2019
Pamilyang Katulad ng mga Kabataang Mandirigma
Agosto 2019


Pamilyang Katulad ng mga Kabataang Mandirigma

“Inyong taglayin ang pangalan ni Cristo, na aking pangalan” (3 Nephi 27:5).

Larawan
A Stripling-Warrior Family

Minsan ay binisita ko ang isang pamilya sa Chile. Namatay ang kanilang ama mula sa aksidente isang buwan bago ako pumunta. Ang pangalan ng isa sa mga anak ay Benjamin. Siya ay 10 taong gulang noon.

Bago maaksidente ang kanyang ama, nagturo si Benjamin ng lesson sa family home evening. Tungkol ito sa mga kabataang mandirigma mula sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Alma 53:16–22; 56:42–57). Tinalakay niya kung gaano sila katapang at kung gaano sila nagtiwala sa Diyos.

Nang mabalitaan ng ina ni Benjamin ang tungkol sa aksidente, naisip niya ang lesson na itinuro ni Benjamin. Sinabi niya sa kanyang pamilya, “Kailangan nating maging matapang na gaya ng mga kabataang mandirigma. May isa pa tayong laban na haharapin.”

Mahirap ito para sa pamilya ni Benjamin. Parang bumaligtad ang buhay ng kanilang pamilya. Kinailangan nilang lumipat sa bahay ng kanilang lola. At nangulila sila nang labis sa kanilang ama. Ngunit alam nilang makakasama nila siyang muli balang-araw. Ipinasiya nilang maging pamilyang gaya ng mga kabataang mandirigma. Sabi ni Benjamin sa amin, “Nagpapakatapang ako.”

Pumasok ako sa bahay nila na may hangad na sila ay panatagin. Ngunit ang nangyari ay parang ako pa ang napanatag nila. Napakatapang na hinaharap ni Benjamin at ng kanyang pamilya ang labang ito. Ang kanilang pananampalataya ay nagbigay ng inspirasyon sa akin.

Lahat tayo ay maaaring maging matapang na tulad ni Benjamin. Ang pagiging matapang ay hindi nangangahulugan na hindi na tayo malulungkot o matatakot. Ang ibig sabihin nito ay manalig na tutulungan tayo ng Ama sa Langit sa mga oras ng pagsubok. Kapag dumaranas tayo ng paghihirap, magagawa nating piliing magtiwala sa Kanya. Lahat tayo ay maaaring maging mga kabataang mandirigma!