Liahona
Nasaan ang mga Ipinangakong Pagpapala sa Akin mula sa Pagbabayad ng Ikapu?
Pebrero 2024


Digital Lamang

Nasaan ang mga Ipinangakong Pagpapala sa Akin mula sa Pagbabayad ng Ikapu?

Kadalasa’y nagkakaloob ang Ama sa Langit ng “mahalaga ngunit hindi napapansing” mga pagpapala sa halip na agarang mga himala kapag nagbabayad tayo ng ikapu.

Larawan
isang binatilyong naglalagay ng pera sa tithing envelope

Nagpropesiya si Malakias na kung ibibigay natin ang ating mga ikapu sa Diyos, Kanyang bubuksan ang mga bintana ng langit, at ibubuhos ang isang pagpapala na “walang sapat na kalalagyan” (Malakias 3:10).

Sa pangakong iyan, madalas tayong makarinig ng mga kuwento ng mahimala at agarang mga pagpapalang dumating sa mga taong sumunod sa utos na magbayad ng kanilang ikapu. Pero ano ang mangyayari kung hindi natin matanggap ang gayong mga pagpapala sa mga panahon ng ating matinding temporal na pangangailangan? Maaaring nakakasira ng loob na hindi matanggap ang gayong mga pagpapala sa sarili nating buhay. Maaari pa nga nating itanong, “Hindi ba ako pinagpala?”

Ipinapaalala sa atin ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol na “bumubukas ang mga bintana ng langit sa maraming paraan. Ang ilan ay temporal ngunit marami ang espirituwal. Ang ilan ay simple at madaling hindi mapansin. Magtiwala sa oras ng Panginoon; palaging dumarating ang mga pagpapala.”1

Ang mga turo ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ay makatutulong din sa atin na makita na ang mga pagpapalang natatanggap natin ay maaaring dumating sa maraming paraan na maaaring hindi natin isinasaalang-alang. Sabi niya, “Ang ilan sa maraming pagpapala na natatamo natin kapag sinusunod natin ang kautusang ito ay mahalaga ngunit hindi napapansin. Ang gayong pagpapala ay mahihiwatigan lamang kung tayo ay espirituwal na nakatuon at mapagmasid (tingnan sa 1 Corinto 2:14).”2

Ang paghahanap at pagkilala sa mahahalaga ngunit hindi napapansin na pagpapala ng pagbabayad ng buong ikapu ay makatutulong sa atin na maunawaan na talagang alam ng Diyos ang nangyayari sa atin at talagang pinagpapala Niya tayo.

Mahalaga ngunit Hindi Napapansing mga Pagpapala

Ang kalooban ng Diyos ay hindi palaging katulad ng sa atin (tingnan sa Isaias 55:8–9). Dahil diyan, maaaring hindi palaging dumarating sa atin ang mga pagpapala ng Diyos sa paraang nais o inaasahan natin. Halimbawa, nagbigay si Elder Bednar ng ilang halimbawa ng di-inaasahang mga pagpapala na maaaring magmula sa pagbabayad ng ikapu: “Kung minsan hinihiling natin sa Diyos na magtagumpay tayo, at binibigyan Niya tayo ng kalusugan at katalinuhan. Maaaring ang hiling natin ay kasaganaan, at tumatanggap tayo ng mas malawak na kaalaman at ibayong pagtitiyaga o ang hiling natin ay pag-unlad at binibigyan tayo ng kaloob na biyaya. Maaaring pagkalooban Niya tayo ng pananalig at pagtitiwala habang sinisikap nating makamtan ang ating mabubuting mithiin. At kapag sumasamo tayo na maibsan ang paghihirap ng ating katawan, isipan, at espiritu, maaaring pag-ibayuhin Niya ang ating determinasyon at katatagan.”3

Iminungkahi rin ni Elder Bednar na kung minsan “ang mga pagpapala na ihuhulog sa atin mula sa mga dungawan ng langit ay [may] mas malaking kakayahan na kumilos at baguhin ang ating kalagayan sa halip na umasang mababago ng isang tao o bagay ang ating kalagayan.”4 Tingnan, halimbawa, kung paano ito nadama ng isang mag-asawa mula sa Argentina sa buhay nila sa kanilang kuwentong “Bakit Nagbabayad Ka pa rin ng Ikapu?

Ang Takdang-Panahon ng Diyos

Maaari din tayong matutong magtiwala na darating ang mga pagpapala sa takdang-panahon ng Diyos at sa Kanyang sariling paraan.

Sinabi ni Elder Michael John U. Teh ng Pitumpu: “Kapag sinusunod natin ang batas ng ikapu, hindi natin … dapat bigyan ng taning ang Panginoon. May tendensiya ang ilan na umasa na darating ang mga materyal na pagpapala sa isang partikular na panahon ayon sa sarili nilang pagtantiya. Sa ganitong paraan nawawala ang tiwala nila sa Kanyang mga pangako. Tapat sila sa simula pero pagkatapos ay tumitigil sa pagsunod pagkaraan ng ilang panahon kapag hindi nangyari ang mga inaasahan nila. Kailangan nating maunawaan na lahat ng bagay ay ginagawa ayon sa kalooban at takdang-panahon ng Panginoon at hindi ayon sa atin.”5

Matutulungan tayo ng pag-unawa na iba ang takdang-panahon ng Diyos kaysa sa atin na mas maunawaan na kapag hindi tayo nakatanggap ng agarang himala, hindi iyon nangangahulugan na hindi tayo pinagpala.

Karunungan ng Diyos

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “May nagsabi na ang buhay ay ang nangyayari sa atin habang gumagawa tayo ng iba pang mga plano. Dahil sa mga bagay na wala tayong kontrol, hindi natin maipaplano at maisasakatuparan ang lahat ng gusto natin sa ating buhay. Maraming mahahalagang bagay ang mangyayari sa ating buhay na wala sa plano natin, at hindi lahat ng iyon ay katanggap-tanggap.”6

Sa ating mortal na paglalakbay, kahit ang mga sumusunod sa batas ng ikapu ay maaaring makaranas ng mga problema gaya ng kawalan ng trabaho, di-inaasahang mga emergency, maling pamamahala sa pananalapi, o hindi pagtaas ng sahod. Ang pagkaalam na ang Diyos ang may kontrol ay magpapalago rin sa ating pananampalataya at tiyaga habang hinahanap natin ang mahahalaga at hindi napapansing mga pagpapala ng ikapu. Maaaring ang ilan sa mga paghihirap na ito ay mga pagpapala talaga na tutulong sa atin na lumago sa pagsubok na ito mismo.

Minsa’y nagbahagi si Elder Hugh B. Brown ng Korum ng Labindalawang Apostol (1883–1975) ng gayong aral na natutuhan niya habang pinupungusan ang isang currant bush sa isang sakahan sa Canada.

Habang nililinis at inaayos niya ang kanyang ari-arian, nakita niya ang isang currant bush na mahigit anim na talampakan ang taas at walang ibinubungang berry. Kaya pinungusan niya ito nang husto, at nag-iwan lamang ng maliit at hugis-patak ng luhang mga tuod. Nagmukhang parang umiiyak ang currant bush, at parang narinig ni Elder Brown na sinabi ng bush:

“‘Paano mo ito nagawa sa akin? Napakaganda ng aking paglago. … At ngayo’y pinungusan mo ako. … Akala ko ikaw ang hardinero dito.’”

Sagot ni Elder Brown, “‘Alam mo, munting currant bush, na ako ang hardinero dito, at alam ko kung ano ang gusto kong kahinatnan mo. Kung hahayaan kitang lumaki sa paraang gusto mo, wala kang kahihinatnan. Pero balang-araw, kapag namunga ka na, magugunita mo ito at sasabihin mong, “Salamat, Ginoong Hardinero, sa pagputol sa akin, sa pagmamahal sa akin nang sapat para saktan ako.”’”7

Kapag nahihirapan tayo sa pera at hindi natin nakikita ang mga ipinangakong pagpapala ng pagbabayad ng ikapu, maaaring ganito rin ang itanong natin sa Diyos, “Paano mo ito nagawa sa akin? Ginagawa ko ang lahat ng iniutos mo. At ngayo’y pinungusan mo ako.”

Sa mga panahong ito, maaari nating pag-isipan sandali kung ang mga pagsubok na nararanasan natin ay magdudulot talaga ng malalaking pagpapala mula sa mga aral na natututuhan natin sa buhay. Maaari nating matutuhan na mas lubusang magtiwala sa Hardinero at sa mga pagpapalang inilalaan Niya para sa atin kapag nanatili tayong malapit sa Kanya.

Patuloy na Pag-asa at mga Dalangin

Ang mga hindi napapansin ngunit mahahalagang pagpapalang ibinibigay sa atin ng Diyos mula sa pagbabayad ng ikapu ay makakatulong sa atin na malampasan ang maraming paghihirap sa mundo. Lubos na iaakma ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang mga pagpapalang ito para tulungan tayong lumago at maging higit na katulad Niya. Kapag nanampalataya tayo sa pagkilala at pagtanggap sa lahat ng pagpapalang dumarating, makikita natin ang katuparan ng pangako ni Malakias.

Kapag dumarating ang pag-aalinlangan at kawalan ng pag-asa dahil sa mga problema sa pera, kung lumuluha tayong nagtatanong kung tayo ay pinagpala, hindi tayo nawawalan ng pag-asa! Sa halip, maaari nating ipagdasal na makita ang hindi napapansin at mahahalagang pagpapalang naipagkaloob sa atin ng Panginoon at manampalataya sa plano ng Ama sa Langit para sa atin.

Tulad ng pinatotohanan ni Elder Andersen, “Nangangako ako sa inyo na kapag nagtiwala kayo sa Panginoon, ang mga pagpapala mula sa langit ay susunod.”8