“Pag-unawa sa Mahirap o Nakakalitong mga Scripture Passage,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)
Pag-unawa sa Mahirap o Nakakalitong mga Scripture Passage
Ipaliwanag
Maaari mong simulan ang talakayang ito sa pagpapatibay sa katotohanan, kapangyarihan, at kagandahan ng salita ng Diyos (tingnan sa 2 Nephi 32:3; Alma 31:5). Ipaliwanag na bagama’t ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng salita ng Diyos, ayon sa kasalukuyang nakatala ang mga ito ay hindi kumpleto o walang mali (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:24; Eter 12:24; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:8). Ang mga limitasyon sa wika, mga pagkakamali sa pagsasalin, at nawawalang nilalaman ay maaaring magbunga ng mga passage na mahirap maunawaan. (Tingnan din sa “Biblia, Kawalan ng Mali ng” sa Mga Paksa at Mga Tanong.)
Bigyan ang mga estudyante ng sumusunod na handout, at maikling talakayin kung paano makatutulong ang pag-iisip sa bawat tanong kapag nakabasa sila ng nakakalito o mahirap na mga scripture passage. (Ang kasanayang ito sa pag-aaral ng banal na kasulatan ay nakasalalay sa pag-unawa sa iba pang mga kasanayan sa pag-aaral tulad ng “Pag-unawa sa Konteksto ng mga Banal na Kasulatan,” “Pagbabasa nang may Walang-hanggang Pananaw,” at “Pagsusuri sa Pagiging Mapagkakatiwalaan ng mga Source.”)
Mga Itatanong Kapag Nakakita Ka ng Nakakalito o Mahirap na mga Scripture Passage
Kapag may nabasa ka na nakakalito o mahirap na scripture passage, maaari mong itanong ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod.
-
Paano makatutulong ang pag-alam sa konteksto ng passage na ito? Ang mga banal na kasulatan ay madalas na naglalahad sa atin ng mga kultura at pananaw ng mundo na lubhang kakaiba sa atin. Maaaring madaling mamali sa pag-unawa sa mga banal na kasulatan kapag hindi natin naunawaan ang konteksto ng isang passage. Gamitin ang resources sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan para makatulong.
-
Anong impormasyon o mga detalye ang maaaring nawawala? Ang mga banal na kasulatan ay hindi kumpletong mga talaan. Ang ilang scripture passage ay maaaring kulang ng mahahalagang detalye na, kung malalaman, ay mas magpapadali para maunawaan ang mga ito (tingnan sa 1 Nephi 13:26–29; Jacob 3:13; Helaman 3:14; 3 Nephi 26:6).
-
Anong karagdagang kaalaman ang maaaring matamo kapag pinag-isipan ang passage nang may walang-hanggang pananaw? Mag-ingat sa mga konklusyong ginagawa mo batay sa isang passage lang ng banal na kasulatan. Isipin kung ano pa ang nalalaman mo tungkol sa mga tao, turo, o pangyayari. Isipin ang nalalaman mo na tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano.
-
Paano makatutulong ang maaasahan at mapagkakatiwalaang mga source? Ang Diyos ang ating pinakapinagkakatiwalaang mapagkukunan ng kaalaman. Kapag nananalangin ka sa Kanya tungkol sa nakakalitong mga scripture passage, maaanyayahan mo ang Kanyang Espiritu na magbigay ng dagdag na kaalaman at kapayapaan. Ang mga katotohanang itinuro sa iba pang mga scripture passage at sa mga turo mula sa mga propeta ng Diyos ay gagabay rin sa iyo. Makatutulong din ang mga magulang at lider at guro ng Simbahan. Makahahanap ka ng tulong mula sa mga lathalain ng Simbahan at iba pang mapagkakatiwalaang source.
Paalala: Kung nalilito ka pa rin matapos sagutin ang mga tanong na ito, tandaan na maaaring may ilang scripture passage na hindi maipapaliwanag sa ngayon. Maaaring kailangan mo lang magtiwala na sa panahong itinakda ng Panginoon, darating ang karagdagang liwanag at kaalaman (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:32–34).
Ipakita
Pumili ng isang scripture passage mula sa pag-aaralan sa kasalukuyang linggo na tila mahirap o nakakalito sa iyong mga estudyante. Maikling ipaliwanag kung paano mo magagamit ang ilan sa gabay na mga tanong mula sa handout para maunawaan ang passage na ito.
O maaari mong gamitin ang 2 Samuel 6:1–7, na nagsasalaysay tungkol kay Uzah na hinawakan ang kaban ng tipan. Ipaliwanag na maaaring nakakabagabag ang salaysay na ito para sa ilang tao dahil tila napatay ng Panginoon si Uzah sa pagsisikap nitong tumulong.
-
Paano makatutulong ang pag-alam sa konteksto ng passage na ito?
Mababasa natin mula sa isang tulong sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na bagama’t “tila mabigat para sa atin ang parusa, … kailangang tandaan na ang Arka ay isang sagradong repositoryo, at ang mga tao ay malinaw na nabalaan na tanging mga itinalagang tao lamang ang makahahawak sa Arka, at nabalaan din sila tungkol sa mga ibubunga ng pagsuway” (Bible Dictionary, “Uzzah”).
-
Anong impormasyon o mga detalye ang maaaring nawawala?
Ang mga banal na kasulatan ay hindi gaanong nagsalaysay sa atin ng tungkol kay Uzah, sa kanyang mga intensyon, o sa kanyang pag-unawa sa mga tagubilin ng Panginoon sa mga Israelita tungkol sa paghawak sa arka (tingnan sa Mga Bilang 4:15). Ang salaysay ay hindi rin nagbigay sa atin ng pananaw ng Panginoon.
-
Anong karagdagang kaalaman ang maaaring matamo kapag pinag-isipan ang passage nang may walang-hanggang pananaw?
Isipin ang nalalaman natin tungkol sa mga banal na katangian ng Ama sa Langit. Alam natin na ang Diyos ay hindi lamang makatarungan ngunit maawain at mabait din (tingnan sa Moises 7:30). Hindi Niya nililipol ang mga tao nang hindi muna sila binabalaan (tingnan sa 2 Nephi 25:9). Bilang mapagmahal na Ama, ang hangarin Niya ay tulungan at pagpalain ang Kanyang mga anak (tingnan sa 2 Nephi 26:24). Malamang na marami pang mga detalye sa kuwento kaysa sa nakatala sa ilang talatang ito.
-
Paano makatutulong ang maaasahan at mapagkakatiwalaang mga source?
Tinukoy ng Panginoon ang pangyayaring ito sa paghahayag sa mga huling araw upang ituro ang alituntunin na hindi tayo dapat magbigay ng utos (o “patatagin ang arka”) sa mga tinawag ng Diyos. Nagtalaga ang Diyos ng mga propeta at apostol upang ihayag ang Kanyang kalooban at pamahalaan ang Kanyang kaharian sa lupa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 85:6–8).
Tinutukoy si Uzah at ang arka, itinuro ni Pangulong David O. McKay na may panganib sa pagtatangkang pamahalaan o iwasto ang gawain ng Panginoon nang walang awtoridad Niya (tingnan sa Conference Report, Abr. 1936, 60; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual [2018], 457).
Magpraktis
Maaaring pumili ang mga estudyante ng isang scripture passage na nakita nilang mahirap o nakakalito. Sabihin sa kanila na gamitin ang handout mula sa lesson na ito para talakayin (nang magkakapartner, sa maliliit na grupo, o bilang klase) ang mahirap na talata ng banal na kasulatan. O maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isa sa mga passage sa ibaba para pag-aralan.
Mga karagdagang passage para sa pagpapraktis:
-
2 Mga Hari 2:23–25. Isinumpa ni Eliseo ang ilang kabataan, at inatake sila ng mga oso.
-
Mateo 15:21–28. Pinagaling ni Jesus ang anak na babae ng isang babaeng Cananea.
-
Mga Gawa 5:1–11. Sina Ananias at si Safira ay nahuling nagsinungaling at bumagsak at namatay.
-
1 Nephi 4:10–18. Iniutos kay Nephi na patayin si Laban.
Mag-anyaya at Mag-Follow Up
Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang mga tanong sa handout sa susunod na pag-aralan nila ang isang mahirap o nakakalitong scripture passage. Maghanap ng mga pagkakataon sa mga talakayan sa klase na anyayahan ang mga estudyante na gamitin ang mga tanong kapag nakakita kayo ng mahirap o nakakalitong passage.