2019
Nahuli ng Pagdating sa Sakramento
Agosto 2019


PAGPUNTA sa SIMBAHAN

“Lagi siyang alalahanin at sundin ang kanyang mga kautusan” (Moroni 4:3).

Larawan
Getting to Church

“Sandali, hindi mo pa naubos ang banchan mo,” sabi ni Inay. Inilapit pa ni Inay ang maliliit na plato ng mga gulay kay Juhyuk.

Tiningnan ni Juhyuk ang kanyang almusal. Mahuhuli na siya! Karaniwang tinutulungan siya ng kanyang kuya sa paghahanda papuntang simbahan. Pero nasa ibang bayan ang kuya niya, kaya si Juhyuk lang ang mag-isang gagawa nito ngayon.

“Sige po, Inay,” sabi ni Juhyuk. Minadali niya ang pag-ubos ng pagkain. Pagkatapos ay niyakap niya si Inay at nagpunta na sa pintuan.

Pinatigil siya ni Inay. “Dala mo ba ang cell phone mo?”

Itinaas ito ni Juhyuk. “Opo. Mate-text ko po ang titser ko sa Primary kapag nagkaproblema ako.”

“At panloob na pangginaw? Maginaw.”

Ipinakita ni Juhyuk kay Inay ang kanyang pangginaw.

Tumango si Inay. Nagmadali nang lumabas ng kalye si Juhyuk. Napangiti siya sa lahat ng tunog na likha ng lungsod. Masayang tumira sa isa sa pinakamalalaking lungsod sa South Korea!

Pero inisip pa rin ni Juhyuk na sana ay kasama niya ang kanyang kapatid. Palagi silang magkasamang pumunta sa simbahan.

“Alam ko ang daan,” sabi niya sa sarili. At hindi nga nagtagal, nasa unang bus stop na siya.

Pero mag-isa lang siya roon. Nakakapagtaka ito. Tumingin siya sa kanyang relo. Baka hindi niya inabutan ang bus! Ngayon kailangan pa niyang hintayin ang susunod na bus.

Makaraan ang ilang minuto, nagdatingan na ang mga tao. Sa wakas, huminto ang bus na may matingkad na kulay asul. Sumakay si Juhyuk sa bus, nagbayad sa tsuper, at naupo.

Ta-tink!

Tiningnan ni Juhyuk ang message sa cell phone niya pagkatapos ng text alert. Mula iyon sa kanyang titser sa Primary.

“Nasa bus ka ba? Basta tandaan mo, kung naligaw ka, hahanapin ka namin!”

Ngumiti siya at sinagot ang text. “Opo. Nakasakay na po ako sa bus ngayon.”

Maiksi lang ang biyahe sa unang bus na ito. Ang pangalawang bus na dapat pa niyang sakyan ay bibiyahe nang mahigit isang oras.

Tiningnan ni Juhyuk ang oras at napasimangot. Ayaw niyang lumiban sa pagpunta sa simbahan. Gustung-gusto niya ang bahagi sa bawat panalangin sa sakramento na nagsasabi na, “lagi Siyang alalahanin.” Ibig sabihin niyan ay laging alalahanin si Jesus. At gustong gawin ni Juhyuk iyan.

Nang yayain siya at ang kuya niya ng kanyang tito at tita sa simbahan ilang buwan na ang nakaraan, nakilala niya ang mga missionary. Itinuro sa kanila nila Elder Kim at Elder Moon ang tungkol kay Jesus. Habang mas nalalaman ni Juhyuk ang tungkol kay Jesus, lalo niyang gustong isipin ang tungkol sa Kanya.

Ta-tink!

“Nasa ibang bus ka na ba?” sabi sa text.

“Hindi pa po,” ang sagot niya sa text.

Huminto ang bus sa mataong kalsada na pagbababaan ni Juhyuk para sa susunod na bus. Itinanong niya sa tsuper kung dumating na ang pangalawang bus.

“Nakalampas na,” sabi ng drayber. “Darating ang susunod na bus makaraan ang 15 minuto.”

“Ah, sige po,” sabi ni Juhyuk. Salamat!”

Sa huli, pagkatapos sumakay sa pangalawang bus, nagmamadaling pumasok si Juhyuk sa meetinghouse. Ipinagtabi siya ng kanyang tiya at tiyo ng upuan. Nakarating siya sa oras!

Inisip ni Juhyuk ang lahat ng ginawa niya para makarating sa simbahan. Inisip niya ang lahat ng taong tumulong sa kanya habang daan. Nadama niyang natuwa ang Ama sa Langit na naroon siya.

Tahimik na nagdasal si Juhyuk. “Salamat po, Ama sa Langit, na nakapagsimba ako ngayon.”