Liahona
Kailangan Ko Siyang Paglingkuran
Pebrero 2024


“Kailangan Ko Siyang Paglingkuran,” Liahona, Pebrero 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Kailangan Ko Siyang Paglingkuran

Itinuro sa akin ng aking Relief Society president na sa pamamagitan ng paglilingkod, talagang nagiging magkaugnay tayo.

Larawan
babaeng naghahatid ng pagkain sa isang tahanan

Paglalarawan ni Dilleen Marsh

Noong ipinagbubuntis ko ang aking bunsong anak, si Margaret Blackburn ang ward Relief Society president namin. Kilala namin ang isa’t isa batay lamang sa maikling panahon na nagkasama kami sa mga miting sa simbahan.

Matapos kong isilang ang anak ko, nagdala ng pagkain ang mga kababaihan noong unang linggong iyon, kabilang na si Margaret, na mas matanda at mahina. Nagpasalamat ako dahil wala akong lakas o hangaring magplano ng pagkain, magluto, o mamili ng mga sangkap—lalo na gawin ang lahat ng tatlong iyon.

Pagkatapos ng unang linggong iyon, patuloy na naghatid ng pagkain si Margaret. Lutong-bahay man ang mga pagkain o mga tira-tira mula sa isang aktibidad ng ward, hindi iyon mahalaga sa akin. Tila alam niya na higit sa kailangan ko ng magkakarga sa anak ko o maglilinis ng bahay ko, mas kailangan ko ang pagpapala na hindi na isipin kung ano ang lulutuin.

Hindi nagtagal kalaunan, ini-release si Margaret sa kanyang katungkulan dahil sa paghina ng kanyang katawan. Hindi ko iyon alam noon, pero nasuri na mayroon siyang terminal cancer.

Nang malaman ko ang resulta ng pagsusuri sa kanya, alam ko na ang kailangan kong gawin. Kailangan ko siyang paglingkuran—hindi dahil sa may utang-na-loob ako sa kanya o kailangan kong suklian ang kanyang kabaitan. Sa halip, dahil sa paglilingkod niya sa akin, napamahal na siya sa akin.

Itinuro sa akin ni Margaret na sa pamamagitan ng paglilingkod, talagang nagiging magkaugnay tayo. Nang maisip ko ang kamangha-manghang babaeng ito, nalungkot akong isipin na nagtutulak siya ng vacuum o nagwawalis ng sahig ng kanyang kusina. Kaya, bawat linggo ay sinimulan kong bisitahin siya at linisin ang bahay niya.

Isang araw habang papauwi pagkatapos niyon, napuspos ako ng pasasalamat na ginawang posible ng Ama sa Langit ang mga oportunidad na ito na magkawanggawa. Kung hindi ako masigasig na pinaglingkuran ni Margaret, marahil ay hindi ako naging komportable na regular siyang bisitahin sa bahay niya. Napahalagahan ko ang panahong iyon na kasama ko siya! Alam ng Diyos na sa pagsusugo sa kanya sa akin sa oras ng aking pangangailangan, mabubuksan ang landas upang mapaglingkuran ko siya sa oras ng kanyang pangangailangan.

Napuno ng luha ang aking mga mata nang matanto ko kung paanong ang mga inspirasyon at pagkakataong ito na maglingkod ay ganap na nag-ugnay sa amin magpakailanman.