Liahona
Ikapu: Ang Ating Pagpapahayag ng Pananampalataya
Pebrero 2024


“Ikapu: Ang Ating Pagpapahayag ng Pananampalataya,” Liahona, Peb. 2024.

Ikapu: Ang Ating Pagpapahayag ng Pananampalataya

Nalungkot ako nang hindi ako makakuha ng panibagong temple recommend, pero ang pananampalataya kong simulang sundin ang batas ng ikapu ay muling naghatid ng malalaking pagpapala at kapayapaan.

Larawan
pamilyang nakatipon para mag-bowling

Ang pamilya Datiles na nagkakatuwaan sa isang bowling activity. Noong maliliit pa ang mga bata, nahirapan si Brother Datiles na magbayad ng ikapu dahil pabagsak na ang negosyo niya. Nagtakda silang mag-asawa ng mithiin na magbayad ng buong ikapu.

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Ilang taon na ang nakararaan, noong maliliit pa ang mga anak ko, nakipagkita ako sa aking priesthood leader upang makakuha ako ng panibagong temple recommend. Pero nang tanungin niya kung nagbabayad ako ng buong ikapu, kinailangan ko siyang sagutin ng hindi. Gusto ko sana, pero hirap akong magbayad ng ikapu dahil sa maling desisyong nagawa ko sa bumagsak na negosyo.

Matapos makinig sa mga paghihirap ko at magtanong tungkol sa mga pinansyal na pangangailangan ko, mabait at mahabagin niyang ipinaalala sa akin ang kahalagahan ng pagsampalataya ko sa Panginoon at pagbabayad ng buong ikapu. Pagkatapos ay magkasama naming nirebyu ang nakasulat sa Malakias 3:10: “Subukin ninyo ako ngayon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Tingnan ninyo kung hindi ko bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit, at ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan.”

“Nauunawaan ko na masakit para sa iyo na hindi makakuha ng panibagong temple recommend sa pagkakataong ito,” sabi niya. “Pero ang kagalakang madarama mo at mga pagpapalang matatanggap mo ay magiging mas malaki matapos kang marangal na magbayad ng ikapu. Maaari tayong magkitang muli para sa pagkuha ng panibagong temple recommend pagkaraan ng tatlo hanggang anim na buwan.”

Pagkatapos ng interbyung iyon, pinag-usapan at ipinagdasal namin ito ng aking asawa. Tiyak namin na alam ng Ama sa Langit kung gaano namin kagustong makabalik sa templo para makilahok sa mga sagradong ordenansa. Ang pagpunta sa templo ay napakahalaga sa atin. Sa bahay ng Panginoon, hindi lamang natin natutulungan ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay, kundi nakararanas din tayo ng malaking kagalakan, kapayapaan, at kapanatagan. Ang lahat ng ito ay mga walang katumbas na pagpapala na makukuha natin sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo at pagsasagawa ng mga sagradong ordenansa roon. Napagtanto namin na hindi gaanong mahalaga ang pera sa ikapu kundi mas mahalaga ang pagsampalataya natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. At nagtakda kami ng mithiin na magbayad ng buong ikapu at makabalik sa templo.

Nasasaisip ang mga mithiing ito, nakadama kami ng pahiwatig na ibenta ang kotse namin. Iyon lamang ang tanging paraan upang komportableng makabiyahe ang aming pamilya, pero nanampalataya kami na pagpapalain kami ng Panginoon kung isasakripisyo namin ito. Alam namin na mahihirapan kaming sumakay sa jeep na hawak ang tatlong maliliit na batang babae habang bitbit ng asawa ko ang mga bag namin, pero alam namin na iyon ang tamang gawin upang makamit ang aming mga mithiin. Nagsimula kaming magbayad ng buong ikapu.

Pagkaraan ng tatlong buwan, nakipagkita akong muli sa aking priesthood leader para sa follow-up interview. Tinanong niya ako tungkol sa aking patotoo sa ikapu, at nagawa kong sabihin sa kanya na nagbabayad ako ng buong ikapu.

Sa wakas ay nakakuha kaming mag-asawa ng panibagong mga temple recommend, at agad kaming bumalik sa templo. Nakamit namin ang aming mithiing makabalik sa templo upang makipagtipan at magsagawa ng mga ordenansa para sa aming mga ninuno. Nagsimulang bumukas ang mga bintana ng langit. Nagsimulang bumuhos ang mga pagpapala. Mahirap ipaliwanag ang nadama kong kaligayahan at kapayapaan ng kalooban.

Sumakay pa rin kami sa mga jeep at kung minsa’y lumagpas kami sa bababaan namin dahil nakatulog kami, pero ang kagalakan sa pagbabayad ng buong ikapu at ang mga pagpapala ng pagsamba sa templo ay mas matindi kaysa sa anumang pisikal na paghihirap.

Nagpatuloy ang mga pagpapala. Pagkaraan ng anim na buwan, na-promote ako sa trabaho, kung saan hindi lamang ako nakatanggap ng mas mataas na suweldo kundi naging kwalipikado pa akong magkakotse. Pagkaraan ng anim na buwan, binigyan kami ng Panginoon ng bagong sasakyan—muling nagkaroon ng sasakyan ang aming pamilya, na mas komportable ngayon kaysa sa kotse na ibinenta namin.

Tinupad ng Panginoon ang mga pangako Niya sa akin, at sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan, tinutupad ko rin ang mga pangako ko sa Kanya.

Ang awtor ay naninirahan sa Laguna, Pilipinas.