Liahona
15 Kamangha-manghang mga Katangian ng Book of Mormon App
Pebrero 2024


Digital Lamang

15 Kamangha-manghang mga Katangian ng Book of Mormon App

Gumamit ng isang app para gawing mas madali ang pagbabahagi ng ebanghelyo kaysa rati! Ang 15 ideya na naka-bold sa ibaba ay maaaring malaki ang maitulong.

Larawan
dalawang babaeng nagtatawanan at nag-uusap

Naranasan mo na bang makipag-usap sa isang estranghero tungkol sa ebanghelyo? Maaaring sa bus iyon, sa isang parke, o habang nakapila sa pagbili ng pagkain. Ang paksa tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo ay maaaring mapag-usapan halos kahit saan, kahit kailan.

Kung naranasan mo na ang ganitong sitwasyon, hiniling mo ba na magkaroon ka ng isang bagay na makabuluhan na maaari mong iwanan sa bago mong kaibigan—isang bagay na maaaring maghikayat sa taong ito na patuloy na matuto tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo? Marahil ay alam mo na kailangan nila ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon na, tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “pagalingin, panatagin, ipanumbalik, tulungan, palakasin, aluin, at pasayahin ang [kanilang] kaluluwa.”1

Hindi lahat ay nagdadala ng Aklat ni Mormon sa kanilang bag o bulsa sa likod, pero marami sa atin ang nagdadala ng smartphone at may access sa isang app na madaling dalhin at ibahagi! Kung minsa’y maaaring mas epektibo pa nga ang digital version na ito kaysa sa nakalimbag na aklat.

Ang tawag dito ay Book of Mormon app. Kung hindi mo pa ito natutuklasan, maghandang mamangha!

Magugustuhan mo talaga kung paano tayo matutulungan ng app na ito na kumilos ayon sa payo ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol na “tularan ang ating mahal na propetang si Pangulong Nelson, at punuin ng Aklat ni Mormon ang mundo. Napakalaki ng pangangailangan dito; kailangan na nating kumilos ngayon.”2

Magagawa ba Iyan ng Aklat Ninyo?

Wala nang makapapalit sa damdamin na masiyahan sa isang magandang aklat, at ang Aklat ni Mormon ay isang napakagandang aklat na talagang kasiya-siya! Pero magagawa ba ng inyong nakalimbag na kopya na basahin ang sarili nito sa iyo? Magagawa ba nitong pagliwanagin ang mga salita nito sa dilim o palakihin ang font para mas madali itong basahin? Magagawa ng Book of Mormon app ang mga bagay na iyan! At magagawa nito iyan sa mahigit 100 wika! Narito ang iba pang mga katangian ng Book of Mormon app:

  • Ang buong set ng Mga Video ng Aklat ni Mormon, kabilang na ang mga naglalarawan sa pagbisita ni Jesucristo sa sinaunang Amerika.

  • Mga video na nagpapakilala sa Aklat ni Mormon at tungkol saan ito.

  • Mga video na nagbabahagi ng mga karanasan ng iba na nakahanap ng lakas at mga sagot sa mga hamon ng buhay sa Aklat ni Mormon.

  • Ang kakayahang magsimula ng isang real-time chat sa isang missionary kapag may pumasok na tanong sa isip mo.

  • Impormasyon sa pagkontak sa mga lokal na missionary at paghahanap ng isang kongregasyon na makakasama sa pagsamba.

Inihahandog ng Book of Mormon app ang lahat ng ito at marami pang iba!

Binuo upang Maibahagi

Marahil ang isa sa pinakamagagandang katangian ng Book of Mormon app ay ang mga kakayahan nitong mai-share. Sa isang tap, maaari kang magdispley ng isang code na maaaring i-scan ng iba pang mga smartphone user para makapunta sila nang diretso sa app sa isang online app store. Kapag nagda-download ng Book of Mormon app, awtomatiko nitong natutukoy ang wika ng device ng tumanggap at idina-download ang Book of Mormon app sa kanilang wika. Isipin kung gaano kadali iyon kung nangingibang-bansa ka, sa isang commuter train, o kahit sa sarili mong bayan!

Kabilang sa iba pang mga opsyon sa pag-share ang kakayahang magpadala ng download link sa pamamagitan ng text, email, at iba pa.

I-download ang App Ngayon!

Para i-download ang libreng Book of Mormon app at tuklasin ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon para sa iyong sarili at sa iba, hanapin lamang ang “Book of Mormon app” sa iyong online app store.