Pagtuturo at Pagkatuto
Pagpapanatili ng Balanse sa Doktrina


“Pagpapanatili ng Balanse sa Doktrina,” Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (2024)

Pagpapanatili ng Balanse sa Doktrina

Ipaliwanag

Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng balanse sa doktrina ay pagbibigay ng angkop na pagtutuon o diin sa isang punto ng doktrina sa loob ng konteksto ng iba pang kaugnay na mga katotohanan na inihayag ng Diyos. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kasanayang ito maaari mong ibahagi ang mga sumusunod na pahayag:

Joseph F. Smith

“Hindi katalinuhan ang kumuha ng bahagyang katotohanan at ituring ito na parang ito na ang buong katotohanan. (Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, 5th ed. [1939], 122)

Pangulong Boyd K. Packer

May mga turong magkakatugma at nagpapabago ng pag-unawa sa mga banal na kasulatan na nagdudulot ng balanseng kaalaman tungkol sa katotohanan. (Boyd K. Packer, “The Pattern of Our Parentage,” Ensign, Nob. 1984, 66)

Sabihin sa mga estudyante na itanong sa kanilang sarili ang mga sumusunod habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan at tinutukoy ang mga turo ng ebanghelyo:

  • Ano ang maaaring hindi balanse kung tatangkain kong unawain o ipamuhay ang turong ito na nakahiwalay sa iba pang mga katotohanan ng ebanghelyo?

  • Anong iba pang mga katotohanan ang nagpapabago ng pag-unawa o nagdadala ng balanse sa turong ito ng ebanghelyo?

Ipakita

Maaari mong gamitin ang sumusunod na halimbawa o ang sarili mong halimbawa para maipakita ang kasanayang ito.

Basahin ang Mateo 22:39, at tukuyin ang utos ng Panginoon na dapat nating ibigin ang ating kapwa na gaya ng ating sarili.

Ano ang maaaring hindi balanse kung ang kautusang ito ay nakahiwalay sa iba pang mga katotohanan ng ebanghelyo?

Maaaring hindi balanse kung naniniwala ang isang tao na ang pagtulong sa iba nang may pagmamahal at kabaitan ay kinapapalooban ng pagkunsinti sa mga pagpiling salungat sa mga batas ng Diyos. May kawalan din ng balanse kung ang pagmamahal sa iba ay humahantong sa pagpapaliit o pagpapaumanhin para sa mga batas ng Diyos.

Anong iba pang mga katotohanan ang nagpapabago ng pag-unawa o nagdadala ng balanse sa turong ito ng ebanghelyo?

Maaalala natin na ang unang dakilang utos ay ibigin ang Diyos, na kinapapalooban ng pagsunod sa Kanyang mga batas at hindi ikinahihiya ang mga ito (tingnan sa Mateo 22:37–38; Roma 1:16). Iniutos din sa atin ng Diyos na anyayahan ang iba na lumapit kay Jesucristo at magsisi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:14–16). Ang pag-anyaya sa iba na ipamuhay ang mga batas ng Diyos ay pagpapakita ng ating pagmamahal sa Kanya at sa Kanyang mga anak.

Maaari mo ring ipanood ang video na “Go and Sin No More” (3:21) o rebyuhin ang salaysay sa Juan 8:1–11. Sabihin sa mga estudyante na alamin kung paano ipinakita ng Tagapagligtas ang balanse sa pagitan ng utos na ibigin ang kapwa at ang Kanyang katapatan sa batas ng Diyos.

3:18

Magpraktis

Pumili ng isang passage mula sa mga banal na kasulatan na babasahin para sa linggong ito na nagtuturo ng isang katotohanan na kinakailangang ibalanse sa iba pang mga katotohanan upang maunawaan o maipamuhay nang wasto. O maaari kang pumili mula sa mga passage na nakalista sa ibaba. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang passage at tukuyin ang mga sumusunod:

  • Isang katotohanan ng ebanghelyo na itinuturo ng scripture passage

  • Isang posibleng hindi balanse kung ang katotohanang ito ay nakahiwalay sa iba pang mga turo ng ebanghelyo

  • Mga turo ng ebanghelyo na naghahatid ng balanse sa katotohanang ito

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa klase o sa maliliit na grupo ang nalaman nila.

Mga karagdagang passage para sa pagpapraktis:

  • Isaias 63:1–6. Itinuro ni Isaias na ang Ikalawang Pagparito ay magiging araw ng paghihiganti at pagkawasak.

  • Marcos 11:24. Itinuro ng Tagapagligtas na anuman ang idalangin ng Kanyang mga disipulo nang may pananampalataya ay ibibigay sa kanila.

  • Efeso 2:8–9. Itinuro ni Pablo na tayo ay naligtas ng biyaya sa pamamagitan ng ating pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng ating mga gawa.

  • Alma 34:32–33. Itinuro ni Amulek na ang buhay na ito ay ang panahon para maghanda sa pagharap sa Diyos.

  • Doktrina at mga Tipan 64:2, 4. Itinuro ng Panginoon na Siya ay mahabagin at maawain.

Mag-anyaya at Mag-Follow Up

Hikayatin ang mga estudyante na magpraktis sa pagpapanatili ng balanse sa doktrina habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan at ang ebanghelyo. Tandaan na mag-follow up at bigyan ng oras ang mga estudyante na ibahagi ang natuklasan nila sa kanilang personal na pag-aaral sa pamamagitan ng paggamit ng kasanayang ito. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano makatutulong ang kasanayang ito para mas maunawaan nila ang mga katotohanan ng ebanghelyo na itinuro sa banal na kasulatan. Humanap ng mga pagkakataon na patuloy na magamit ang kasanayang ito sa klase.