2019
Paggalang sa mga Katawang Ipinagkaloob sa Atin
Agosto 2019


Ang Huling Salita

Paggalang sa mga Katawang Ipinagkaloob sa Atin

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2010.

Larawan
Your Body Is Like a Temple

Ang tunay na tagumpay sa buhay na ito ay nagmumula sa paglalaan ng ating buhay—iyon ay, ang ating panahon at mga pagpili—sa mga layunin ng Diyos (tingnan sa Juan 17:1, 4; Doktrina at mga Tipan 19:19). Sa paggawa nito, tinutulutan natin Siya na iangat tayo sa pinakamaluwalhati nating tadhana.

Ang buhay na inilaan ay gumagalang sa hindi matatawarang kaloob na pisikal na katawan ng tao, na nilikha sa wangis ng Diyos. Ang pangunahing layunin ng mortal na buhay na ito ay magkaroon ng katawan ang bawat espiritu at matutuhang gamitin ang kalayaan sa pagpili sa mortal na katawang ito. Ang pisikal na katawan ay mahalaga rin sa kadakilaan na nangyayari lamang sa ganap na pagsasama ng katawan at espiritu, tulad ng nakita natin sa ating pinakamamahal, nabuhay na muling Panginoon. Sa makasalanang mundong ito, ang ilang buhay ay maikli lamang, ang ilang katawan ay magkakaroon ng depekto, kapansanan, o hindi gaanong malakas para mabuhay, subalit ang buhay ay sapat na para sa bawat espiritu, at bawat katawan ay mabubuhay muli.

Yaong mga naniniwala na nagkataon lang at sanhi ng ebolusyon ang pagkalikha ng ating katawan ay hindi makadaramang may pananagutan sila sa Diyos o sa sinuman sa kahit anong gawin nila sa kanilang katawan. Gayunpaman, tayo na may pananaw na pangwalang-hanggan ay dapat kilalaning may tungkulin tayo sa Diyos hinggil sa paraan ng pagtrato natin sa ating mga katawan. Sa mga salita ni Pablo:

“O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios, at hindi kayo sa inyong sarili?

“Sapagka’t kayo’y binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan, [at inyong espiritu] ang Dios” (I Mga Taga Corinto 6:19–20).

Tinatanggap ang mga katotohanang ito at ang tagubilin ng mga propeta sa panahon ngayon, tiyak na hindi natin papapangitin ang ating katawan sa pagpapatato, o pahihinain ito sa paggamit ng mga droga, o dumihan ito sa pangangalunya, pakikiapid, o kahalayan. Dahil ito ang katawan ng ating espiritu, napakahalagang pangalagaan natin ito sa abot ng ating makakaya. Dapat nating ilaan ang lakas at mga kakayahan nito upang makapaglingkod at maipalaganap ang gawain ni Cristo. Sabi ni Pablo, “Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alangalang sa mga kahabagan ng Dios, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios” (Mga Taga Roma 12:1).