“Magkasama at Walang Takot,” Para sa Lakas ng mga Kabataan Hunyo 2022.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ruth 1–4
Magkasama at Walang Takot
Walang gaanong pag-aari sina Noemi at Ruth. Pero kasama nila ang isa’t isa at nanampalataya sila sa Diyos.
Mga larawang-guhit ni Katy Dockrill
Mabilis at malaki ang pagbabago ng kanyang buhay. Si Noemi, na isang mabuting babaeng Israelita sa Lumang Tipan, ay hindi lamang namatayan ng asawa kundi pati na rin ng dalawang anak na lalaki (tingnan sa Ruth 1:2–5).
Dahil sa panahon at lugar na tinitirhan niya, ito ay nangahulugan ng malaking problema ukol sa pera para sa kanya. Sa kultura at panahong iyon, mahirap para sa isang babae na kumita ng pera nang mag-isa. Kung mamatay ang asawa ng isang babae, dapat alagaan siya ng kanyang mga anak.
Pero nang mamatay rin sila, wala nang sumuporta kay Noemi, na nakatira sa lugar na malayo sa kanyang tahanan at sa kanyang mga kababayan. Kaya nagsimula siyang maglakbay papuntang Israel kasama ang kanyang mga manugang na babae.
Gayunman, iniisip ang kapakanan ng kanyang mga manugang, sinabi sa kanila ni Noemi na dapat silang bumalik sa Moab para mapangalagaan sila ng kanilang mga pamilya.
Pero mahal nila ang kanilang biyenan. Sagot nila, “Hindi, kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan” (Ruth 1:9–10). Gusto nilang manatiling kasama ni Noemi.
Sa kabila ng kanilang mga protesta, hinikayat silang muli ni Noemi na umuwi. Matapos mag-iyakan, pinili ng isang manugang na umalis.
Gayunman, ang isa pa ay mas kumapit kay Noemi. Pagkatapos ay binigkas niya ang mga salita na isa sa magagandang halimbawa ng katapatan sa buong banal na kasulatan:
“Huwag mong ipamanhik na kita’y iwan, at bumalik na humiwalay sa iyo; sapagka’t kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil, ay titigil ako: ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios” (Ruth 1:16).
Ang pangalan ng matapat na babaeng ito at manugang ay Ruth. At wala siyang ideya na ang kanyang pagpapakita ng katapatan at pagmamahal kay Noemi ay magtatakda ng sunud-sunod na mga pangyayari na magpapala sa buong mundo.
Ang Hinarap ni Ruth
Maging malinaw tayo sa isang bagay: Walang nakatabing pera si Ruth. Wala siya sa posisyon na alagaan si Noemi kung pera ang pag-uusapan—o maging ang kanyang sarili. Sa katunayan, ang pinakaligtas na gawin ni Ruth ay umuwi tulad ng sabi ni Noemi. Sa pananatiling magkasama, mahihirapan silang mamuhay. Kahit batid ito, ayaw iwan ni Ruth si Noemi para harapin ang kapalarang iyon nang mag-isa. Malalim ang kanyang katapatan.
Naharap si Ruth sa mas matinding paghihirap. Nagbalik-loob siya sa Diyos ng Israel, na si Jesucristo, matapos siyang makasal sa kanyang asawa. Nagmula siya sa Moab, kung saan sumasamba ang mga tao sa ibang mga diyos. Handa si Ruth na maglakbay papunta sa banyagang lupain (Betlehem) kung saan siya ay magiging tagalabas na may ibang pinagmulang relihiyon at kinalakihan. Lahat ng ito ay walang anumang pangako ng tulong o seguridad.
Gayunman, mayroon siyang pananampalataya sa Diyos at katapatan kay Noemi.
Mga Pagpapalang Hatid ng Katapatan
Pagdating nila sa Betlehem, iminungkahi ni Ruth na pumunta siya sa bukid upang mamulot ng uhay para sa pagkain (tipunin ang mga butil na nahulog sa lupa, matapos dumaan ang mga tagaani).
Ang pamumulot ng uhay sa bukid ang naging daan para makilala ni Ruth si Boaz. Siya ay isang mahalagang tao na may kaugnayan sa asawa ni Noemi. Nahabag si Boaz kay Ruth. Narinig niya kung gaano katapat si Ruth kay Noemi at sa Diyos ng Israel (tingnan sa Ruth 2:11–12).
Hindi nagtagal si Ruth ay namumulot ng uhay sa bukid na lamang ni Boaz, at nagkaroon ng sapat na pagkain sina Ruth at Noemi. Nakakita si Noemi ng pagkakataon para tulungan si Ruth. Iminungkahi niya na humarap si Ruth kay Boaz bilang posibleng mapapangasawa.
Tumugon si Ruth tulad ng inaasahan ninyo: “Lahat ng iyong sinasabi sa akin ay aking gagawin” (Ruth 3:5).
Pinakasalan nga ni Boaz si Ruth (tingnan sa Ruth 4:13), na nagbigay ng kaligtasan at seguridad kina Noemi at Ruth. Higit pa rito, nagkaroon sila ng anak na lalaki na ninuno ni Jesucristo (tingnan sa Ruth 4:17 at sa Juan 7:42).
May panahon na sina Noemi at Ruth ay walang gaanong pag-aari. Pero kasama nila ang isa’t isa. “Ang iyong manugang na babae na nagmamahal sa iyo,” sabi ng ilang babae kay Noemi, “ay higit pa kaysa pitong anak na lalaki” (Ruth 4:15).
Ang mayroon sila, sa isa’t isa at sa Panginoon, ang tanging kailangan nila.