Liahona
Ang mga Pagpapala ng Pagsunod
Pebrero 2024


Digital Lamang: Mga Turo ng mga Pinuno ng Simbahan mula sa Social Media

Ang mga Pagpapala ng Pagsunod

Tingnan kung ano ang mga naituro ng mga propeta, apostol, at iba pang mga pinuno ng Simbahan sa social media tungkol sa pagsunod sa mga utos ng Diyos.

Larawan
si Cristo na pinangangalagaan ang isang tupa

Gentle Shepherd [Magiliw na Pastol], ni Yongsung Kim

Nang magsalita tungkol sa pagtuturo sa mga bata, binanggit ni Pangulong Russell M. Nelson ang kapangyarihan ng pagsunod sa mga utos ng Ama sa Langit. Sabi niya:

“Ituro ang pananampalatayang sundin ang lahat ng utos ng Diyos, batid na ibinigay ang mga ito upang pagpalain ang Kanyang mga anak at dulutan sila ng kagalakan (tingnan sa 2 Nephi 2:25). Balaan sila na may makakaharap silang mga tao na namimili kung aling mga utos ang susundin at binabalewala ang ibang mga utos na pini[pi]li nilang labagin. Ang tawag ko [r]ito ay estilo ng turu-turo sa pagsunod. Hindi uubra ang ganitong pagpili. Hahantong ito sa kalungkutan. Sa paghahandang humarap sa Diyos, sinusunod ng isang tao ang lahat ng Kanyang utos. Kailangan ng pananampalataya para masunod ang mga ito, at ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay magpapalakas sa pananampalatayang iyon.

“Sa pagsunod ay patuloy na dadaloy ang mga pagpapala ng Diyos. Bibiyayaan Niya ang Kanyang masunuring mga anak ng kalayaan mula sa pagkaalipin at kalungkutan. At bibiyayaan Niya sila ng [higit na] kaliwanagan.”1

Kapag ipinakita natin ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos (tingnan sa Juan 14:15), makatatanggap tayo ng makapangyarihang mga pagpapala. Para matulungan tayo sa ating pagsisikap na mas masunod ang mga utos ng Diyos, isipin ang mga turong ito kamakailan mula sa mga pinuno ng Simbahan na naka-post sa social media.

Ang Unang Dakilang Utos—Ibigin ang Diyos

Larawan
Pangulong Dallin H. Oaks

“Bilang dating pangulo ng [Brigham Young University], nasiyahan akong magsalita sa mga estudyante at faculty sa debosyonal na ito ngayong umaga. …

“Inanyayahan ko ang mga estudyante na pag-isipan kung naglalakas-loob ba silang maiba at kung sumusulong ba sila laban sa oposisyon ng mundo. Mas mahalaga kaysa sa ginagawa ng isang indibiduwal bilang estudyante ang mga pagpiling ginagawa nila sa kanilang personal na buhay—ang mga prayoridad na sadya o di-sadyang inuuna nila.

“Hindi natin dapat kalimutan ang turo ng Tagapagligtas na ang ‘dakila at unang utos’ sa batas ay ‘ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo,’ at ang pangalawang utos ‘ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.’

“Ang pagmamahal sa kapwa—gaano man kahalaga—ay hindi nauuna sa pagmamahal sa Diyos at sa pagsunod sa Kanyang mga utos. Kung talagang minamahal natin ang Diyos at naglilingkod tayo sa Kanya tulad ng itinuro Niya sa atin, mamahalin natin ang ating kapwa tulad ng pagmamahal sa kanya ng Diyos at tulad ng paraan na nais Niyang mahalin at paglingkuran natin sila.

“Si Jesus ay laging mapagmahal, ngunit palaging tuwiran sa Kanyang mga utos at inaasahan. Sa babaeng nahuling nangangalunya, hindi Niya ito hinatulan noon, kundi ipinasiya Niyang utusan ito na ‘humayo … at huwag nang magkasala.’

“At tinapos Niya ang mahigpit na pagtuturo ng Sermon sa Bundok na may walang-kapantay na utos na ‘Kaya’t kayo nga’y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal.’ Sumusulong tayo tungo sa banal na kalagayang iyan sa pamamagitan ng mga prayoridad na sumusunod sa Tagapagligtas nang hindi nakokompromiso sa mga pinahahalagahan at pag-uugali ng mundo.

“Ang pagsunod sa mga pamantayan ng ebanghelyo ay hindi nagpapababa sa inyong uri o hinahatulan na mahirap unawain ang inyong halimbawa. Lahat tayo may kilalang mga tao na ang ginagawa ay nagpapataas sa kalidad at mas nakikita sa pamamagitan ng pagiging naiiba sa mga tao.

“Inuulit ko ang mga salitang naituro ni Pangulong Russell M. Nelson: ‘Paniwalaan [sana ninyo] ako na kapag [matatag] ang inyong espirituwal na pundasyon kay Jesucristo, hindi kayo kailangang matakot. Kapag tapat kayo sa inyong mga tipan na ginawa sa templo, mapalalakas kayo ng Kanyang kapangyarihan.’”

Pangulong Dallin H. Oaks, Facebook, Set.13, 2022, facebook.com/dallin.h.oaks.

Ang Utos na Magpabinyag

“Ang ebanghelyo ay simple. Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, tayo ay malilinis at mababago. Nagsisimula ito sa pananampalataya kay Jesucristo. Tayo ay naniniwala sa Kanya, nagtitiwala sa Kanya, at umaasa sa Kanya. Inaakay tayo ng pananampalatayang iyan na magsisi.

“Nais nating ipakita ang ating pagmamahal sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan. Nagturo si Jesus sa pamamagitan ng halimbawa nang mabinyagan Siya mismo. Ang binyag ay isa sa Kanyang mga utos.

“Matapos tayong mabinyagan, nangangako Siya na ibibigay Niya sa atin ang kaloob na Espiritu Santo. Gagabayan tayo at papanatagin, at tutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman ang katotohanan. Madarama natin na kasama natin ang Espiritu Santo. Madarama natin ang kapayapaan, pagmamahal, at kagalakan, at magkakaroon tayo ng hangaring paglingkuran ang iba. Habang buhay nating sisikaping bigyang-kasiyahan ang Panginoon.

“Kapag tayo ay naniniwala sa Kanya, nagtitiwala sa Kanya, at umaasa sa Kanya—at ginagawa natin ito nang mas madalas—madarama natin ang kapanatagang kalakip ng pagsama ng Espiritu Santo. Magkakaroon tayo ng lakas na tiisin ang anumang hamong inihaharap sa atin at susundin ang mga kautusan nang walang pilitan.”

Pangulong Henry B. Eyring, Facebook, Hunyo 24, 2023, facebook.com/henry.b.eyring.

Isang Susi sa Paghahanap ng Kaligayahan

Larawan
Pangulong M. Russell Ballard

“Nag-uumapaw ang kabutihan ng Panginoon at Kanyang tiwala sa inyo at sa akin. Lahat tayo ay pawang mga karaniwang miyembro ng Simbahan. Walang sikat sa atin. Mga anak lang tayo ng Diyos na nagsisikap gawin ang tama para sa tamang dahilan. Sinisikap nating itaguyod ang ating pamilya sa tamang landas upang mahalin nila ang Panginoon at naisin nilang sikapin na sundin ang Kanyang mga utos. Habang ginagawa natin ito, mayroon tayong maganda at piling mga pribilehiyo at oportunidad.

“Kapag sumapit ang huling paghuhukom sa atin, hindi ito ibabatay sa bilang ng mga miting na dinaluhan natin, bilang ng mga miting na isinagawa natin, o lahat ng pagbisitang ginawa natin. Sa halip, labis na pasasalamatan ng Panginoon ang mga naghahanap at tumutulong sa iba sa landas ng tipan.

“Si Jesucristo ay ating kapatid at ating matalik na kaibigan. Mahal Niya tayo at ipinakita na Niya sa atin ang daan. Ang mga bagay na kailangan natin para makahanap ng kaligayahan ay nasa pagsisikap na sundin ang Kanyang mga utos at pagsisikap na maging katulad Niya sa abot ng ating makakaya. Bawat araw ay isang oportunidad na antigin ang isang buhay, tulungan ang isang taong nangangailangan sa inyo at magbigay ng salita ng panghihikayat.”

Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023), Facebook, Set. 26, 2021, facebook.com/mrussell.ballard.

Tulong mula sa Tagapagligtas

Larawan
Elder Gary E. Stevenson

“Ikinarangal namin ni Lesa na makasama sandali ang pambihirang grupong ito ng mga missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kamakailan nang bumisita kami sa Brazil Missionary Training Center. Nagsalita kami tungkol sa mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Totoo ito para sa mga missionary—at para sa ating lahat.

“Ibinahagi ko sa kahanga-hangang mga elder at sister na ito na lahat tayo ay anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Hangad Niya ang ating tagumpay sa huli at walang-hanggang pag-unlad sa buhay na ito at sa kabilang-buhay.

“Matutulungan tayo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo na matanggap ang mga pagpapalang ito mula sa ating Ama. Pinatototohanan ko Siya, at ang Kanyang banal na tungkuling tubusin tayo bilang ating Tagapagligtas.”

Elder Gary E. Stevenson, Facebook, Hunyo 1, 2023, facebook.com/stevenson.gary.e.

3 Paraan para Makatanggap ng Espirituwal na Kanlungan

Larawan
Elder Ulisses Soares

“Mapoprotektahan natin ang ating sarili mula sa mga kumplikadong buhawi sa buhay sa ‘espirituwal na kanlungan ng Tagapagligtas.’ Kabilang sa tatlong aspetong makakatulong sa atin na makasilong sa espirituwal na kanlungan ng Tagapagligtas ang:

“Paghiling sa kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay.

“Pagtupad at paggalang sa mga sagradong tipan nang may kahustuhan.

“Pagiging tapat sa mga personal at pampamilyang responsibilidad na sundin ang mga kautusan at ituro sa ating pamilya ang ebanghelyo.

“Kung tapat at palagi nating sinusunod ang mga utos ng Diyos nang may pananampalataya at kasigasigan, tiyak na mapapalitan ng kapanatagan ng kanlungan ng Tagapagligtas ang sakit ng ating mga karanasan, mapapalitan ng kapayapaan ang kaguluhan, mapapalitan ng pag-asa ang kalungkutan, at magiging mga pagpapala ang mga pagsubok.”

Elder Ulisses Soares, Facebook, Peb. 9, 2023, facebook.com/soares.u.

Mas Sadyang Pagsasabuhay

Larawan
Sister J. Anette Dennis

“Sumapit at lumipas ang isa pang kamangha-manghang Kapaskuhan. Hinihiling ng karamihan sa atin na manatili sa buong taon ang magagandang damdaming nakapalibot sa Pasko, ngunit bakit hindi natin dapat madama ang mga ito nang mas madalas? Ang Pasko ay panahon kung kailan likas nating mas nakakahiligang makita at mapaglingkuran at mahalin ang iba na isang paraan, sabi nga sa atin sa mga banal na kasulatan, para mahalin at paglingkuran ang Diyos—mga kaloob para sa Tagapagligtas sa panahong ito kapag ipinagdiriwang natin ang Kanyang pagsilang. Ito ay panahon ng higit na pagtutuon sa iba, mas sadyang pagsasabuhay ng una at pangalawang dakilang utos.

“Ang mga utos na mahalin at paglingkuran ang Diyos at ang mga nasa paligid natin ay para talaga sa sarili nating kapakinabangan at mas malaki ang magagawa para maihatid ang magagandang damdaming iyon ng kapayapaan at kagalakan sa ating buhay kaysa sa anupamang bagay. Kapag araw-araw nating sinusunod ang halimbawa ng pagmamahal at pangangalaga ng ating Tagapagligtas sa iba, kahit sa napakaliliit na paraan, mas madalas natin Siyang maaalala at unti-unti tayong magiging higit na katulad Niya. Pagkatapos ay magiging ‘parang Pasko ang pakiramdam’ araw-araw dahil ang magagandang damdaming iyon ay maaaring dumating kapag napuspos tayo ng pagmamahal ng Tagapagligtas. Tingnan natin kung magagawa nating ‘parang Pasko ang pakiramdam’ ngayong bagong taon nang mas madalas. Nawa’y mapuspos ni Cristo ang taon ng bawat isa sa inyo!”

Sister J. Anette Dennis, Facebook, Ene. 3, 2023, facebook.com/RS1stCounselor.

Isang Paanyaya mula sa Diyos na Sumunod sa Kanya

Larawan
Sister Tracy Y. Browning

“Isa sa … mga awitin sa Primary na napag-aralan ko kamakailan ang ‘I Need My Heavenly Father’ [Children’s Songbook, 18]. Gustung-gusto ko kung paano ibinabahagi ng awiting ito na nais ng ating Ama sa Langit na lumigaya tayo at na maaari tayong lumigaya sa pagpiling sundin Siya at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin. Paano ninyo pipiliing paglingkuran Siya ngayon?” …

“Gusto ko lang [magbahagi] ng isang taludtod mula sa awiting iyon. Sabi rito, ‘Ama’y aking kailangan, ako’y tutulungan. Nais Niyang ako’y lumigaya at piliin ang tama.’ Gustung-gusto ko ito dahil isang paanyaya ito na alalahanin na ang Diyos ay nagaganyak ng pagmamahal para sa atin at para sa ating kaligayahan.

“Nagkaroon din ako ng pagkakataong mabasa … ang isa sa mga reperensya sa banal na kasulatan na matatagpuan sa awitin, at ito ay nasa Alma 30:8. Sabi rito, ‘Sapagkat ganito ang wika ng mga banal na kasulatan: Piliin ninyo sa araw na ito, kung sino ang inyong paglilingkuran.’

“Mga kaibigan, umaasa ako na sasamahan ninyo ako at pipiliin ninyong paglingkuran ang Ama sa Langit ngayon at sa araw-araw dahil Siya ay nagaganyak ng pagmamahal. Mahal natin Siya, at nais natin ang kaligayahang iyan sa ating buhay.”

Sister Tracy Y. Browning, Facebook, Set. 26, 2022, facebook.com/Primary2ndCounselor.