Kaligayahan sa Pamamagitan ng Paglilingkod sa Iba
Umasa sa Panginoon para magkaroon ng kagalakan sa iyong sarili, at matulungan din ang iba na madama ito.
Kung minsan kapag nababalisa o nalulumbay tayo, maaaring madama natin na wala tayong lakas—o kahit na hangarin—na tumulong at maglingkod. Pero mapagpapala tayo ng Panginoon kapag nagsisikap tayo. Narito ang tatlong ideya.
1. Umasa sa Panginoon, Ibahagi ang Natututuhan Mo
Matapos magbalik-loob ang mga anak ni Mosias sa Panginoon, naging mahuhusay na missionary sila, pero hindi sila laging nagtatagumpay. Hindi nakapagtataka na pinanghinaan sila ng loob. Pinanatag sila ng Panginoon, sinasabing, “Batahin nang buong pagtitiyaga ang inyong mga paghihirap, at ipagkakaloob sa inyo ang tagumpay” (Alma 26:27).
Kailan ka pinanatag ng Panginoon? Ibahagi ang iyong karanasan sa isang tao na maaaring nangangailangan ng panghihikayat.
2. Magkaroon ng Layunin sa Pagpunta sa Templo
Kapag kailangan natin ng katatagan ng damdamin, ang pagpunta sa templo ay makatutulong sa atin na makadama ng kapayapaan. Matapos magkawasak-wasak ang lupain at mabalot ng kadiliman kasunod ng Pagpapako kay Cristo sa Krus, nagtipon ang mga Nephita sa paligid ng templo. Matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, nagpakita si Jesus at naglingkod sa kanila (tingnan sa 3 Nephi 11:1–15).
Isipin ang anumang espesyal na karanasan mo sa templo, malapit sa templo, o sa narinig mo tungkol sa templo. Tuwing naglilingkod ka sa templo o gumagawa ng family history, naglilingkod ka tulad ng pamumuhay at pagtuturo noon ni Jesus. Inilalapit mo sa Kanya ang mga tao nang paisa-isa.
3. Gamitin ang Iyong mga Talento sa Paglilingkod
Nang malaman ni Jesus na pinaslang ang Kanyang pinsang si Juan Bautista, Siya ay “umalis … tungo sa isang ilang na lugar na wala siyang kasama” (Mateo 14:13). Ngunit nang makita Niya ang isang malaking grupo ng mga tao na sumunod sa Kanya, ipinagpatuloy Niya ang Kanyang ministeryo, pinagaling ang maysakit at mahimalang pinakain ang libu-libo sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga tinapay at isda (tingnan sa Mateo 14:14–21).
Binigyan tayo ng Panginoon ng mga kaloob na tutulong na mapagpala ang iba (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:11, 26). Mag-isip ng isang bagay na gusto mong gawin, at gawin itong isang paraan ng paglilingkod. Maaari ang kahit ano, mula sa pagbe-bake para sa isang tao hanggang sa pagtulong na maglakad kasama ang kanilang aso!