2010
Pagpa-priyoridad sa Kasal sa Templo
Abril 2010


GAWING PRIYORIDAD ANG Kasal sa Templo

Si Vitaly Shmakov ay isinilang sa Omsk, Russia, at si Ekaterina (Katya) naman ay sa Yekaterinburg, Russia. Kapwa sila sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong tinedyer sila, at kapwa sila nagmisyon—si Vitaly sa Czech Prague Mission at si Katya Russia Novosibirsk Mission. Ang pag-uusap daw nila ang nagbukas ng kanilang isipan sa mga posibilidad na maging masaya, panatag, at matagumpay ang kanilang buhay, at ang kanilang misyon ay nagpatibay sa mga hangarin nilang lumikha ng mga tahanang nakasentro sa ebanghelyo, na nagsisimula sa kasal sa templo. Ito ang kanilang kuwento.

Vitaly: Nang ilang buwan na akong nakauwi mula sa aking misyon, nahilingan akong maging tagapayo sa isang kumperensya ng mga kabataan sa lugar. Pinapunta ako ni Steven C. Smith, pangulo ng Russia Novosibirsk Mission, sa kanyang opisina. Inasahan kong bibigyan ako ng bagong tungkulin o kaya’y pormal na iinterbyuhin. Sa halip, sinabi ni Pangulong Smith na may gusto siyang ipakilala sa akin—isang dalagang katatapos lang ng kanyang misyon at kauuwi pa lang sa ibang panig ng Russia ngunit darating para sa kumperensya.

Hindi ko pa nakita noon si Katya, ngunit pagdating ko sa kumperensya, nagpakilala ako sa kanya, at nagkausap kami nang ilang minuto. Kinagabihan isinayaw ko si Katya. Kinabukasan isinayaw ko siyang muli.

Katya: Sa aking paglaki, wala akong gaanong kilalang binatang maytaglay ng priesthood, pero lagi akong umaasa na ilalaan ng Panginoon ang karapat-dapat na binatang mapapangasawa ko. Hindi ko alam kung kailan o paano kami magkakakilala, pero nagtiwala ako sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako.

Pagkatapos ng misyon ko, pinagtsaperon ako sa isang kumperensya ng mga kabataan. Nang makita ko si Vitaly sa kumperensya, agad akong naging interesadong makilala siya. Masaya kaming nagkasama sa di-malilimutang tatlong araw na iyon ng kumperensya.

Sa simula pa lang ay malakas na ang kutob ko na si Vitaly ang lalaking mapapangasawa ko. Siyempre, hindi lahat ay mararanasan ang ganitong damdamin sa simula ng pagliligawan. Kaya paano natin malalaman na tinatahak natin ang tamang direksyon? Natutuhan ko sa aking misyon na pakinggan ang Espiritu at sundin ang Kanyang patnubay nang walang anumang pag-aalinlangan. Kaya’t nang makaramdam ako ng mga pahiwatig na kailangan kong makilala si Vitaly, nagpasiya akong sundin ito.

Alam kong gagabayan tayong lahat ng Espiritu kung hahangarin natin ang Kanyang patnubay. Mahalagang huwag nating ihambing ang ating landas sa tinatahak ng iba—maaaring hindi magkakapareho ang paggabay sa atin ng Espiritu—ngunit kung sinusunod natin ang Espiritu, maaari tayong magtiwala na tama ang ating nilalandas.

Pagdaig sa mga Hadlang

Vitaly: Sa tatlong araw na iyon, napagtanto ko na natagpuan ko na ang isang espesyal na tao. Nalungkot ako nang matapos ang kumperensya at kinailangan na kaming maghiwalay ni Katya. Pero, mabuti na lang, nagkaroon ng young single adult conference nang sumunod na buwan. Kaagad kong inasam ang pagsapit nito.

Napakaganda ng kumperensyang iyon tulad ng inasahan ko. Talagang nag-ukol kami ng panahon ni Katya na kilalanin ang isa’t isa. Pagkatapos ng pagtitipon, nagpalitan kami ng numero ng telepono at nagbalik na sa kani-kanya naming lungsod.

Nang sumunod na mga linggo madalas kaming nagtawagan sa telepono at nag-text sa isa’t isa. (Palagay ko wala pang isang buwan ay natuto na akong mag-text sa cell phone ko nang mas mabilis kaysa pagta-type ng karamihan sa laptop!)

Nakatira si Katya sa Yekaterinburg, na 11 oras ang biyahe sa tren mula sa tirahan ko sa Omsk, Siberia. Gayunman, kapwa kami desperadong magkitang muli. Nagsimula kaming magbiyahe nang regular tuwing Sabado’t Linggo. Pupunta ako para makita siya sa isang linggo, at pagkaraan ng ilang linggo, siya naman ang pupunta para dalawin ako. Nang bisitahin ko si Katya, nakituloy ako sa mga kababayan niyang kapwa namin kaibigan, at nang bisitahin niya ako, nakituloy naman siya sa mga kababayan kong kapwa namin kaibigan. Madalas naming kasama ang mga kaibigang ito sa simbahan kapag nagkikita kami.

Katya: Parang mahabang biyahe ang labing-isang oras, pero sa Russia, sandaling paglalakad lang iyon! Dahil sa layo, hindi nasunod ang gusto namin na madalas kaming makapagdeyt. Minsan lang kami magkasama sa loob ng ilang linggo at dalawa o tatlong araw kaming magkasama bago umuwi ang isa sa amin. Kadalasan, parang higit pa roon ang kailangan naming oras, at laging mahirap maghiwalay. Pero dahil kailangan naming gawin iyon para magkita kami, pinasalamatan namin ang bawat minuto na magkasama kami. Habang lumalalim ang aming relasyon, inasam namin ang panahon na hindi na kami magpapaalam sa isa’t isa.

Nakakatuwa at iba’t ibang klase ang mga deyt namin: nagbisikleta kami at nangabayo, dumalaw sa mga museo, nagbasa ng mga banal na kasulatan, nagluto, namasyal sa mga parke (nagsayaw pa nga kami sa isa sa mga ito), at nagpunta sa isang bahay-ampunan para magsilbi at makipaglaro sa mga bata.

Tuwing magkikita kami, may bago kaming ginagawa kaya masayang-masaya kami. Nagpapasalamat ako sa mga naisip gawin ni Vitaly sa pagpaplano ng mga deyt namin. Ang mga aktibidad upang pinlano niya ay talagang nakatulong na makilala namin ang isa’t isa.

Vitaly: Dahil estudyante ako, hindi ko kaya ang maraming nakalilibang na bagay. Halos lahat ng pera ko ay ginastos ko sa pagbibiyahe para makita si Katya at sa pagbabayad ng telepono. Pero ang limitadong badyet ay hindi naging dahilan para hindi maging kawili-wili o kapaki-pakinabang ang deyt namin. Katunayan, ang ilan sa pinakamagagandang deyt namin ay walang gastos ni singko.

Katawa-tawa sigurong marinig, pero gusto kong makita ang gagawin ni Katya kapag may mga bata, kaya nagpunta kami sa bahay-ampunan. Ganoon ang nangyari sa karamihan sa mga deyt namin; talagang sinikap naming malaman pa ang tungkol sa isa’t isa hangga’t maaari.

Pamumuhay sa Paraan ng Panginoon

Vitaly: Sa Russia, tulad sa maraming lugar, ugali na ng mga tao na magsama muna bago ikasal. Matapos kong alukin ng kasal si Katya, tinanong ako ng ilan sa mga kaibigan ko kung paano ko siya posibleng pakasalan samantalang hindi ko pa alam kung bagay nga kami sa isa’t isa. Nagpaliwanag sila, tulad din ng ginawa ng marami kay Katya, na ang tanging paraan para malaman kung siya na nga ang babaing para sa akin ay ang magsama kami nang matagal na panahon.

Sinabi ko sa kanila na hindi kailangang makasama sa isang bahay ang isang tao para makilala ito. Sinikap ko ring ipaliwanag sa mga kaibigan ko sa paraang mauunawaan nila na nagdasal ako at nakatanggap ng sagot na dapat kong pakasalan si Katya. Dahil ipinagdasal ko ang aking desisyon, wala akong pangamba tungkol sa pag-aasawa. Sabik na ako at pakiramdam ko’y magsisimula ako ng bagong buhay. Walang sinumang sumalungat o bumatikos sa paninindigan kong ito. Sa katunayan, sinuportahan nila ako sa aking desisyon.

Katya: Nang alukin ako ng kasal ni Vitaly, sinubukan akong kausapin ng mga magulang ko na huwag munang magpakasal. Inakala nila na napakaaga pa para magpakasal kami at kailangan ko pang makilala nang husto si Vitaly. Ganoon din ang sabi ng amo ko sa trabaho at dagdag pa niya, “Kailangang magsama kayo nang matagal bago ka gumawa ng ganyang desisyon.”

Nalulungkot ako na ganoon ang nadarama ng mga tao tungkol sa kasal at pamilya. Hindi siguro nila nauunawaan kung gaano ang magiging kaligayahan ng mga magkasintahan kapag ikinasal sila at nabuklod sa templo. Ang matinding pagmamahal at kaligayahan na nadama namin ni Vitaly sa aming kasal ay lalo pang pinatibay ng kaalaman na ibinuklod kami sa kawalang-hanggan.

Vitaly: Ikinasal kami ni Katya sa Omsk noong Pebrero 25, 2006. (Ayon sa batas ng Russia kailangan muna ang kasal na sibil bago ang pagbubuklod sa templo, tulad din sa maraming bansa.) Kinaumagahan tumulak na kami papunta sa Stockholm Sweden Temple. Sumakay kami ng eroplano sa Omsk at lumipad nang tatlong oras papuntang Moscow, kung saan maghapon kami roon. Pagkatapos ay magdamag kaming bumiyahe sakay ng tren papunta sa Saint Petersburg. Nang makarating doon sumakay kami ng bus kasabay ang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw at nagbiyahe nang walong oras papunta sa Helsinki, Finland. Ang huli ay pagbiyahe sa barko nang 11-oras papunta sa Stockholm.

Sa wakas, nakarating kami sa templo.

Para sa ilan, ang gayon kalayong biyahe ay parang isang hamon, ngunit sa maraming paraan, ang aming biyahe patawid ng Europa ay naging napakagandang pulot-gata o honeymoon.

Ang araw ng aming pagbubuklod, Marso 1, 2006, ay isang magandang araw—araw ng kapayapaan at katiyakan. Alam ko na ang taong hawak ko sa kamay ang makakasama ko sa walang hanggan. Maisip ko lamang ito ay napupuspos na ako ng malaking kagalakan at pasasalamat sa Ama sa Langit dahil ipinagkatiwala Niya sa akin ang Kanyang anak para maging aking kabiyak. Higit kailanman ay lalo akong napalapit sa Kanya.

Paghangad ng mga Katangiang Tulad ng kay Cristo

Katya: Kami ngayon ni Vitaly ay may isang maliit na anak na babae. Nakakatuwa siya. Gusto kong makasal siya sa templo balang-araw, at ang pinakamainam na suportang maibibigay namin sa kanya ay ang maging mapagmahal na mga kasama at mga magulang.

Umaasa ako na makakakita siya ng isang karapat-dapat na mayhawak ng priesthood na nagtataglay ng maraming katangiang tulad ng kay Cristo. Nakatulong ang mga gayong katangian na nakita ko kay Vitaly para malaman na maaari akong magpakasal sa kanya.

Ano ba ang nakaakit sa akin kay Vitaly? Siyempre, siya ay guwapo at matalino, at alam niya kung paano ligawan ang isang babae. Ngunit hindi ito ang mga pangunahing kailangan. Mayroon siya ng tinatawag kong “mga mata ng isang disipulo ni Cristo.” Nadama ko ang liwanag na nasa kanya. Siya ay isang matwid na mayhawak ng priesthood.

Vitaly: Siyempre, magandang mapangasawa ang isang taong kaakit-akit sa iyo. Pero kapag nakatuon lamang tayo sa pisikal na mga katangian, tiyak na malilimutan natin ang pinakamahahalagang katangian—pagkatao, espirituwalidad, at iba pang mga katangian na talagang mahalaga para sa walang hanggang pagsasama ng mag-asawa.

Natanto ko na maaaring isang hamon para sa ilang young adult na makahanap ng mapapangasawa sa Simbahan dahil sa iilan lamang ang mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang lugar. Alam ko ang katayuan nila. Gayunman, alam ko na anuman ang ating kalagayan, kung gagawin natin ang ating bahagi at ihahanda ang ating sarili na mabuklod sa templo, ang Ama sa Langit ang magtuturo ng daan.

Kaliwa: Ang mga Shmakov sa araw ng kanilang pagbubuklod noong 2006; ang biyahe nila papuntang Stockholm Sweden Temple ay umabot ng mga 30 oras.

Kanan: Ngayon, ang mga Shmakov ay may maliit na anak na babae. Sabi ni Katya, “Gusto kong makasal siya sa templo balang-araw, at ang pinakamainam na suportang maibibigay namin sa kanya ay ang maging mapagmahal na mga kasama at mga magulang.”

Mga retrato ng pamilya sa kagandahang-loob ng pamilya Shmakov