“3 Aral mula sa Pakikipaglaban ni David kay Goliat,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2022.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
1 Samuel 17
3 Aral mula sa Pagkikipaglaban ni David kay Goliat
Lahat tayo ay may haharaping “mga Goliat”. Madadaig natin ang mga ito sa tulong ng Panginoon.
Mga larawang-guhit ni Alex Nabaum
Nagkaproblema ang mga Israelita. Malaking problema.
Nagtipon ang mga hukbo ng mga Filisteo upang makidigma laban sa mga Israelita. Isang umaga, isang higanteng mandirigma na nagngangalang Goliat ang lumapit para hamunin ang mga Israelita. Hinamon niya silang makipaglaban sa kanya. Nang marinig ng mga Israelita ang mga sigaw ni Goliat, sila ay “nanghina, at lubhang natakot” (1 Samuel 17:11).
Hindi nakapagtataka—napakalaki ni Goliat! Sinasabi sa Biblia na halos 10 talampakan (3 m) ang taas niya. Nakasuot din siya ng isang malaking tansong helmet at mabigat na baluti. Siya ay may napakalaking kalasag, sibat, at espada. (Tingnan sa I Samuel 17:4–7.)
Sa loob ng 40 araw, hinamon sila ni Goliat na lumaban. Walang may lakas-ng-loob na humarap sa Kanya.
Hanggang sa dumating ang isang batang nagngangalang David.
Dumating si David sa kampo ng mga Israelita para maghatid ng mga pagkain o suplay nang marinig niya ang sigaw ni Goliat. Nagulat siya nang makita niya ang pagtakas ng mga sundalo na takot na takot. Nang maging malinaw na ang lahat ay lubhang natakot na lumaban, nagboluntaryo si David na harapin si Goliat.
Sinabihan si David na hindi niya makakayang talunin si Goliat—napakabata pa niya. Subalit may alam siya na hindi nila alam: ang kanyang lakas ay hindi mula sa kanyang katawan, kundi mula sa kanyang Diyos.
Pagharap sa Inyong mga Goliat
Sa ating buhay, nahaharap din tayo sa “mga Goliat”. Ang mga Goliat na kinakaharap natin ay maaaring ilang pagsubok, hamon, at tukso. Narito ang tatlong katotohanang alam ni David na nakatulong sa kanya para matalo ang kanyang Goliat. At matutulungan ka rin nito na matalo ang iyong mga Goliat.
1 Mapapasaiyo ang Panginoon
Nang sabihin ng lahat kay David na hindi niya kayang makipaglaban kay Goliat, sumagot si David na nakipaglaban na siya sa isang leon at isang oso para iligtas ang mga tupa ng kanyang ama. Buong tiwalang sinabi ni David, “Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga kuko ng leon at ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito” (1 Samuel 17:37).
Alam ni David na makakasama niya ang Panginoon. Sa Panginoon, maaari rin nating harapin ang ating mga Goliat nang may tiwala.
2 Ang Pananampalataya sa Diyos ay Naghahatid ng Tapang
Nagpunta si David sa kalapit na batis at nakakita ng limang makikinis na bato. Inilagay niya ang mga bato sa kanyang sisidlan kasama ng kanyang tirador. Pagkatapos ay nagpunta na si David para harapin si Goliat.
Nang makita ni Goliat si David, pinagtawanan niya ang batang si David. Minura niya at pinagbantaan niya si David. Gayunman, si David ay hindi napigilan at hindi natakot. Sinabi niya, “Lumalapit ka sa akin na may tabak, may maliit at malaking sibat, ngunit ako’y lumalapit sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel” (1 Samuel 17:45).
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Si David ay may matibay na pananampalataya sa Diyos ng Israel, at ang pananampalatayang iyon ay nagbigay sa kanya ng malaking katapangan. …
“… Kung minsan kailangan nating lahat na labanan ang mga nanghahamak at nanlalait. Ang ilan sa atin, kung minsan, ay haharap sa ilang kapangyarihan sa mundo na kasinglakas ni Goliat. Kapag nangyari iyan, dapat nating tularan ang tapang ni David, na makapangyarihan dahil may pananampalataya siya at humayo siya sa mabuting layunin sa pangalan ng Panginoon ng mga Hukbo.”1
Matutulungan ka rin ng pananampalataya na harapin ang iyong takot nang may tapang.
3 Sa Diyos, Magagawa Mo ang Imposible
Siguro alam mo na ang sumunod na nangyari. Kumuha si David ng isang bato mula sa kanyang bag at inilagay ito sa kanyang tirador. Ipinukol niya ang bato, at tumama ito sa noo ni Goliat. Bumagsak si Goliat. Nang makita ng mga Filisteo na natalo ang kanilang kampeon, tumakas sila para iligtas ang kanilang buhay.
Bago ang labanan na ito, karamihan sa mga tao ay magsasabing hindi ito makakayang gawin ni David. Ngunit “walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan” (Lucas 1:37).
Tulad ng sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, kapag kaharap ninyo ang inyong mga Goliat, “kayo ay may karapatan sa pamamagitan ng inyong pagkamarapat na tumanggap ng paghahayag upang tulungan kayo sa inyong mabubuting pagsisikap. Maaari ninyong taglayin ang banal na pangalan ng Panginoon. Maaari kayong manalangin sa Kanyang banal na pangalan. … Ang inyong mapanalanging paghingi ng tulong ay kasing-totoo nang labanan ni David ang kanyang Goliat.”2
Sa tulong ng Diyos, maaari kayong manindigan nang may pananampalataya at magtagumpay.