“Pagbabasa nang may Walang-Hanggang Pananaw,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)
Pagbabasa nang may Walang-Hanggang Pananaw
Ipaliwanag
Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dale G. Renlund:
Ang pagpapanatili ng walang-hanggang pananaw ay nangangahulugan na naaalala natin na ang buhay ay higit pa sa buhay na ito at ngayon, na ang buhay ay nagpapatuloy pagkatapos ng kamatayan, at ang ating mga pagpili ay may mga walang-hanggang ibubunga. (Dale G. Renlund, “Maintaining an Eternal Perspective,” Ensign, Mar. 2014, 58)
Ang pag-alaala kung sino ang Diyos at na may plano Siya para sa lahat ng Kanyang mga anak ay tumutulong sa atin na makita ang Kanyang impluwensya sa mga pangyayari at doktrina na matatagpuan sa banal na kasulatan. Ang pagbabasa at pag-aaral nang may walang-hanggang pananaw ay makatutulong sa atin na i-reframe (o tingnan sa ibang paraan) ang mga passage na nakakalito sa atin at makatutulong din sa atin na magtamo ng mas malalim na personal na mga kaalaman sa ebanghelyo ng Panginoon.
Maaari mong gawin ang mga sumusunod habang pinagbubuti mo ang kasanayan sa pag-aaral nang may walang-hanggang pananaw:
-
Hingin ang tulong ng Espiritu Santo para makita ang mga bagay-bagay tulad sa pagkakita ng Panginoon sa mga ito.
-
I-reframe ang mga passage at tanong batay sa ebanghelyo ng Panginoon at sa plano at layunin ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Maaari kang mag-reframe sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad nito:
-
Ano ang nalalaman ko tungkol sa Ama sa Langit, sa Kanyang Plano, at kung paano Siya nakikipag-ugnayan sa Kanyang mga anak?
-
Anong mga turo ng ebanghelyo ang nauugnay o naglilinaw sa passage o pangyayaring ito?
-
Ano kaya ang walang hanggang epekto ng pangyayari o ng doktrinang ito?
-
Paano kaya tinitingnan ng Diyos ang pangyayari o paksang ito?
-
Ipakita
Magpakita sa mga estudyante ng isang larawan ni Noe o ng arka. Sabihin na kung minsan, sa ating limitadong pananaw, nakakabasa tayo ng tungkol sa mga pangyayari sa mga banal na kasulatan na tila malupit o hindi makatarungan. Itinatanong ng ilang mambabasa ng Biblia kung bakit lilipulin ng Diyos ang napakarami sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng baha.
Basahin o ibuod ang Genesis 6:5–8. (Para sa tulong upang maunawaan ang talata 6, tingnan sa Moises 8:25.) Ipakita sa mga estudyante kung paano makatutulong sa inyo ang mga gawaing iminumungkahi sa bahaging “Ipaliwanag” para maunawaan ang passage nang may walang-hanggang pananaw. Halimbawa, imungkahi na matapos manalangin upang mas maunawaan ang pangyayaring ito, maaari ninyong i-reframe ang passage sa pamamagitan ng pag-iisip ng mga tanong na tulad nito:
-
Ano ang nalalaman ko tungkol sa Ama sa Langit, sa Kanyang Plano, at kung paano Siya nakikipag-ugnayan sa Kanyang mga anak? (Posibleng sagot: Alam ko na mahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak at na lahat ng ginagawa Niya ay para sa kapakanan ng sanlibutan [tingnan sa 2 Nephi 26:24]. Siya rin ay makatarungan at pananagutin ang Kanyang mga anak sa kanilang masasamang gawa.)
-
Anong mga turo ng ebanghelyo ang nauugnay o naglilinaw sa pangyayaring ito? (Posibleng sagot: Ang batas ng katarungan ay nauugnay sa pangyayaring ito. Ang bawat haka o hangarin ng puso ng mga tao ay masama [tingnan sa Genesis 6:5]. Ang mga anak ay may karapatang isilang sa mga magulang na nagtutulot sa kalayaang pumili at nagtuturo ng katotohanan [tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org]. Ang doktrina ng buhay pagkatapos ng kamatayan ay makatutulong din sa akin na maunawaan ang pangyayaring ito [tingnan sa 1 Pedro 3:18–20; Doktrina at mga Tipan 138:28–34].)
-
Ano kaya ang walang hanggang epekto ng pangyayari o ng doktrinang ito? (Posibleng sagot: Bagama’t ang mortal na buhay ng maraming tao ay nagwakas nang maaga, ang mga isinilang matapos ang Baha ay magkakaroon ng mas magandang pagkakataon na matutuhan at masunod ang mga batas ng Diyos.)
-
Paano kaya tinitingnan ng Diyos ang pangyayari o paksang ito? (Posibleng sagot: Siya ay nanangis [tingnan sa Moises 7:28–34]. Alam din Niya na ang baha ay pagpapakita ng awa sa mga yaong naghihintay na isilang sa mundo. At bagama’t natapos agad ang buhay ng mga yaong nalunod sa baha, ito rin ay pagpapakita ng awa dahil tuturuan sila ng katotohanan sa daigdig ng mga espiritu.)
Ang isa pang opsiyon para maipakita ang kasanayan na pagbabasa nang may walang-hanggang pananaw ay ipanood ang video na “Pagsusuri sa mga Tanong nang may Walang-Hanggang Pananaw” (2:56). Ang paglalarawang ito ng pag-reframe ay nagpapakita rin ng konsepto ng pagsusuri sa ating mga opinyon o paniniwala.
Magpraktis
Maaaring praktisin ng mga estudyante ang kasanayang ito gamit ang isang passage mula sa kasalukuyang pinag-aaralan nila, o maaari nilang gamitin ang isa sa mga passage sa ibaba. Sabihin sa kanila na magtulungan upang maanyayahan ang Espiritu at magtanong upang i-reframe ang passage sa mga paraang nauugnay sa plano ng Ama sa Langit. Pagkatapos ay talakayin ang kanilang karanasan.
Mga karagdagang passage para sa pagpapraktis:
-
Genesis 3:9–19 (Sina Adan at Eva ay nahulog at natanggap ang mga epekto dahil sa pagkain ng ipinagbabawal na bunga.)
-
Mateo 12:46–50 (Sinabi kay Jesus na naghihintay ang Kanyang pamilya para kausapin Siya.)
-
1 Nephi 4:6–10 (Iniutos ng Espiritu kay Nephi na patayin si Laban.)
-
Doktrina at mga Tipan 121:1–6 (Nagdusa si Joseph sa Piitan ng Liberty at nagtanong sa Panginoon kung bakit hindi Siya tumutulong.)
Mag-anyaya at Mag-Follow Up
Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang mga alituntunin ng pagbabasa nang may walang-hanggang pananaw sa kanilang personal na pag-aaral. Tandaan na mag-follow up at bigyan ng oras ang mga estudyante na maibahagi sa klase ang kanilang mga karanasan at ulitin ang kasanayang ito kung kinakailangan. Maaari kang maghanap ng pagkakataon sa buong linggo na mag-follow-up sa mga estudyante tungkol sa paggamit ng mga alituntuning ito sa kanilang pag-aaral.