Protektahan ang Iyong Templo
Ang iyong katawan ay sagrado. Narito ang ilang bagay na dapat isaalang-alang habang sinisikap mong tratuhin ito sa ganyang paraan.
Mga larawang-guhit ni Toby Newsome
Itinuro sa iyo na ang iyong katawan ay sagradong kaloob mula sa Diyos—tulad ng templo (tingnan sa 1 Corinto 6:19). Ipinayo sa iyo: “Gumawa ng mga bagay na magpapalakas sa iyong katawan—na hindi makakasakit o makapipinsala rito” (Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili [2022], 25).
OK. Kaya, ano ang ibig sabihin niyan para sa iyo sa araw-araw?
Siyempre, magdarasal, magninilay-nilay, at humingi ka ng payo sa mga magulang at sa iba para masagot mo mismo ang tanong na iyan. Pero habang ginagawa mo ito, narito ang ilang bagay na dapat isaalang-alang. Oo, maaaring narinig mo na ito mula sa mga magulang, lider ng Simbahan, eksperto sa kalusugan, at iba pa. Pero ang mga taong ito ay talagang nagmamalasakit sa iyo at nais nila na maging masaya ka. At may malasakit nilang pinag-iisipan ang mga bagay na ito na may kinalaman sa pagtrato ng mga kabataan sa kanilang katawan.
Kakulangan sa Pagtulog
Ipinayo ng Panginoon, “Magpahinga sa inyong higaan nang maaga, upang kayo ay hindi mapagal; gumising nang maaga, upang ang inyong mga katawan at inyong mga isip ay mabigyang-lakas” (Doktrina at mga Tipan 88:124). Ayon sa mga eksperto, 8–10 oras ng pagtulog ang kailangan ng mga kabataan bawat gabi. Baka iniisip mo, “Oo, maganda iyan kung posible.” Pero subukan mo nang subukan. Hindi ka magsisisi. Bagama’t maaaring hindi mo makontrol ang ilang bagay tulad ng paaralan, magpokus lang sa kung ano ang kaya mong kontrolin. Halimbawa, limitahan ang oras sa paggamit ng device, lalo na sa gabi. Huwag dalhin ang iyong device sa silid-tulugan sa gabi.
Hindi pagkain ng almusal
Kumain ng almusal. Pasasalamatan ka ng katawan at utak mo. Seryoso iyan. Napakaraming tinedyer ang hindi nag-aalmusal. Dahil dito nagiging matamlay sila at nawawalan ng pokus. Mag-ukol ng oras na makakain ng—kahit ano—sa almusal para mabigyan ka ng sustansya. Anuman ang mayroon ka—tinapay, keso, kanin, prutas, cereal, itlog, yogurt, katogo—kumain ka lang.
Wala ni kaunting ehersisyo
Bumangon. Maglibut-libot sa paligid. Ganyan lang kasimple. Pero hindi ito ginagawa ng napakaraming kabataan. Ang paggawa ng ilang uri ng pisikal na aktibidad araw-araw ay makakatulong sa iyo na maiwasan ang napakaraming problema sa kalusugan ngayon at kalaunan. At mas magiging maganda ang pakiramdam mo. Hindi kailangang maging kumplikado o organisado ito. Maglakad-lakad sa labas. Sumayaw nang mag-isa sa iyong silid. Kahit na ano. Basta gumalaw-galaw lang.
Matinding Aktibidad
May tinatawag na pagmamalabis sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ang kasabihang “kung walang hirap o sakit, walang makakamit” ay may limitasyon. Ang ilang uri ng sakit ay isang palatandaan na kailangan mo nang tumigil. May mga kabataan na masyadong pinapagod ang katawan sa paglalaro ng sports, ehersisyo, o iba pang mga pisikal na aktibidad at pinipinsala ang kanilang katawan. (Kung minsan ang mga adult pa ang nagtutulak sa kanila na gawin iyon.) Maging malusog, at bigyang-pansin ang mga senyales na ibinibigay sa iyo ng iyong katawan.
Sexting [Pagpapadala ng mahalay na mga mensahe o larawan]
Itinuro ng Panginoon na ang sadyang pagpukaw sa mahalay na kaisipan ay mali (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 63:16). Huwag kumuha ng mga larawan ng iyong sarili na walang damit (o sumulat ng mga mensahe na may seksuwal na nilalaman) at ipadala ang mga ito sa mga tao sa pamamagitan ng isang messaging app. Ang sinumang nagpapadala sa iyo ng mga ganoong bagay o humihiling sa iyo na ipadala ang mga ito ay hindi maituturing na kaibigan. Kapag nagsimulang humantong sa ganitong direksyon ang anumang relasyon o pag-uusap, iyan ay tanda ng nagbabantang PANGANIB! Masama ang sexting. Nakakawala ito ng dignidad. Pagtatrato ito nang walang respeto sa katawan ng mga tao. Maliban pa riyan, hindi mo alam kung saan makakarating ang digital na imaheng iyan sa sandaling ipadala mo ito.
Vaping
Ipinagbawal ng Panginoon ang ilang sangkap, tulad ng tabako (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89:8). Ang nikotina (isang droga sa tabako) ay lubhang nakalululong. (Sinabi ng ilang tao na tumigil sa paggamit ng droga na mas mahirap tumigil sa paninigarilyo kaysa tumigil sa paggamit ng droga.) Ang mga vape na ginagamit sa e-cigarette ay karaniwang may nikotina. At kahit wala ng ganoong sangkap ang mga ito, may iba pang mga nakapipinsalang kemikal na inilalagay rito. (Isa pa, nabalitaan mo ba na kung minsan ay sumasabog ang mga baterya sa e-cigarette? Isa pa itong dahilan para iwasan iyan.)
Mga Walang Saysay na Hamon na Gawin ang Isang Bagay Online
Kapag ang pinakabagong hamon ay laganap sa buong social media, hindi mo kailangang gawin ito. Ang ilan sa mga ito ay mapanganib sa katawan. Ang iba ay nakapipinsala sa ari-arian ng ibang tao. Halos lahat ng mga ito ay malinaw na kahibangan lamang, at hindi ka mangmang para magpalinlang. Oo, matutuwa ka riyan. Pero maging matalino. Tulad ng sinabi ng propetang si Jacob, “O maging marunong; ano pa ang masasabi ko?“ (Jacob 6:12).