan sa templo. Maaari din itong magamit para tulungan ang mga bumabalik sa pagiging aktibo sa Simbahan na naghahandang mabuklod sa templo.

“Ang buklet na ito ay maaaring maging isang magandang sanggunian para sa lahat ng miyembro,” sabi ni Elder Yoshihiko Kikuchi ng Pitumpu. “Nakatutulong ito upang maalaala ang mga sagradong karanasan sa templo, ang mga kaugnay na tipan at mga pagpapala, at ang mga responsibilidad ng bawat miyembro na gawin ang family history para makilala ang kanilang mga ninuno at makapaglaan ng kinakailangang mga ordenansa ng templo para sa kanila sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa paglilingkod sa templo.” ◼

Sa Oktubre, ang mga may suskrisyon ay tatanggap ng updated na bersyon ng buklet ng templo.

Larawan © 1996 Steve Tregeagle