2010
Talento ni Taylor
Abril 2010


Talento ni Taylor

Heather Hall, Utah, USA

Masasabi mo ba sa akin kung ano ang mga talento ni Taylor na maibabahagi ko sa klase?” tanong sa akin ng titser sa Primary ng walong-taong-gulang kong anak. Tinawagan niya ako dahil pag-uusapan sa klase ni Taylor ang tungkol sa mga talentong natanggap nila mula sa Ama sa Langit.

Nablangko ang isipan ko. Ginunita ko ang nakaraang walong taon, habang sinisikap kong makahanap ng sagot. Sa edad na apat na araw na-stroke si Taylor at naapektuhan nang malubha ang utak niya at hindi niya makontrol ang panginginig. Hindi siya makakita, makapagsalita, o makausap. Hindi siya lumampas kahit kailan sa lebel ng pag-iisip ng anim-na-buwang bata. Karaniwan ay nakaupo lang siya sa wheelchair habang inaalagaan namin siya at sinisikap na bigyang-ginhawa.

Nagbunyi kami nang matuto siyang humagikgik o uminom mula sa isang espesyal na tasa, at nagdiwang kami nang makatayo na siya at makahakbang. Ngunit kahit mukhang nagbubunyi kami at nagdiriwang, umiiyak kami sa aming kalooban dahil alam naming ang munting tagumpay na ito ay kasinghalaga siguro ng anumang magagawa ni Taylor. Kahit paano hindi ko inisip na ito ang gustong marinig ng titser niya sa Primary.

Tumikhim ako at naaasiwang sumagot, “Talagang wala akong maisip na anumang talento ni Taylor.”

Binago ng sagot ng mabait na sister na ito ang kaugnayan ko sa aking anak magpakailanman.

“Habang pinag-iisipan ko ang aral na ito, natanto ko na bawat anak ng Diyos ay may talento,” wika niya. “Masasabi ko na ang talento ni Taylor ay ang pagtuturo niya sa iba na maglingkod. Kung OK iyan sa inyo, gusto kong pag-usapan namin sa klase kung paano ko napansin ang talento ni Taylor dito sa simbahan. Nakita kong natuto ang ibang batang Primary na itulak ang kanyang wheelchair, buksan ang pinto para sa kanya, at daigin ang takot nilang punasan ng panyo ang kanyang baba kapag kailangan. Palagay ko malaking talento niya iyan na nagpapala sa ating buhay.”

Pabulong akong sumang-ayon, at nagpaalam kami sa isa’t isa. Alam kaya ng titser na iyon sa Primary na napakalaki ng magiging epekto ng pag-uusap na iyon sa buhay ko. Gayon pa rin si Taylor. Kailangan pa rin siyang alagaan nang husto. Malaking bahagi pa rin ng buhay ko ang mga ospital, doktor, at therapist. Ngunit nagbago ang pananaw ko, at napansin ko ang kanyang talento.

Nakita ko kung paano nagbago ang ugali ng mga tao sa aming paligid sa hangarin nilang alagaan siya. Napansin ko rin kung paano niya kami pinaaalalahanan na maghinay-hinay, pansinin ang kanyang mga pangangailangan, at maging mas mahabagin, mapagmasid, at matiyaga.

Hindi ko alam ang layunin ng Diyos sa pagtutulot na maharap si Taylor sa napakahihirap na hamon, ngunit naniniwala ako na dahil sa kanyang titser sa Primary ay nakita ko ito. Narito siya upang ibahagi sa amin ang kanyang talento. Narito siya upang bigyan tayo ng pagkakataong matuto kung paano maglingkod.

“Nakita kong natuto ang ibang bata na itulak ang wheelchair ni Taylor, buksan ang pinto para sa kanya, at daigin ang takot nila,” sabi sa akin ng titser ng anak ko sa Primary.