2020
Amin Pa Rin Siya
Oktubre 2020


Amin Pa Rin Siya

Nakatakda kaming magpabuklod ng aking asawa noon, ngunit hindi lang pala kaming dalawa ang maaapektuhan ng sagradong ordenansang ito.

Larawan
photo of baby and temple

Paglalarawan ni Joshua Dennis

Matapos ang pitong taon ng pag-asam at paghihintay na magkaanak, sa wakas ay nabiyayaan din kaming mag-asawa ng isang anak na babae. Si Alicie ang tanglaw ng aming buhay, ngunit limang buwan lang siya nabuhay bago siya namatay dahil sa pulmonya.

Iyon ang pinakamahirap na karanasan sa aking buhay. Araw-araw, pagkauwi ko galing sa trabaho, ako ay yumuyupyop at umiiyak. Madalas akong tabihan ng aking mga biyenan para palakasin ako. Patuloy akong nanalangin na muling magkaanak, ngunit walang dumating. Sa sobrang kalungkutan ko ay hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko.

Sinimulan kaming hikayatin ng aking mga biyenan na magpunta sa Suva Fiji Temple para mabuklod. Hindi pa kami nakakapunta sa templo noon, kaya nagpasiya kami na ito ang pinakamainam na paraan para makasumpong kami ng pag-asa at paggaling.

Walang nakapaghanda sa akin para sa naramdaman ko noong araw na iyon! Alam ko na mabubuklod kaming mag-asawa sa kawalang-hanggan. Napuno ako ng pasasalamat at pagmamahal dahil sa kaalamang ito. Ngunit hindi ko pa nauunawaan noon na hindi lang pala kaming dalawa ang maaapektuhan ng sagradong ordenansang ito.

Sa templo, nalaman ko na maaaring mabuklod sa amin si Alicie. Napaiyak ako sa tuwa nang malaman ko ang sagradong doktrinang ito. Magiging amin ang aming anak magpasawalang-hanggan! Pinatototohanan kong naibigay na ng Diyos ang lahat ng kailangan natin para lumigaya sa Kanyang banal na bahay.

Sa mga sumunod na taon mula noon, nabiyayaan kaming mag-asawa ng isang anak na lalaki at tatlong anak na ampon. Subalit kailanman ay hindi namin makakalimutan si Alicie. Dahil sa mga ordenansa sa templo, ang aming anak na babae ay bahagi ng aming pamilya magpakailanman.

Kapag may nakikilala akong isang tao na nawalan ng anak, nararamdaman ko ang sakit na nararamdaman niya. Ngunit alam ko rin na hindi ang sakit na iyon ang wakas ng lahat. Sa pamamagitan ng pagkawala ni Alicie, gayundin ng pagdanas ng iba pang pagsubok, nalaman ko na nariyan ang Diyos para sa akin. Kapag pinanghihinaan ako ng loob o nagrereklamo ako tungkol sa mga bagay-bagay, alam ko na nariyan palagi ang Diyos.

Alam ko na makikita kong muli si Alicie, at patuloy kaming napupuno ng matinding kagalakan dahil sa katotohanang iyon.