“Pag-iwas sa mga Parola at Paghahanap ng Liwanag,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2022.
Pag-iwas sa mga Parola at Paghahanap ng Liwanag
Maiiwasan natin ang mga negatibong espirituwal na bunga at panghihinayang sa pamamagitan ng paglilingkod sa Panginoon, pagbaling ng ating puso sa Kanya, at pagkatutong magmahal at magtiwala sa Kanya.
Paglalarawan mula sa Getty Images
Narinig ko ang isang nakakatawang kuwento tungkol sa isang kapitan ng aircraft carrier na nagtatangkang ilipat ang kanyang barko sa gabi habang may bagyo. Nakakita siya ng liwanag sa di-kalayuan na tila diretsong papunta sa kanya. Sumigaw siya sa kanyang radio operator, “Sabihin mo sa paparating na barko na magbago o pumihit nang 20 degrees!”
Ginawa ito ng radio operator at naghintay ng sagot. “Kapitan,” sabi niya, “sabi nila magbago tayo at pumihit ng 20 degrees.”
Sumigaw ang kapitan, “Ipaliwanag mo sa radio operator na hindi ako nagtatanong—nag-uutos ako. Magbago ng landas!”
Ipinadala ng radio operator ang mensahe, naghintay sandali, at pagkatapos ay tumingala. “Kapitan,” sabi niya, “iginigiit nila na tayo ang dapat lumiko.”
Inagaw ng kapitan ang headset at nagsalita sa mikropono, “Hindi ko alam kung sino ka o saan ka pupunta pero may dapat kang malaman. Ako ang kapitan ng isang navy aircraft carrier group na may kasamang tatlong destroyer, tatlong cruiser, at maraming support vessel. Didiretso kami papunta sa iyo at hindi kami magbabago ng landas!”
Sa kabila ng static narinig ng kapitan ang sagot: “Naunawaan ko, Kapitan. Pero may dapat kang malaman. Kami ay isang parola.”
Ang Dakilang Katotohanan
Bagama’t hindi totoong nangyari ang kuwentong ito, may aral ito. Nadama ng kapitan ng barko, na maalam sa pagpapatakbo ng barko, na may katwiran siya. Natitiyak niya na ang mga katotohanang alam niya ay nagbigay sa kanya ng karapatan.
Pero hindi niya natanto ang mas malaking katotohanan. Nang makita niya ang kabuuan ng sitwasyon, ang “hindi makatwirang pagsagot” ng operator ng parola ay naging makabuluhan.
Nang malaman niya ang mas malaking katotohanan, nagbago ang lahat.
Mangyari pa, maaaring balewalain ng kapitan ang babala at ituloy ang landas na kanyang tinatahak, kumbinsido na tama siya. Pero ang paggawa nito ay magkakaroon ng matinding bunga, na magdudulot ng malaking pinsala at napakalaking pagsisisi.
Ginagawa rin ba natin iyan?
Nakakalungkot na pagdating sa paniniwala at pagsunod sa mga salita ng mga propeta, ang mundo sa pangkalahatan ay hindi ito ginagawa. Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa kung saan binalewala o minaliit ng mga tao at bansa ang mga salita ng mga propeta.
Nakakalungkot na tinanggihan nila ang payo ng Diyos at tinahak ang sarili nilang landasin. Dahil sa impormasyong mayroon sila, nadama nila na may katwiran sila at marahil ay nakahihigit sa iba. Pero, tulad ng kapitan ng carrier, wala sa kanila ang mahalaga at kailangang impormasyon at katotohanan.
Isang bagay ang matitiyak natin: Alam ng Diyos ang lahat ng ito. Nakikita Niya ang hindi natin nakikita. Alam Niya ang mas malaking katotohanan—noon, ngayon, at sa hinaharap. At ang mga salitang ibinibigay Niya sa Kanyang mga propeta ay sumasaklaw sa mas malaking katotohanang iyon.
Si Samuel at ang mga Filisteo
Ang propetang si Samuel ay nabuhay mga tatlong libong taon na ang nakalipas noong panahong lumihis ang mga anak ni Israel sa pagsunod sa Diyos. Siguro inakala ng mga tao noon na ang propeta ay nagsasalita lamang para sa kanyang sarili o may impluwensya sa kanya ang makalumang tradisyon, na napakatanda na niya. Anuman ang kanilang motibo, hindi sila nakinig sa propeta, at isinantabi nila ang payo at mga kautusan ng Diyos.
Noong panahong iyon, isang makapangyarihang kaaway, ang mga Filisteo, ang kumalaban sa Israel at natalo sila sa digmaan. Nakuha pa ng mga ito ang sagradong kaban ng tipan—ang unang pagkakataon na nangyari iyon. Kahihiyan iyon ng bansa.
“Bakit pahihintulutan ng Diyos na makuha ang kaban?” ang maaaring naitanong nila sa kanilang sarili.
Inisip ng ilan na pinabayaan na sila ng Diyos.
Patuloy na lumala ang mga bagay-bagay. Tumindi ang pakikipaglaban sa mga Filisteo, na nagdulot ng matinding kalungkutan sa mga tao ng Israel. Nawalan ng tahanan ang mga pamilya at dumanas ng hirap, at marami sa kanilang mga mahal sa buhay ang napatay. Kalaunan, ang desperado at wala nang pag-asang makaligtas ay nagpakumbaba at taimtim na nanalangin sa Diyos, nagnanais na mapanatag at maligtas.1
Sa kanilang kalungkutan at kawalan ng pag-asa, nilapitan nila ang propetang si Samuel at nagtanong kung ano ang magagawa nila para mas masunod ang Diyos at ang Kanyang mga paraan.
Pakinggan ang sinabi ni Samuel sa kanila: “Kung kayo’y nanunumbalik sa Panginoon nang inyong buong puso ay inyo ngang alisin ang ibang mga diyos at [makasalanang pag-uugali]2 mula sa inyo, at ituon ninyo ang inyong mga puso sa Panginoon, at sa kanya lamang kayo maglingkod at ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.”3
Nakinig ang mga anak ni Israel sa sinabi at ginawa ni Samuel. Sila ay nag-ayuno, nagsisi sa kanilang espirituwal na paghihimagsik, at “naglingkod lamang sa Panginoon.”4 Nang nakipaglaban sa kanila ang mga Filisteo, mahimalang nakipaglaban ang Panginoon sa kanilang digmaan, at ang mga Fariseo ay bumagsak sa harapan ng Israel.5
Paggawa ng Parehong Pagkakamali
Bago natin hatulan nang husto ang sinaunang Israel, maaaring makabubuting itanong natin kung tayo, sa ating sarili, ay walang kasalanan hinggil sa pagsunod sa payo ng mga propeta.
Personal ba nating isinasantabi ang mga turo ng mga propeta? Hindi ba natin tinatanggap ang sinabi nila? Naniniwala ba tayong mas marunong tayo?
Madalas na ipinapaalala sa atin ng Aklat ni Mormon ang mga bunga ng pagpapatangay sa ating makamundong katangian sa halip na sundin ang ating Tagapagligtas. Kapag ginagawa natin ito, ang ating mga kilos ay tiyak na hahantong sa kawalan ng pag-asa, pagkaalipin, pagdurusa, at panghihinayang.
Ibinigay sa atin ng Diyos ang mahalagang kaloob na maging malaya sa pagpili kung paano tayo mag-iisip at paano tayo kikilos. Maaari nating tanggihan ang mga salita ng Diyos o ng Kanyang mga propeta. Maaari pa nga nating isipin na mas mabuti ang ating paraan. Maaaring kasiya-siya ito sa atin—sa umpisa. Maaaring maganda pa nga ito sa pakiramdam sa loob ng ilang panahon. Pero hindi natin matatakasan ang bunga ng ating mga desisyon.
Maiiwasan natin ang mga negatibong espirituwal na bunga at panghihinayang sa pamamagitan ng paglilingkod sa Panginoon, pagbaling ng ating puso sa Kanya, at pagkatutong magmahal at magtiwala sa Kanya.
Kapag ginawa natin ito, matutuklasan natin ang tunay na kagalakang ipinangako sa mga banal na kasulatan sa lahat ng naniniwala at sumusunod sa Tagapagligtas.6
Magkakaroon tayo ng kapayapaan, pag-asa, kaligtasan, at liwanag.