Maghanap ng Kagalakan
Maghanap ng kahit isang masayang sandali bawat araw, at makikita mo ang mga pagpapala ng Diyos.
Kung minsan mahirap maging masaya. Kung naranasan mo nang malungkot 24/7, OK lang iyon at normal lang na makaranas ng tuwa at lumbay. Sa katunayan, ganoon talaga ang buhay!
Natutuhan natin sa 2 Nephi 2:25, “Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.” Napakagandang pahayag! Malaking bahagi ng pagiging narito natin sa mundo ay ang pagkakaroon ng kagalakan. Pero paano natin gagawin iyan sa malulungkot na araw?
Araw-araw na Masayang Sandali
May mga araw na mas masaya at mas kapana-panabik kaysa iba, pero makakahanap ka ng masasayang sandali anumang araw. Ganito ang sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Bihira tayong makahanap ng isang bagay na hindi natin hinahanap.
“Naghahanap ba kayo ng kagalakan?
“Humanap kayo, at kayo ay makakatagpo”
Ang isang bagay na tumutulong sa akin na maghanap ng kagalakan—lalo na sa mahihirap na araw o linggo—ay ang makakita ng masayang sandali bawat araw.
Ang mga sandaling ito ay hindi kailangang maging malaki, nagpapabago sa buhay, o kamangha-mangha. Ang mga ito ay maaaring mga bagay na tulad ng pagtanggap ng magandang text mula sa isang kaibigan, pagpansin sa matitingkad na kulay sa papalubog na araw, pagbabasa ng isang talata sa banal na kasulatan na sa pakiramdam ko ay para lamang sa akin, o pagkain ng paborito kong miryenda!
Kapag sinasadya kong hanapin at kilalanin ang kahit isang “masayang sandali” bawat araw, nakakatulong ito sa akin na makadama ng higit na kagalakan at makita ang maraming pagpapalang ibinibigay sa akin ng Diyos, malaki man o maliit.
Isiping subukang maghanap ng isang masayang sandali bawat araw. Gumawa ng listahan para masubaybayan ang mga ito. Habang nadaragdagan ang nasa listahan mo, gayundin ang kagalakan mo!