Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol
Paano Ko Madaraig ang Takot at Kawalang Katiyakan?
Hayaang pumawi sa lahat ng inyong takot ang kaalaman tungkol sa kung sino kayo talaga at kung sino ang nasa inyong panig.
Mula sa isang mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University–Idaho na ibinigay noong Abril 8, 2021.
Isang buwan bago ang aking ika-19 na kaarawan nang dumating ako sa bahay na puno ng pananabik. May sobre kung saan nakasulat ang pangalan ko mula sa headquarters ng Simbahan na naghihintay na mabuksan.
Tumalon ang puso ko sa pagkasabik at pagkabalisa nang mabasa ko ang “Ikaw ay itinalaga sa Japan Fukuoka Mission.” Bumalik ako sa trabaho at sinabi ang magandang balita. Pupunta ako sa Japan.
“Anong misyon?”
Sasabihin ko na sana ang Tokyo. Sasabihin ko na rin sana ang Osaka, pero hindi ko matandaan ang pangalan ng misyon, at nang maalala ko ito, hindi ko alam kung paano ito sabihin.
Sa mga sumunod na linggo ay nahirapan ako nang ibahagi ko ang magandang balita sa mga kaibigan at pamilya. Sinubukan ng isang kaibigan ng pamilya na kakabalik lang mula sa kanyang misyon sa Japan na tulungan akong isaulo ang isang maikling patotoo sa wikang Hapon, ngunit hindi ko ito magawa.
Ang pagkasabik ko para sa paglilingkod bilang isang missionary ay nahaluan na ngayon ng pagkabalisa sa pag-aaral ng mahirap na wikang Hapon. Sa isip ko, ang balakid ay nagiging napakalaki. Ang aking pagkabalisa ay naging takot na nakakaparalisa na lagi kong kasama.
Tila ang takot na ito ay sumama sa akin sa Brigham Young University—Hawaii campus, kung saan matatagpuan ang Missionary Training Center (MTC) para sa mga wikang Asyano. Ang aking takot ay naging isang hadlang. Napakalaki nito na halos nadaig ako.
Gumigising ako ng alas-4:00 ng umaga para subukang magdagdag ng mga oras ng pag-aaral bago ang regular na oras ng paggising ng 6:00 n.u. Sinimulan ng kaaway na gamitin ang isa sa kanyang mga napakahusay na kasangkapan sa akin—ang paghahambing. Ang iba ay natututo ng wikang Hapon, at ako ay nahuhuli sa pag-aaral. Nakadama ako ng kakulangan.
Ang takot ay isang bagay na taglay nating lahat. Hayaan ninyo akong ipakilala ang dalawang partikular na takot na hinaharap nating lahat sa magkakaibang antas, na nasasaisip ang tungkol sa ilang lunas na maaaring makatulong: pananampalataya at pag-asa.
Takot na Matanggihan
Ang takot na matanggihan ay maaaring maging labis na nakakaparalisa na pumipigil ito sa atin na gumawa ng matapang na mga kilos na kinakailangan upang magtagumpay. Lahat tayo ay napapailalim sa takot na nauugnay sa pagtanggi o pagkabigo.
Tandaan, hindi ito ang tutukoy ng kung sino ka. Sikaping mapagtagumpayan ang likas na gravity na dulot ng takot sa kabiguan o pagtanggi. Pinipigilan ka nitong magpatuloy sa paghahanap ng mga pagkakataon. “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang” (Marcos 5:36).
2. Takot sa Pag-aasawa at Pamilya
Nauunawaan ni Satanas na ang pamilya ang sentro ng plano ng kaligayahan ng Panginoon. Sinisikap niyang ihasik ang maiitim na binhi ng takot sa inyong puso, anumang bagay para hadlangan kayong maranasan ang pinakamaluwalhati at makabuluhang bahagi ng mortalidad, ang maningning na kabanalan at kaligayahang nagmumula sa paghahanap ng makakatuwang sa walang-hanggan at pagdadala ng mga anak ng Ama sa Langit sa mundong ito.
Maging maalalahanin at manalangin. Sumangguni sa Panginoon at sa iba pang pinagkakatiwalaan ninyo na may pananaw din na batay sa ebanghelyo, at huwag humingi ng payo mula sa inyong takot.
3. Takot na Tumayo
Mahalaga man na humanap ng magkakatulad na paniniwala, mahalaga ring ibahagi ang mga katotohanan ng ebanghelyo na natatangi sa Simbahan ni Jesucristo. Sinisikap kong gawin ang dalawang bagay na iyon. Isipin ang mga natatanging katotohanan na maaari nating patotohanan:
-
Nagpakita ang Diyos Ama at si Jesucristo kay Joseph Smith nang eksaktong paraan na sinabi niya.
-
May isang buhay na propeta sa mundo ngayon.
-
Ang awtoridad ng priesthood na ginamit ni Cristo sa pagtatatag ng Kanyang Simbahan sa Bagong Tipan ay naibalik na sa mga huling araw na ito.
-
Ang mga inilaang templo ay bahay ng Panginoon. Ang mga sagradong tipan ay ginagawa roon. Ang mga banal na ordenansa para sa mga buhay at patay ay isinasagawa doon.
-
Ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos.
-
Ang Diyos Ama, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay totoo.
-
Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos.
Ang Gamot sa Takot
Hayaan ninyong balikan ko ang panahon ko sa MTC sa Hawaii. Naaalala ko na matapos ang halos kalahati ng panahon ko sa MTC, may nagbago. Naaalala ko na inaayos ko ang oras ng pag-aaral ko tuwing umaga para magkaroon ako ng mas maraming oras sa pagbabasa at pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa halip na mag-aral lamang ng wikang Hapon.
Alam kong ang assignment ko sa misyon ay mula sa Panginoon, kaya nagpasiya akong gawin ang lahat ng makakaya ko at ipaubaya ang aking sarili sa mga kamay ng Panginoon.
Hindi na ako nag-aalala kung gaano kahusay ang ginagawa ng iba. Nagtakda ako ng mga layunin para sa aking sarili. At sinimulan kong makamit ang mga ito.
Nawala ang takot at kawalang-katiyakan. Ang pananampalataya at pag-asa ay lumago. Nagresulta ito sa pag-aaral ng Hapon na may malaking pagnanais at malaking kasiyahan. Sa huli, ginugol ko ang siyam na taon ng aking buhay sa Japan, na lubos kong pinasasalamatan.
Habang nagsusumikap tayong sumulong nang may pananampalataya at pag-asa, magkakaroon ng mga kabiguan. Makararanas kayo ng ilang gasgas at sugat. Magkakaroon ng suliranin sa daan. Ngunit kayo ay mga anak ng Diyos. Dahil dito, mayroon kayo ng isang hindi mauubusan na banal na mapagkukunan ng lakas na mag-aalab sa kalooban ninyo.
“Sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig at ng pagpipigil sa sarili” (2 Timoteo 1:7).
“Kaya nga, magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo” {Doktrina at mga Tipan 68:6).
Ang pangako ng Panginoon sa atin ay tiyak: “Siya na nagtitiis [nang may] pananampalataya at ginagawa ang aking kalooban, ang siya ring mananaig” (Doktrina at mga Tipan 63:20).
Palaging may pag-asa. Hayaang pumawi sa lahat ng inyong takot ang kaalaman tungkol sa kung sino kayo talaga at kung sino ang nasa inyong panig.