2019
Ang Pagpapala ng Isang Pagkawala
Agosto 2019


Ang Pagpapala ng Isang Pagkawala

Sa wakas, pagkatapos ng pagsisikap sa loob ng mahabang panahon, ipinagbubuntis ko na ang aming panganay na anak. Nakaramdam kami ng lubos na kagalakan at emosyon! Naging maayos ang lahat. Ang aming anak na babae ay lumalaki, at ang lahat ng mga nakapaligid sa amin ay masaya tulad namin dahil sa pagpapala ng pinakahihintay na anak na ito.

Ngunit nagsimula akong makaranas ng mga problema sa kalusugan. Isang hindi pangkaraniwang komplikasyon sa dugo at atay ang naging banta kapwa sa sanggol at sa akin. May natuklasan din ang mga doktor na pamumuo ng dugo sa inunan. Noong anim na buwan na akong buntis, kinailangan nang isilang ang aming anak na babae.

Noong ipinanganak siya, ang kanyang timbang ay mas mababa pa sa isang libra (0.5 kg) at ang kanyang haba ay higit lang nang kaunti sa 10 pulgada (25 cm). Sa ospital, tinawag siya ng mga nars na aming “maliit na mandirigma.” Ngunit apat na araw matapos siyang maipanganak, lumala ang kanyang kalagayan at siya ay pumanaw. Ang pagluluwal sa aking anak at pagkatapos ay pag-uwi nang wala siya sa aking mga bisig habang nakikita ang maliliit na bagay na binili namin para sa kanya sa bahay ay nagdulot sa akin ng napakatinding sakit!

Naglakbay ako kasama ang kanyang maliit na kabaong na nakapatong sa aking hita nang halos 190 milya (300 km) hanggang sa makarating kami sa aming lupang tinubuan na Garruchos at inilibing siya roon. Kung minsan ay nadarama ko ang kanyang presensya, na tila ba hinahawakan niya ang aking mukha gamit ang kanyang kamay. Inilaan ng aking asawang si Gustavo ang puntod, at inilibing namin siya.

Nanatili kami ng tatlong araw sa tahanan ng aking mga magulang, kung saan binisita kami ng mga tao. Hindi maunawaan ng ilan kung bakit pinahintulutan ng Diyos na mangyari ito sa amin. Pero hindi namin sinumbatan ang Panginoon. Pinili Niya kami na maging mga magulang ng espesyal na taong ito, ng maliit na anghel na ito, na nangailangan lamang ng ilang araw dito sa mundo para tapusin ang kanyang misyon. Hindi namin ito itinuturing na isang parusa o isang pagsubok. Itinuturing namin ito na isang pagpapala. Tungkulin naman namin ngayon na maging marapat na makasama siyang muli.

Ang ebanghelyo ay nagbibigay sa amin ng pag-unawa, lakas, at pag-asa na mapapalaki namin siya balang-araw. Siyempre, may mga pagkakataon na nalulungkot kami, at kung minsan ay nakadarama kami ng kawalan. Ngunit inaalo kami ng Espiritu.

Sinusubukan namin na magkaroon ng isa pang sanggol, at alam namin na nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa plano at panahon ng Panginoon. Mahal tayo ng Ama sa Langit at hindi Niya tayo pababayaan. Lubos kaming nagpapasalamat sa Kanya para sa paghahanda ng paraan para magkasama kami balang-araw bilang isang pamilya.