2017
Paano Mo Aalamin sa Iyong Sarili
October 2017


Mga Sagot mula sa mga Pinuno ng Simbahan

Paano Mo Aalamin sa Iyong Sarili

Mula sa Marso 2017 Face to Face event kasama sina Pangulong Henry B. Eyring at Elder Jeffrey R. Holland.

Larawan
young man

Mahal naming mga batang kaibigan, hangad namin na malaman ng bawat isa sa inyo sa inyong sarili, nang hindi umaasa sa iba, na ang Diyos ng langit ay tunay, na kilala Niya kayo, at na tinubos ng Kanyang Anak ang mga kasalanan ng mundo.

Umaasa kami na magkakaroon kayo ng matatag na patotoo na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik sa lupa sa huling pagkakataon. Ang misyon ni Joseph Smith ay kakaiba, gayunman ang kanyang mapagpakumbabang panalangin ay huwarang makatutulong sa inyo at sa akin. Nagpunta si Joseph sa kakahuyan upang manalangin nang may pananampalataya na sasagutin ng mapagmahal na Diyos ang kanyang panalangin at iibsan ang kanyang pagkalito. Nagkaroon siya ng gayong katiyakan sa pagbabasa ng salita ng Diyos at pagtanggap ng patotoo na ito ay tunay. Nanalangin rin si Joseph sa layon na hindi lang makinig kung hindi para sumunod anuman ang mangyari. Talagang gagawin niya anuman ang sabihin ng Diyos sa kanya.

Sa ganyang diwa, nais kong iparating ang isang hamon sa mga kabataan ng Simbahan. Ito ang hamon: alamin ninyo sa inyong sarili na ang mga bagay na ito ay totoo. Magagawa ninyo ito sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Joseph Smith: pag-aralan ang mga banal na kasulatan, hayaang bumaon sa inyong puso ang mga salita, pagnilayan ang mga ito nang paulit-ulit, at pagkatapos ay magtanong sa Diyos, nang may kahandaang tanggapin ang Kanyang patnubay—nang totoo, ang Kanyang kalooban ay masusunod.

Bagaman ang hamong ito ay tila isang simpleng imbitasyon, ipinapangako ko sa inyo na maaaring mangailangan ito ng malaking pagsisikap. Hindi ko maipapangako na ang mga sagot sa inyo ay darating sa loob ng isang araw o sa loob ng isang linggo, ngunit maipapangako ko na mangungusap ang Diyos sa inyo sa Kanyang sariling paraan at sa Kanyang takdang panahon, kung magtatanong kayo nang may pananampalataya. Sa inyong pagtanggap at pagkilos sa imbitasyong ito, matutuklasan ninyo na hindi lamang darating ang mga sagot, kundi magkakaroon din kayo ng huwaran ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman na magpapala sa inyo habambuhay.