Wala akong anumang maramdaman habang nananalangin ako. Paano ko gagawing mas makabuluhan ang aking mga panalangin?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hun. 2022.
Mga Tanong at mga Sagot
Wala akong anumang maramdaman habang nananalangin ako. Paano ko gagawing mas makabuluhan ang aking mga panalangin?”
Maging Mapagpakumbaba, Mapagpasalamat, at Tapat
“Ang panalangin ay sagrado. Ang makabuluhang panalangin ay mapagpakumbaba. Sa halip na humingi lamang sa Diyos ng mga bagay-bagay, sinasabi ko sa Kanya kung ano ang ipinagpapasalamat ko. Tulad ng itinuro ni Moroni, sinisikap kong manalangin nang may pananampalataya, nang may matapat na puso at may tunay na layunin (tingnan sa Moroni 10:4). Ang mga panalanging iyon ay talagang nakatutulong sa akin na madama ang isang bagay na malalim at malawak.”
Angbo K., 20, Côte d’Ivoire
Idagdag ang Salitang Dahil
“Gusto kong ginagamit ang salitang dahil sa aking mga panalangin. Kapag idinagdag mo ang dahil, ipinapaliwanag mo sa Ama sa Langit kung bakit ka nagdarasal. Halimbawa: ‘Tulungan sana ninyo ang aking kaibigan o kapamilya na gumaling dahil mahal ko sila.’ Talagang nakatutulong ito para maging mas makabuluhan at personal ang aking mga panalangin.”
Eliza G., 17, Maryland, USA
Ang Panalangin ay Nag-aanyaya sa Espiritu Santo
“Patuloy na manalangin araw-araw. Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang maging mas sensitibo sa Espiritu Santo. Marami ka ring matututuhan tungkol sa Espiritu Santo at panalangin sa Gospel Library app—na talagang makatutulong!”
Elena J., 13, Guatemala
Magdahan-dahan
“Kung minsan nagdarasal tayo para lamang gawin ito. Ang sinasabi lang natin ay ang naririnig nating ipinagdarasal ng ibang tao, at hindi natin talagang sinasabi kung ano ang nasa ating puso. Ang panalangin ay pagkakataon para makipag-usap sa Diyos. Huwag itong madaliin. Mag-ukol ng oras para ibuhos ang nasa puso mo.”
Marseilles O., 15, Tonga
Magpasalamat sa Kanya at Humingi ng Tulong
“Ang panalangin ay pakikipag-usap sa Ama sa Langit, kaya kausapin Siya! Maaari mo Siyang pasalamatan para sa isang bagay na nagpasaya sa iyo. Maaari kang humingi ng tulong sa Diyos. Kapag naaalala ko na kilala at mahal ako ng Ama sa Langit, mahirap tumigil sa pagdarasal. Batid na nagdusa nang labis ang Tagapagligtas para sa akin, ang pinakamaliit na magagawa ko ay mag-alay ng taos-pusong panalangin.”
Ingrid R., 15, Brazil
Isipin at Pagnilayan ang Iyong mga Panalangin
“Bagama’t maaari kang manalangin kahit saan anumang oras, dapat ay nasa tamang kaisipan ka. Kailangan mong manalangin nang may tunay na layunin upang madama ang Kanyang Espiritu. Isipin at pagnilayan ang iyong mga salita habang nagdarasal ka. Bawat panalangin ay dapat na natatangi at naiiba.”
Elyssa T., 15, Missouri, USA
Iwasan ang mga Panggagambala
“Sikaping magtuon lamang sa panalangin at wala nang iba habang nagdarasal ka. Kailangan nating maunawaan na ang panalangin ay isang kaloob dahil nakikipag-usap tayo sa ating Ama sa Langit. Maaalala natin ang mga pagpapalang ibinigay Niya sa atin.”
Rebecca J., 14, India
Magkaroon ng Makabuluhang Pakikipag-usap
“Gusto kong isipin na ang aking panalangin ay aktuwal na pakikipag-usap sa Ama sa Langit. Masaya ako kapag nagdarasal ako sa ganitong paraan, tulad ng pakiramdam ko matapos ang magandang pakikipag-usap sa isang kaibigan. Natuklasan ko rin na ang pagpunta sa pribadong lugar at pagdarasal nang malakas ay nakatutulong sa akin na mas magtuon sa panalangin para magawa ko ito nang mas makabuluhan.”
Dot V., 12, North Carolina, USA