2019
Paano Mapapahusay ng Seminary ang Karanasan ng Inyong Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 2019


Paano Mapapahusay ng Seminary ang Karanasan ng Inyong Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Ang mga awtor ay mga guro sa seminary sa Utah, USA.

Mga magulang, narito ang paraan kung paano mas mapapahusay ng seminary ang inyong pag-aaral ng ebanghelyo bilang pamilya.

Larawan
family rowing in different directions

Noon, maraming mga pamilya ang nahirapan na pagsabay-sabayin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa Simbahan, seminary, at sa tahanan. Ang mga pagbabago kamakailan ay makatutulong na maging mas maganda ang pag-uusap tungkol sa ebanghelyo ng lahat ng miyembro ng pamilya.

Mga paglalarawan ni Richard Mia

Noong Marso 2019, nag-anunsiyo ang Unang Panguluhan ng isang malaking pagbabago sa seminary. Pinag-aaralan na ngayon ng mga klase sa seminary sa buong mundo ang kaparehong aklat ng banal na kasulatan na pinag-aaralan ng mga indibiduwal at pamilya sa tahanan at sa simbahan bilang bahagi ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Bilang mga guro sa seminary (at mga magulang), talagang nasasabik kami rito!

Ang isang madaling makitang biyaya ay kung paano nito gagawing simple ang buhay ng ating mga tinedyer. Bukod sa mga gawain sa paaralan, sports, trabaho, oras sa pamilya, at oras kasama ang mga kaibigan at kakilala, noon, maraming kabataan ang sumubok na mag-aral mula sa tatlong magkakaibang aklat ng banal na kasulatan: isa sa seminary, isa para sa Sunday School, at isa para sa pag-aaral ng pamilya. Napakarami niyon.

Ngayong pinag-isa na ng mga pinuno ng Simbahan ang mga banal na kasulatan na pinag-aaralan sa tahanan at sa Sunday School, hindi na nakapagtataka na isama sa pagbabagong ito ang seminary. Tinutulutan nito ang mga kabataan na mas malalim na pag-aralan ang isang aklat ng banal na kasulatan. Ngunit ang pagpapasimple ay simula lamang nito.

Pagpapalakas ng Tahanan

Itinuro ni Sister Bonnie H. Cordon, Young Women General President, na kapag ang mga kabataan ay hinihilingan na “maging bahagi ng pagtuturo, na maging bahagi ng malaking pagkilos sa tahanan,” tutulong sila sa “pagpapalakas ng tahanan.”1

Uhaw sa katotohanan at sabik na magbahagi ang mga kabataan! Maaaring mahirap itong paniwalaan kung hindi sumasagot sa mga tanong at nakatunganga ang mga tinedyer sa inyo. Bilang mga magulang at guro, lahat tayo ay naranasan na ito! Bilang mga guro sa seminary, lagi kaming nagtatanong sa mga tinedyer. Minsan wala kaming nakukuhang sagot dahil hindi alam ng mga kabataan ang sagot. Ngunit nang pag-isahin ang kurikulum ng seminary at Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, naging mas madali sa mga kabataang dumadalo sa seminary na ipamuhay ang mga bagay na natututuhan nila sa seminary sa pag-uusap ng pamilya tungkol sa ebanghelyo at gayundin naman sa seminary. Nakita na namin ito sa aming mga klase sa seminary.

Pagdadala ng Pag-aaral ng Ebanghelyo mula sa Tahanan tungo sa Seminary

Sa simula ng 2019, nang ang bagong Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay nag-uumpisa pa lamang, naramdaman namin ang pagkasabik ng mga estudyante. Kahit na nag-aaral kami mula sa Doktrina at mga Tipan sa seminary, nagsimula silang magbahagi ng mga bagay na natutuhan nila sa pag-aaral ng Bagong Tipan kasama ang kanilang mga pamilya. Totoong sabik na sabik sila rito. Nang pinag-aralan namin ang Doktrina at mga Tipan 89 (ang Word of Wisdom) sa seminary, kasabay ito ng pag-aaral sa Juan 2 (nang ginawang alak ni Jesus ang tubig) sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Ang paghahanap ng magkakatulad na mga alituntunin at ideya sa dalawang babasahin ay nagbigay ng pagkakataon sa mga estudyante na ibahagi sa kanilang mga kaibigan ang mga napag-aralan nila sa tahanan. Mas nakilahok sila, at ang pag-uusap ay mas maganda dahil may mga bagay na masasabi ang mga estudyante. Nagawa nilang idugtong ang mga napag-aralan nila sa bahay sa pinag-aaralan namin sa seminary.

Larawan
family rowing in the same direction

Pagdadala ng Seminary sa Tahanan

Sa 2020, ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa tahanan, sa seminary, at sa Sunday School ay magbibigay ng mas maraming pagkakataon sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga natututuhan sa mga lugar na iyon.

May ilang mga istratehiya sa pagkatuto na ginagamit namin sa seminary na maaaring makatulong sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan bilang isang pamilya. Ang pag-alam sa mga ito ay makatutulong sa inyo na makakita ng mga paraan upang mas makilahok ang inyong mga tinedyer sa pag-aaral ng banal na kasulatan na nakasentro sa tahanan.

Sa pag-aaral ninyo bilang pamilya, malamang na nasimulan na ng tinedyer ninyo ang pag-aaral ng kaparehong mga alituntunin mula sa kaparehong aklat ng banal na kasulatan, at mayroon na silang kaalaman kung napag-aralan na nila ang mga alituntuning iyon sa seminary. Hindi sila makararamdam ng “pagkabigla” kapag tinanong ninyo sila dahil may mga bagay na silang handang ibahagi. Ang mga karanasan nila sa seminary ay tutulong sa kanila na makatanggap ng abilidad na pag-usapan ang ebanghelyo sa tahanan. Ang mga family home evening at pag-aaral ng ebanghelyo bilang pamilya ay magiging oras ng pagbabahagi ng mga personal na natutuhan sa isa’t isa.

Ilan sa mga tanong na walang iisang sagot na maaari ninyo itanong sa mga tinedyer ay:

  1. Ano ang espirituwal na karanasan mo sa seminary ngayong araw?

  2. Alin sa mga natutuhan mo ngayong araw ang may pinakamalaking epekto sa iyo?

  3. Anong alituntunin na natutuhan mo sa seminary ang makatutulong sa atin bilang isang pamilya?

  4. Anong kuwento mula sa mga banal na kasulatan na natutuhan mo ngayong araw ang maaari mong ibahagi sa amin?

  5. Anong kuwento mula sa banal na kasulatan sa seminary ang nagkaroon ng epekto sa iyong buhay?

  6. Paano ka nabigyang inspirasyon ng seminary na maging mas mabuti ngayong araw?

  7. Ano ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa natutuhan mo sa seminary?

Maaaring may mga panahon na mauuna ang pag-aaral ninyo bilang pamilya kaysa sa pinag-aaralan sa seminary. Sa mga panahong ito, ang mga tanong na iyon ay maaaring gamitin ng mga seminary teacher upang makapagbahagi ang mga kabataan ng mga natututuhan nila sa tahanan.

Pagkabihasa sa Doktrina

Ang pagtuturo ng pag-aaral ng banal na kasulatan sa seminary ay hindi na nakatuon sa pagkabisa o pagsasaulo lamang. Nakatuon kami sa pagkabihasa sa doktrina—tinutulungan ang mga estudyante na maintindihan, gawin, at makatanggap ng patotoo tungkol sa doktrinang itinuro sa mga banal na kasulatan. Ito ay tungkol sa pagpapalalim ng pagbabalik-loob sa totoong doktrina at pag-alam kung paano ito ituturo nang mabisa.

Halimbawa, kung ang isang berso o talata ay nagtuturo tungkol sa Panguluhang Diyos, kapag pinag-aaralan namin ang berso na iyon sa seminary, naghahanap kami ng iba pang mga berso na nagtuturo tungkol sa Panguluhang Diyos. Pagkatapos ay hinihikayat namin ang mga estudyante na isulat ang mga matututuhan namin tungkol sa Panguluhang Diyos mula sa mga berso o talatang iyon. Sa huli, gumagawa kami ng mga sitwasyon kung saan maaaring mag-role play ang mga estudyante kung paano nila ipaliliwanag ang ating mga paniniwala tungkol sa ebanghelyo gamit ang mga berso o talatang iyon.

Maaari ninyong gamitin ang paraan na ito sa inyong tahanan at anyayahan ang inyong tinedyer na:

  1. Magturo ng mga alituntunin mula sa banal na kasulatan.

  2. Magbahagi ng mga cross-reference sa iba pang mga banal na kasulatan tungkol sa paksa.

  3. Tulungan ang inyong pamilya na kabisaduhin o tandaan kung paano mahahanap ang mga berso o talata.

  4. Pag-usapan kung paano magagamit ang mga aralin na ito sa inyong buhay.

Paghahanda para sa Malalim na Pagkatuto

Mayroong malaking pagbibigay-diin sa seminary sa isang bagay na tinatawag naming malalim na pagkatuto—pagkatuto na humahantong sa pagbabalik-loob. Isang susi sa malalim na pagkatuto ay ang pagpapabuti sa paghahanda na matuto. Ang pagpapabuti ng paghahanda ng estudyante ay iba-iba sa bawat klase sa seminary, ngunit ang isang bagay na sinusubukang gawin ng ilang mga klase sa seminary ay ang takdang-aralin sa paghahanda. Pinapauwi namin ang mga bata nang may itinakdang mga berso o talata sa banal na kasulatan na babasahin at ilang mga tanong sa pag-aaral upang tulungan silang pag-aralan ang mga banal na kasulatan na pag-aaralan namin sa klase. Kapag mas malapit na nauugnay ang kurikulum ng seminary at Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, ang mga takdang-aralin sa paghahanda ay maaaring ibahagi sa pamilya ng estudyante. Bibigyan nito ang mga pamilya ng isa pang paraan upang matuto nang magkakasama.

Maaari ninyo anyayahan ang inyong tinedyer na:

  1. Ibahagi ang takdang-aralin sa paghahanda sa pamilya.

  2. Pagkatapos ng aralin sa seminary, ibahagi ang natutuhan niya tungkol sa paksa.

Pagtatakda ng Tiyak na mga Layunin

Maaaring napansin na ninyo na ang kurikulum ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay madalas tayong hinihikayat na magtakda ng mga layunin. Ito ay isang bagay na binibigyang-diin din namin sa seminary. Tinuturuan namin ang aming mga estudyante na magtakda ng tiyak na mga layunin, hindi lamang pangkalahatang mga layunin tulad ng “Maging mas malusog.” Kapag ang isang estudyante ay nagtatakda ng isang layunin, nagpaplano sila kailan, saan, at paano nila makakamit ang layunin na iyon.

Halimbawa, kung ang isang tinedyer ay nagtakda ng layunin na madagdagan ang kanyang pasensya, ang susunod na hakbang ay pagpaplano kung paano niya gagawin ito. Sa anong mga paraan o sitwasyon ba nila nararamdaman na nahihirapan silang magpasensya? Isa sa mga estudyante ang nagpasiya na maaari siyang maging mas mapagpasensya kapag nagmamaneho siya. Nang pag-usapan namin kung paano siya magpapasensya sa ganoong sitwasyon, gumawa siya ng plano na makinig sa nakapagpapakalmang musika at maglagay ng paalala sa dashboard ng kanyang sasakyan na manalangin upang makatanggap ng pasensya sa bawat oras na magmamaneho siya.

Maaari ninyong anyayahan ang inyong tinedyer na:

  1. Talakayin ang kanyang mga layunin.

  2. Magbahagi kung paano ninyo maitatakda at makakamit ang magkakatulad na mga layunin bilang isang pamilya.

Bigyan ng Dagdag na Abilidad ang Inyong mga Anak upang Palakasin ang Inyong Tahanan

Mayroon kayong kamangha-manghang pagkakataon na magdagdag ng sigasig sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan bilang pamilya, at ngayon sa pinag-isang kurikulum, maaari ninyong anyayahan ang inyong mga anak na dumadalo sa seminary na ibahagi ang kanilang mga natututuhan. Kapag pinag-aaralan nila ang magkakatulad na mga banal na kasulatan sa seminary at kasama ang kanilang pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, mas madaragdagan ang kanilang abilidad na palakasin ang kanilang mga pamilya gamit ang kanilang mga natututuhan sa ebanghelyo.

Ang susunod na hakbang sa pagsisikap ng Simbahan na maging “isang Simbahan na nakasentro sa tahanan, na sinusuportahan ng mga nangyayari sa mga gusali ng ating ward, branch, at stake”2 ay nagbibigay ng dagdag na abilidad sa mga kabataan na gumanap sa isang mas malaking papel sa pagpapalakas ng kanilang mga tahanan. Sumasang-ayon kami kay Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol nang sinabi niyang: “Sa tingin namin ito ay isang malaking pag-unlad sa panahon ngayon kung kailan kailangan ng mga kabataan natin ng dagdag na lakas. Sa tingin namin, ito ay isang napakagandang pag-iisa na magdudulot ng koordinasyon sa iba pang ginagawa ng Simbahan, at naniniwala kami na ito ay magiging magandang katuwang ng sinusuportahan-ng-Simbahan—at ngayon ay sinusuportahan-ng-seminary—na pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan.”3

Mga Tala

  1. Bonnie H. Cordon, “Seminary Curriculum to Support Home-centered Learning” (video, Mar. 22, 2019), ChurchofJesusChrist.org.

  2. Russell M. Nelson, “Pambungad na Pananalita,” Liahona, Mayo 2018, 7.

  3. Jeffrey R. Holland, “Seminary Curriculum to Support Home-centered Learning.”