2019
Isang Tungkulin para kay John
Agosto 2019


Isang Tungkulin para kay John

Larawan
older man in workshop

Paglalarawan ni John Kachik

Bilang isang bagong bishop maraming taon na ang nakararaan, napansin ko ang isang matapat na sister na palaging nagsisimba nang hindi kasama ang kanyang asawang si John. Nalaman ko na dati siyang naging branch president noong itinatayo ang kanilang meetinghouse. Napakaliit ng tulong na natanggap niya mula sa mga miyembro ng branch kaya napagod siya nang husto sa paggawa ng karamihan sa trabaho at naging hindi gaanong aktibo.

Kapag pumupunta ang mga miyembro ng ward sa kanilang bahay, sinisindihan niya ang kanyang sigarilyo at inilalagay ang bote ng alak sa kanyang upuan na tila ba sinasabi na “Hindi ninyo ako mapapabalik.”

Kalaunan, nalaman ko na si John ay isang tagakumpuni ng mga sirang kagamitan. Madalas akong tawagan ng mga nakatatandang miyembro ng ward para magkumpuni ng mga bagay-bagay. Ngayong alam ko na ang tungkol sa mga kasanayan ni John, tumatawag ako kay John at humihingi ng payo sa pagkukumpuni.

Marahil ay ipinagpatuloy ko ito sa loob ng humigit-kumulang isang taon. Noong panahong iyon, kinailangan naming tumawag ng isang ward clerk. Matapos ang mapanalanging pagbubulay-bulay, nagkaroon ako ng impresyon na ibigay kay John ang tungkulin.

Sinabi ko ito sa stake president at sinabi niya, “Hindi natin siya maaaring tawagin ngayon! Naninigarilyo siya at umiinom ng alak.” Gayunpaman, hiniling ko sa stake president na tawagan pa rin siya para sa isang panayam. Dumating si John sa panayam ngunit malinaw na tumugon na “Hindi, hindi ako marapat.”

Nagpatuloy ang mga bagay-bagay tulad ng dati—nanatiling hindi gaanong aktibo si John, at tumatawag pa rin ako sa kanya para humingi ng payo. Sa pagkakataong ito, wala akong sinabi sa kanya na anuman tungkol sa pagbalik sa Simbahan. Hiniling ko sa stake president na kausapin siya sa ikalawang pagkakataon. Muling tumanggi si John, pero sa pagkakataong ito ay idinagdag niya, “Sasabihin ko sa inyo kapag handa na ako.”

Pagkatapos nito ay tumawag pa rin ako kay John para humingi ng payo at kinaibigan ko siya sa abot ng aking makakaya.

Isang araw ay sinagot ko ang telepono at narinig ang “Ito ba ang aking Bishop?” Nagsimula na niya akong tawagin sa titulong iyon. “Si John ito. Handa na ako.” Pagkatapos noon, siya ay tinawag at naglingkod bilang aming ward clerk.

Sa paglipas ng mga taon, nagkaroon si John ng ilang mga tungkulin. Naglingkod siya kasama ng kanyang asawa sa isang misyon, at ngayon ay naglilingkod sila sa templo. Sa handaan para sa ika-50 anibersaryo ng aking kasal, sumulat sa akin si John at nagsabing, “Bishop, salamat sa pagliligtas ng aking buhay.”

Hindi ko mailarawan ang kagalakan na nadarama ko dahil sa kaalaman na bumalik si John sa simbahan at bahagi nito ay dahil naging matiyaga ako at humingi ako ng tulong sa kanya noong kailangan ko ito.