2010
Kuwento ni Nephi, Kuwento Ko
Abril 2010


Ebanghelyo sa Aking Buhay

Ang Kuwento ni Nephi, Kuwento Ko

Nalungkot ako matapos kong makausap sa telepono si Jake, ngunit nagkaroon ako ng pag-asa sa halimbawa ng isang sinaunang propeta.

Ilang taon pagkatapos ko sa kolehiyo, natagpuan ko ang aking sarili na nakaupo sa family home evening kasama ang iba pang mga young single adult sa aking ward. Inanyayahan kami sa tahanan ng isang tagapayo sa aming stake presidency, at ang asawa niya ang nagbigay ng lesson.

Binabasa namin ang kuwento tungkol sa pagkuha ni Nephi at ng kanyang mga kapatid ng laminang tanso mula kay Laban (tingnan sa 1 Nephi 3–5). Tinalakay ng aming guro ang ipinakitang tapang at sigasig ni Nephi. Pagkatapos ay tiningnan niya ang maliit naming grupo. Mapanuri ang kanyang tingin.

“Si Nephi at ang kanyang mga kapatid ay binigyan ng mahirap na gawain,” pagbibigay-diin niya. “Ilang beses nilang sinubukan, at hindi madali ang mga iyon. Ngunit sulit ang masigasig nilang pagsisikap. Dahil nasa kanila na ang mga banal na kasulatan, mahahadlangan ni Nephi ang ‘[pag]hina at [pagka]sawi sa kawalang-paniniwala’ ng kanyang pamilya (1 Nephi 4:13).

“Magkakaroon ng ‘mga lamina’ sa inyong sariling buhay,” pagpapatuloy niya. “Marahil kakailanganin ninyong magpakita ng kasigasigan sa pagtatapos ninyo ng pag-aaral. Marahil kakailanganin ninyong magpakita ng lakas ng loob kapag nakikipagdeyt kayo. Anuman ang mga sakripisyo, mga balakid, pagkaantala, kalungkutan—anuman ang kailanganin upang maipreserba ang inyong pamilya sa hinaharap at mahadlangan ang kanilang paghina dahil sa kawalang-paniniwala—bumalik kayo at kunin ang mga lamina.”

Naisip kong magandang paghahambing iyon. Pinanatili ko ito sa aking isipan upang magunita balang-araw. Noong sandaling iyon hindi ko nadamang maraming hadlang sa buhay ko. Nakatapos ako ng pag-aaral, masaya ako sa aking trabaho, at kadeyt ko ang isang mabuting lalaki—isang matagal ko nang kaibigan at naging mas seryoso ang aming relasyon—sa loob ng mga apat na buwan. Napakasaya ko na noon sa takbo ng mga pangyayari sa buhay ko.

Makalipas ang ilang buwan lumalim ang relasyon namin ni Jake (pinalitan ang pangalan). Ngunit ang mga magulang ni Jake ay nagdiborsyo maraming taon na ang nakalilipas, at matindi pa rin ang epekto sa kanya ng kanilang paghihiwalay. Natatakot siya na baka kung mag-asawa na kami ay magwakas ang lahat sa amin tulad ng nangyari sa kanyang mga magulang.

Sinabi kong handa akong bigyan pa siya ng panahon—ng maraming panahon kung ito ang kailangan niya—upang masuri sa kanyang puso’t isipan ang mga bagay-bagay. Nag-usap kami tungkol sa paggawa ng mga desisyon batay sa pananampalataya sa halip na sa takot. Pinag-usapan namin ang papel ng kalayaan sa pagpili at ang katotohanan na hindi niya dapat akalaing ang nangyari sa kanyang mga magulang ay mangyayari rin sa kanya. At nag-usap kami tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa kakayahan ng Tagapagligtas na paghilumin ang ating mga puso.

Ang aming pag-uusap ay tila nakatulong upang maibsan ang ilan sa kanyang pangamba, at tulad ng dati nagpatuloy ang aming relasyon. Kaya’t nang tawagan niya ako isang Sabado ng hapon para makipagkalas na, talagang nasorpresa ako. Sinabi niya sa akin na hindi niya nakikita ang kanyang sarili na ikinakasal sa akin—o kahit kanino. Basta hindi na siya naniniwala sa kasal.

Nang sumunod na oras ay binalikan namin ang napag-usapan na namin, pero hindi ko siya mahikayat. Bumulong siya, “Ikinalulungkot ko,” at ibinaba na niya ang telepono. Tahimik akong naupo sa aking kama, habang dumadaloy ang mga luha sa aking pisngi, at lubos na nagugulumihanan.

Ilang sandali pa kumatok sa pinto ang aking roommate. “Pupunta ka ba sa stake conference?” tanong niya. Parang ayaw kong pumunta kahit saan o gawin ang kahit ano, pero nagbihis ako at sumakay na sa kanyang kotse.

Pagdating namin ang unang taong nakita ko ay ang babaing nagbigay ng lesson sa family home evening na iyon ilang buwan na ang nakararaan. Hindi kami nagkausap, ngunit nagtagpo ang aming mga paningin, at sa isip ko ay narinig ko ang isang tinig na tumatawag sa aking pangalan at nagsasabing, “Bumalik ka at kunin ang mga lamina.”

Kahit paano nalaman ko ang ibig sabihin ng pahiwatig. Hindi lamang iyon tungkol sa isang sinaunang propeta na nagbabalik upang kunin ang isang sagradong talaan. Tungkol din ito sa akin. Ibig sabihin kahit na hindi naniniwala si Jake sa kasal, maaari pa rin akong maniwala dito. Maaari ko itong asamin at ipagdasal at pagsikapang makamtan—hindi lamang basta pangarapin kundi paniwalaan, kumilos, ihanda ang sarili ko araw-araw dahil ito ang plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Hindi ibig sabihin nito na dapat kong balikan si Jake at makasama siya hanggang sa “mapilitan siyang maniwala” sa ideya ng kasal, at hindi rin ibig sabihin nito na kailangan ko nang makipagdeyt kaagad sa iba. OK lang na magkaroon ako ng panahon upang magdalamhati at maghilom ang nasaktan kong damdamin.

Ngunit sa panahong iyon ay maiiwasan kong magmukmok na lang dahil sa awa sa sarili. Maiiwasan ko ang tukso na magsalita ng hindi maganda tungkol kay Jake—o sa lahat ng kalalakihan. Makahahanap ako ng mga kaibigan na naniniwala sa kasal at umaasam sa bagay na ito. At magagawa ko, gaya ni Nephi, na magtiwala sa mapagmahal na Ama sa Langit na hindi nagbibigay ng kautusan—tungkol man ito sa pagkuha ng sinaunang talaan ng mga banal na kasulatan o pag-aasawa at pagbuo ng mga pamilya—nang hindi naglalaan ng paraan upang maisagawa natin ito.

Nasa “pagsasagawa” pa rin ako—hindi pa sa bahaging “nagawa na” ito—. Wala pa akong asawa, ngunit nagpapasalamat ako sa magagandang karanasan sa pakikipagdeyt—mga karanasang mas gumanda dahil mas naunawaan ko ang papel na ginagampanan ng pagtitiyaga sa mabubuting mithiin.

Nakadama rin ako ng kapanatagan at pagtitiwala nang malaman ko ang itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa huwaran ni Nephi sa pagtitiyaga. Sabi niya:

“Matapos ang dalawang bigong pagtatangka, nanatiling nagtitiwala si Nephi. Tahimik siyang pumasok sa lungsod papunta sa bahay ni Laban kahit hindi alam ang lahat ng sagot. Napansin niyang, ‘Ako ay pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat kong gawin,’ at makabuluhang idinagdag na, ‘Gayunman, ako ay yumaon.’ (1 Ne. 4:6–7; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik.)

“Handa si Nephi na paulit-ulit na subukan, sa abot ng kanyang makakaya. Ipinahiwatig niya ang pananampalataya na tutulungan siya. Ayaw niyang masiraan ng loob. Ngunit dahil kumilos siya, nagtiwala sa Panginoon, sumunod, at ginamit nang wasto ang kanyang kalayaan sa pagpili, tumanggap siya ng patnubay. Nabigyan siya ng inspirasyon sa bawat hakbang tungo sa tagumpay, at sabi nga ng kanyang ina ay ‘binigyan ng … kapangyarihan [na] maisagawa ang bagay na iniutos ng Panginoon.’ (1 Ne. 5:8; idinagdag ang pagkakahilig ng mga titik.)”1

Siyempre pa, ang alituntuning ito ng pagtitiyaga ay hindi lamang ukol sa panahon ng pakikipagdeyt. Angkop din ito sa mga taong matagal nang may karamdaman at hindi nakatitiyak kung mahaharap pa nila nang may masayang mukha ang isa pang araw na puno ng hirap at sakit; sa isang mag-asawa na nagsisikap na makayanan ang mga hamon sa kanilang pagsasama; sa mga magulang na ilang taon nang nagdarasal para sa isang anak na naligaw ng landas; sa isang tinedyer na kinakalaban sa eskuwelahan dahil sa kanyang mga pinaniniwalaan; sa mga misyonerong ilang araw nang pagod nang hindi nakapagtuturo ng kahit isang lesson. Kahit paano lahat tayo ay inutusang bumalik at kunin ang mga lamina.

At gaya ni Nephi, magagawa natin. Sa lakas ng loob, pagtitiyaga, at pananampalataya, magagawa natin ang lahat ng bagay na iniutos sa atin ng Panginoon.

Tala

  1. Richard G. Scott, “Learning to Recognize Answers to Prayer,” Ensign, Nob. 1989, 32.

Mga paglalarawan ni Michael Parker